One Shot (1) | Bibingka

12 1 0
                                    

Bibingka // Ben&Ben


Hindi ako makahanap ng tiyempo kung kailan at paano ako aamin kay Meanne, bestfriend ko simula high school.

College na kami ngayon. Gustong gusto ko pa rin talaga siya. Madalas kaming tuksuhin ng aming mga kaibigan sa tuwing kami ay magkakasama. Madalas kasi ako magpakita ng pagmamahal ko sa kanya sa mga pasimpleng galawan ko. Halos lahat nga ng tropa namin ay napapansin iyon. Si Meanne nalang ang hindi. Hays! Ang manhid ng babaitang iyon!

"Hoy! Allen! Ano? G ka ba?" Inis na tanong ni Meanne sa akin at umirap pa. Hindi ko napansin na kinakausap na niya pala ako. Nako Meanne! Kung alam mo lang na ikaw ang laman ng isip ko!

"Oo! G ako!" Niyaya niya ako mag simbang gabi dahil bukas na ang unang gabi.

"Ayon! Ang tagal pa sumagot amp! Oo rin naman pala ang isasagot!" Natatawang sabi niya. Kasalukuyan kaming kumakain sa isang sikat na Sisig place malapit sa school namin. Pareho namin itong paboritong kainan.

"G na yan ha? Sunduin pa ba kita o ano?" Agad akong umiling at natawa sa sinabi niya. Daig pa niya ang lalaki kung makaaya ng ganito amp!

"Ako na ang susundo sa'yo. Tutal mas malapit sa bahay ni'yo ang simbahan." Tumango tango naman siya sa sinabi ko.

Mabilis ang mga kaganapan. Mamaya na kami magkikita ni Meanne para magkasamang dumalo sa unang gabi ng simbang gabi. Nakasuot lang ako ng washed denim pants at light gray na tshirt. Binagayan ko na rin ng white sneakers. Casual lang dahil magsisimba lang naman kami.

Makulay na ang kapaligiran. Nababalot na ang buong bayan ng sari-saring mga dekorasyong pampasko. May mga nakasabit na christmas lights sa bawat bintana. May mga santa claus sa ibang bahay. Mayroon ding naglalakihan at nagkikislapang mga parol. Damang dama ko na ang simoy ng kapaskuhan.

Maaga akong nakarating sa bahay nina Meanne sapat lang na oras para may maupuan pa kami sa simbahan. Nagkalat na rin ang mga nagbebenta ng iba't-ibang gamit at pagkain sa labas ng simbahan. Walking distance lang ang simbahan sa bahay nila kaya nakarating din kami agad bago magumpisa ang misa.

Pareho kaming tahimik at nakikinig ni Meanne buong misa. Nasa Panginoon ang atensyon naming dalawa.

"Halina't sabay sabay nating kantahin ang Ama Naming turo ng Panginoon." Bungad ni Father at sabay sabay na itinaas ng mga tao ang kamay nila hanggang sa lebel ng balikat na para bang nananampalataya.

Kasabay noon ay itinaas na rin namin ni Meanne ang aming mga kamay. Nagulat ako sa ginawang paghawak ni Meanne sa kamay ko kung kaya't napatingin ako sa gawi niya. Nakita kong taimtim siyang sumasabay sa pagkanta at parang wala lamang sa kanya na magkahawak na kamay namin ngayon. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko!

Natapos na ang pagawit sa Ama Namin at nagpatuloy ang mga pagdiriwang sa banal na misa. Hindi pa rin ako magawang tignan ni Meanne at nakatutok pa rin siya sa sinasabi ni Father. Ako naman ay hindi mapakali. Ngayon ko lamang nahawakan ng ganito ang kamay niya.  Feeling ko nasa langit na ako ngayon pa lang dahil sa ligayang bumabalot sa puso ko.

Matapos ang misa ay tumingin tingin kami sa mga panindang nakabalandra sa labas ng simbahan. Naisipan ni Meanne na bumili ng sampaguitang binibenta ng batang babae. Iyon lamang ang nabili namin at nagkayayaan nang umuwi.

Hinatid ko si Meanne sa bahay nila dahil gabi na rin at delikado na. Naabutan naman naming nagaabang sa labas ng bahay nila si tita Eana, mama ni Meanne. Nginitian lamang ako ni tita at nagpasalamat bago sila pumasok sa loob ng bahay.

Ganoon palagi ang set-up namin tuwing gabi. Parati akong kinakabahan at tila ba kusang bumibilis ang tibok ng puso ko 'pag alam kong malapit nang mag Ama Namin dahil magkakahawak na naman ang kamay namin. Sa sandaling magkahawak ang kamay namin, para akong nakalutang sa ulap sa sobrang saya. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahan ko. Siguro ganoon talaga iyon ano? Siguro wala namang sapat na eksplenasyon kung bakit lubos na lumiligaya ang puso ng isang tao.

Ito na ang huling araw ng simbang gabi. Mamaya lamang ang bisperas na ng pasko. Happy birthday Jesus!

Naggayak na ako dahil aalis na rin ako para sunduin si Meanne sa bahay nila. Nagsuot lamang ako ng itim na pantalon at kulay berdeng tshirt. Binagayan ko rin ito ng puting sapatos na sinuot ko noong unang araw ng simbang gabi. Naglagay ako ng kaunting pabango dahil ngayon ko na balak umamin kay Meanne tungkol sa aking nararamdaman.

Mareject man o hindi, ang mahalaga, nagtake risk ako. Kailangan kong tapangan ang sarili ko para may mapala ako.

Sinundo ko na si Meanne sa bahay nila. Kakaiba ang ganda niya ngayong gabi. Naka red dress siya na hanggang itaas ng tuhod ang haba at binagayan niya iyon ng puting sneakers. Nakalugay lamang ang buhok niya at hindi na siya naglagay pa ng kung anong kolorete sa mukha. Ang ganda niya talaga!

Nakarating na kami sa simbahan. Mas maaga kaming nakarating kumpara sa usual na oras ng pagdating namin noong mga nakaraang gabi.

Nabuhayan ako ng dugo nang isandal niya sa balikat ko ang ulo niya. Hindi ako makagalaw. Parang isang malaking kasalanan ang paggalaw 'pag sa tingin mo ay kumportable na siyang nakasandal sa'yo. Ewan ko ba!

Nang magumpisa na ang misa ay wala nang nagsalita pa sa amin ni Meanne. Nakinig at nakipagpartisipa kami ni Meanne sa misa.

"Halina't sabay sabay nating kantahin ang Ama Naming turo ng Diyos." Hudyat na maguumpisa na ang pagawit sa Ama Namin. Agad na hinawakan ni Meanne ang kamay ko at nakisabay sa pagawit ng mga anghel sa langit.

Matapos ang Ama Namin ay hindi kaagad na binitawan ni Meanne ang kamay ko, bagay na ipinagtaka ko. Ramdam na ramdam ko ang malambot niyang kamay. Lord, maraming salamat sa oras na ito sana po ay hindi pa ito ang huli.

Natapos na ang misa at magkahawak pa rin ang kamay namin ni Meanne. Walang naglakas loob na magtanong kung bakit. Walang gustong bumitaw mula sa pagkakahawak. Parang pareho naming gusto ang sandaling iyon. Para bang ayaw na namin bumitiw sa isa't-isa.

Magkahawak kamay pa rin kami nang makalabas sa simbahan. Tumingin ulit kami sa mga nakabalandrang paninda ng mga tindero't tindera. Napukaw ang atensyon ko nang maamoy ko ang mahalimuyak na amoy ng bagong lutong bibingka.

Agad akong bumili ng dalawang bibingka, tig-isa kami ni Meanne. Nakita kong kuminang ang mata ni Meanne nang iniabot ko sa kanya ang isang supot na naglalaman ng bibingka.

"Bakit?" Tanong niya sa akin nang kunin ang supot ng bibingka. Hindi ko maintindihan ang tanong niya pero,

"Hindi ko rin alam, Meanne." Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong isagot o kung pareho ba kami ng naiisip na tanong ni Meanne.

Tinignan niya ako sa mata, bagay na ikinagulat ko dahil noong mga nakaraang gabi na magkasama kami ay hindi niya ako magawang tignan ng diretso sa aking mga mata. Umiwas ako ng tingin dahil masyadong matagal ang pagtitig niya sa akin. Tila ba naghihintay ng mga salitang na lalabas mula sa aking bibig.

Baka ito na ang huli.

Sambit ko sa utak ko. Pero hindi ako nagpadala sa kaba at takot. Kailangan kong umamin kay Meanne ngayon. Kailangan kong lakasan ang loob ko.

"Meanne," Panimula ko at ibinalik ang tingin sa mata niya. "Meanne, gusto kita." Natigilan siya sa sinabi ko. Para bang nagulat at naguguluhan.

"Gusto kita, matagal na." Dagdag ko pa.

Hindi niya inalis ang seryosong tingin niya sa akin. Kinakabahan ako sa mga katagang masasambit niya.

"Allen, sa tingin mo ba ako, hindi?" Natigilan ako sa sinabi niya. Halo halong emosyon ang nararamdaman ko. Totoo ba 'to?

"Allen, gusto rin kita. Matagal na."

Allen & Meanne

xoxo, Kei.

A Montage of Love | One Shot StoriesWhere stories live. Discover now