Chapter 10

3.2K 148 7
                                    

"PAPA," alma ni Sanria nang matantiya kung saan sila papunta ng kanyang ama.

Pagkauwi pa lang na pagkauwi niya galing sa University ay pinagpahanda na agad siya nito ng mga damit. May pupuntahan daw sila. Nagtaka pa siya dahil hindi kasama ang kanyang ina at dalawang kapatid sa pag-alis nila.

"Bakit?" patay malisya na tanong ng kanyang amang si Sanji.

"Ayaw ko pong pumunta kina Gray. Iuwi niyo na po ako. Kaya pala hindi kasama sina mama dahil doon niyo ako dadalhin. Papa, mas gusto kong mag-stay sa bahay ngayong weekend."

"Sanria, hindi namin gusto na palagi kang nakakulong lang sa kuwarto mo kapag nasa bahay ka lang. Much better na doon ka muna kina Tito Andrei mo ngayong weekend. Para makapag-bonding din kayo ni Gray. Just like old times."

Naiimposiblehang tinapunan niya ng tingin ang ama. Kung alam lang nito kung ano ang sitwasyon nila ni Gray. Friendship over na sila.

"Papa—"

"Mamili ka kung saan mo gustong mag-stay. Bibigyan kita ng dalawang option. Kina Gray o sa London?"

Ama ba talaga niya ito? "Papa, alam mong ayaw kong mag-stay sa London—"

"Kaya nga dito kita dinala kina Gray dahil alam kong ayaw mo sa London dahil hindi mo naman kami makakasama roon," anito na iniliko na ang sasakyan papasok sa farm nina Gray.

Naiiling na nagbaling siya ng tingin sa bintana. Ngayon, ama pa niya ang naghatid sa kanya papunta kina Gray. Siguro nga, gusto lang ng mga magulang niya na lumabas siya sa lungga niya. Sa kabilang banda ay na-appreciate niya ang gusto ng mga ito. Nag-aalala lang ang mga ito sa kanya.

Naroon na sila, ano pa ba ang magagawa niya? Naisip niya si Gray. Baka hindi ito matuwa na makita siya matapos niyang tanggihan ang sinabi nito noong Lunes.

Stay...

Naipilig niya ang ulo. Paano kung nagbago na ang isip ni Gray?

"Papa, sa tingin niyo po ba ayos itong plano ninyo na dito ako mag-stay ngayong weekend?"

"For your own sake, yes."

Napabuntong-hininga siya. Okay, para sa mga magulang niya.

Ang Tita Chello niya ang naunang sumalubong sa pagdating nila. Hindi maikakaila sa maganda nitong mukha ang saya nang makita siya.

"Hindi na rin ako magtatagal. Baka gabihin pa ako sa daan pauwi. Kayo na ang bahala kay Sanria," bilin pa ng kanyang ama. "Sanria," baling nito sa kanya. "Enjoy."

Tumango siya. Mahigpit niyang niyakap ang ama bago ito umalis.

Bakit pakiramdam niya ngayon ay sobrang awkward na sa lugar na iyon na kumilos? Hindi na katulad dati. Malungkot niyang inilibot ang tingin sa paligid. Dahil sa aksidenteng iyon, napakaraming nangyari. Maraming nagbago.

"Sacil, pakidala nitong gamit ni Sanria sa gagamitin niyang silid. 'Yong guest room malapit sa kuwarto ni Gray," pakisuyo ni Tita Chello sa isang kawaksi nang makapasok sila sa loob ng mansiyon. "Sanria," baling naman nito sa kanya na matamis pa siyang nginitian. "Feel at home, okay? Katulad ng dati."

"Okay po."

"Ate Sanria!" palirit pa ni Ferncez nang makita siya sa salas. "Sabi ni Kuya Blue, dito ka raw matutulog. Tabi tayo, ha?" malambing pa nitong ungot sa kanya bago siya niyakap ng mahigpit.

Gumanti siya ng yakap kay Ferncez. "Sige. Puntahan mo lang ako sa guest room kung gusto mo akong katabi."

"Doon ka na lang sa room ko," nag-puppy eyes pa ito.

A Princess In Disguise 2: A Princess PromiseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon