Kontrabida, Pasok!

65 2 0
                                    

IYON lang, naakit na niya ang atensiyon ng kapalaran. Para na itong maldita’ng pinaglaruan siya nang sumunod na mga araw…

Kagaya na lang nang umagang iyon. Kaaalis lang ni Benjie para sumaglit sa kalapit-palengke ng iluluto nila para sa tanghalian. Siya nama’y busy sa pagco-compute para sa ie-entra’ng figures sa bookkeeping record nang walang pasintabing pumasok ang isang babae at maingay na ipinatong ang bag sa mesa. Nagulat na lang siya nang namaywang na ito sa harap ng kinaroroonan niyang mesa at taas-kilay na tinignan siya.

“Ikaw si Rebecca Ignacio?” tanong nito sa matigas na mukha. Gayunman, hindi maikakailang maganda ito. Ayos na ayos ang make-up pati buhok na medyo kulot. Na-emphasize ang dibdib na litaw ang cleavage sa maburluloy na plunging neckline sa suot nitong body-hugging long sleeves cotton blouse. May nakalambitin sa gitna nu’n na ladies sunvisor. Pati pantalon, skinny jeans na ipinaloob sa itim na boots na lalong nagpataas sa taas nitong nasa limang talampakan at anim na pulgada yata. Iyon din kasi ang taas niya. Kulang na lang ang latigo, cowboy hat at kabayo at mukha na itong naka-pose na equestrian sa harap niya.

“Ako nga ho. Ano po’ng kailangan nila?” magalang pa rin na tanong naman niya kasunod ng alanganing ngiting namutawi sa mga labi. Pero alerto na siya. Lalo pa at obvious na para yatang handang makipag-giyera ang babaeng nasa harap niya.

Sukat na isinuot nito ang antipara na parang nasilaw sa kanya. Pero pinakatitigan naman siya mayamaya. Feeling virus siya na isinailalim sa microscope sa ginawa nitong pagtaas-baba ng tingin sa kanya.

“Tumayo ka at tignan mo ako. At itanong mo sa iyong sarili kung nasa kalingkingan ba ng ganda ko’ng ito ang iyong pagmumukha,” turo pa nito sa sarili.

Iiii... May bagyo ba ngayon? Maaraw naman sa labas.

Nagsalubong bigla ang kilay niya na tumayo nga. “Teka lang, ha? Teka lang. Nasa tamang katinuan ka ba para sumulpot na lang dito basta at walang pasintabing pagsabihan ako ng ganyan? Hindi ka nakahitit ng katol, ‘teh? Ano ba’ng atraso ko sa iyo? Hindi kita kilala.”

“Lalo na ako. At wala ako’ng pakialam kung nag-e-exist ka man o hindi. Iyon lang, ang kapal naman ng mukha mo para makuha mo pang kalantariin ang boyfriend ng may boyfriend. Kung lumalandi ka rin lang, sa iba mo ihanap iyan. Huwag ang boyfriend ko!” bigla na nitong akusa.

Parang gusto niyang matigagal sa sinabi nito. Siguro naman, hindi takas sa mental hospital ang bruhang kaharap niya.

“Sandali lang, ha? Ayus-ayusin mo ang pinagsasabi mo at huwag mo akong pinaparatangan na lang ng kung anu-ano. Boyfriend mo at kinakalantari ko? Hello, nakita mo ba ang pangalan ng tindahan ko?” nabubuwisit na din siyang sagot dito.

“At gusto mo pa’ng mag-deny, ha? Sure, alam ko ang pangalan ng tindahan mo kaya hindi ako namamali ng pinasok. Kung ikaw ang reyna ng yelo, tanggapin mo din ang korona ng denial queen dahil iyon ang ginagawa mo ngayon. Itinatanggi mo’ng hindi mo pinapakialaman ang boyfriend ko!” singhal nito.

Nagpanting na ang tainga niya. Subalit pinipigil niya ang sarili na huwag itong sapukin para lang magising. Huminga siya nang malalim at nakuha na ring pinamaywangan ito. “Sabihin mo nga sa akin. Sino ba ang ipinagmamalaki mo’ng boyfriend mo?”

“Hindi mo alam?!” tila hindi makapaniwalang bulalas nito.

“Manghuhula ba ako sa tingin mo? Alisin mo nga kasi iyang antipara mo para matignan mo ako nang maayos.” Pumaling-paling siya. “May turban ba ako at bolang kristal sa mesa?” sarkastikong tanong niya pagkatapos.

Hindi siya nito pinansin. “Si Je-o ang boyfriend ko. Senior Police Officer Three Je-o Reynald Caridaoan. Does his name rings a bell to you? Kung hindi mo pa naisip, siya ang hepe ng pulisya dito sa inyo!”

“Baka kabit ang ibig mo’ng sabihin, Miss,” biglang may nagsalita sa pasukan ng tindahan.

Nang tignan nila, astang maton ang porma ni Benjie roon. Muntik na nitong ihagis ang hawak na basket ng mga pinamili nito nang maalala marahil kung ano ang laman nu’n. Kaya ang ginawa, iniwan ang basket sa tabi ng bag ng babae at parang sakang sa ka-macho-han na lumapit sa kanila, liyad ang dibdib at taas ang noo, pati butas ng may kapanguhang ilong nito’y nadagdagan ng size sa paglaki. Ilong in the air is waving.

Napaatras nang kunti ang bruhang maganda nang tuluyang makalapit si Benjie sa tabi niya at inakbayan siya.

Nakuha niya naman ang nais nitong palabasin kaya itinaas din niya ang noo, ginaya ang porma ng ilong saka humalukipkip.

Tila natigatig tuloy ang babae. “H-hindi ako kabit. Binata pa iyon maski ipagtanong niyo pa sa NBI.”

“Kaya ngayon, gusto mo’ng palabasin na kinakalantari ko nga ang boyfriend mo? Tsk, malamang may pagkasinto-sinto ang source mo ng balita’ng iyan, ‘neng. Iyong-iyo lang kahit isaksak mo pa sa baga mo. Busy kami. Puwede ka nang makaalis,” aniya sa malamig na tono.

Nang ma-realize marahil ng babae na nakaputong na ang korona ng yelo sa kanya at ang ipinipilit nitong korona kanina, nagngangalaiting tumalikod na nga ito at sinambilat ang bag palabas. Sa pagmamadali, muntik na tuloy tumimbuwang nang magkabisala ang paghakbang. Pero itinuloy din ang paglakad at walang lingon-likod na umiimbay ang balakang nitong tinugpa ang distansiya papunta sa police station para doon naman siguro maghasik ng lagim.

❤️❤️❤️Lagot ka, Chief! ❤️❤️❤️

Hand's Off, I'm In Loveحيث تعيش القصص. اكتشف الآن