Chapter II

80 7 16
                                    

Naalimpungatan ako mula sa aking mahimbing na tulog.

Una kong napansin si Tiya Lucia na isa-isang hinahawi ang mga kurtina rito sa aking silid na naging dahilan upang tumama ang liwanag na nagmumula sa labas sa aking mga mata.

"Hija, gumising ka na . . . . Tanghali na," aniya habang inaayos ang pagkakatali ng mga kurtinang kulay abo na bumagay rin sa puting pintura ng aking silid.

Kung hindi puti, kulay abo naman ang mga kagamitang matatagpuan dito. Umiikot lamang sa dalawang kulay na iyon ngunit mapapansin sa bawat disenyo ang maliliit na detalyeng naghuhumiyaw sa kagandahan. Simple but elegant. Iyan na siguro ang pinakamalapit na deskripsyong naaangkop sa aking silid.

Inalis ko ang nakabalot sa akin na kumot at dahan-dahan akong umupo sa gilid ng aking kama. Gamit ang kaliwa kong kamay, kinusot ko ang aking mga mata. "Pasensiya na po, pagod lang po talaga ako," pipikit-pikit kong sambit.

Nagtungo siya sa aking kinaroroonan. "Tumayo ka na riyan," wika niya. Hinawakan niya ang aking braso para ako'y hilahin patayo. Pinagpagan niya ang aking kama at inayos ang pagkakalagay ng mga unan at kumot.

Naglakad ako papalapit sa pader at sumandal doon. Yumuko ako at muling ipinikit ang aking mga mata. Sa palagay ko'y ilang oras akong nakatulog subalit sa pakiramdam ko'y kulang pa rin iyon.

Muli kong nilinis ang aking silid dahil sa kagagawan ni kuya Aaron. Hindi naman iyon katumbas ng nauna kong paglilinis ngunit lubos na nakadagdag sa sakit ng aking katawan ang pagyuko at pagsilip sa mga sulok upang matiyak na wala ng matitirang kalat.

Kahapo'y nagprisenta ang aking ina na siya na lamang ang maglilinis ngunit hindi ko iyon pinaunlakan. Ayaw ko ng makadagdag pa sa abala.

"Huwag ka nang magtangkang maligo mamayang hapon, ha? Huwag mong abusuhin ang katawan mo’t babawian ka niyan sa pagtanda mo," paalala ni Tiya Lucia sa akin.

Hindi ko mawari kung iyon ba'y isa sa mga pamahiin ng mga matatanda o galing mismo sa sarili niyang karanasan. Kahit ano pa man ang kasagutan, hindi naman yata masamang maniwala.

"Sumunod ka na sa ibaba, nakahain na ang pananghalian niyo." Agad akong napatingin kay Tiya Lucia. Ang mga yabag niya'y papalapit na sa pintuan.

"Niyo? May iba pa pong naiwan dito sa bahay maliban sa akin?" pag-usisa ko bago pa man niya mapihit ang busol.

"Si Aaron ang tinutukoy ko, hija, 'wag kang mag-alala." Bahagya pa siyang napatawa sa kaniyang pag-imporma. "Maaga silang umalis, may aasikasuhin lang daw. Ibinilin naman ng mama mo na 'wag kang istorbohin sa tulog mo kaya hindi na kita ginising para kumain ng agahan. Tinatamad naman daw bumalik si Aaron sa condo niya kaya dito na muna siya ulit pansamantalang mananatili."

Tila naalisan ng tinik ang lalamunan ko sa paliwanag na aking narinig. Mabuti na rin iyon dahil hindi ako makagalaw nang maayos sa tuwing naririto silang lahat. Nakakasakal, pero kailangan kong magtiis. Iyon na lang ang tanging magagawa ko para sa karangalan ng aming pamilya—ang manatili sa selda na sila mismo ang nagpundar.

Bago pa man ako iwan ni Tiya Lucia sa aking silid ay ilang ulit niya akong pinaalalahanang sumunod agad sa baba. Hindi na raw ako nakapag-agahan kaya't bilis-bilisan ko na ang pagkilos ko't baka makurot niya ako sa tagiliran. Mga matatanda nga naman . . .

Naghilamos at nagsipilyo muna ako bago tunguhin ang hapag-kainan. Doon ko na nadatnan si kuya Aaron na abalang-abala sa pagtipa sa kaniyang selepono, minsa'y umaangat pa ang sulok ng labi habang nakatingin doon.

Nagpapalitan ng tingin ang mga dalagang kasambahay. Ang iba'y bakas sa mga galaw ang paghanga, habang ang iba nama'y nakakunot ang noo dahil sa kuryosidad kung ano ba ang pinaggagagawa ng kapatid ko. Ang lakas naman talaga ng alindog ng taong ito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 19, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Always and ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon