Tatlumpu

9.6K 661 238
                                    

Walang lumabas sa mga bibig niya nang sabihin ko sakaniya ang laman ng puso ko, bagkus ay sinuklian niya lamang ako ng isang malalim na halik at mahigpit na yakap. Yakap na tila ba ako ay mawawala sakaniyang tabi at halik na kasing init ng pagmamahal ko. Hindi man niya sinabing mahal niya rin ako ay sapat na ito sa akin basta nandito siya sa tabi ko.

Natapos ang gabi na wala akong ibang ginawa kung hindi ang titigan lang siya habang katabi ko siya sa higaan. Bawat detalye ng kaniyang mukha ay kinakabisado ko, ang bawat piraso ng langit na nabuo ay ngayo'y katabi ko at mahimbing na natutulog. Hindi ko napigilan na haplusin ang maganda niyang mukha na kahit sino ay mahuhumaling dito.

"Kung sa iyong palagay na nagulo mo ang buhay ko, nais kong malaman mo na isa kang payapa na natagpuan ng puso ko." Marahan akong lumapit sakaniya at saglit na dinampian ng halik ang kaniyang noo.

"Magandang gabi, Mayari."

Marahil sa buhay natin ay palaging dalawa ang bahagi, kung minsan na iisip natin na isa tayong pabigat... pero hindi natin alam na para sa iba isa tayong biyaya.

Unti-unti na rin dumilim ang paningin ko sa paglamon saakin ng malalim na gabi.

Nagising ako sa sinag na tumatama bahagya sa mukha ko kaya naman na upo ako, saglit kong naramdaman ang kirot ng tinahi sa ulo ko pero kaya ko naman ito. Napansin kong wala na sa tabi ko ang dalagang binukot kaya napagpasyahan kong tumayo at pumunta sa balkon. Paghila ko ng pintuan pakanan ay wala akong nakitang magandang dalaga sa balkon ngunit pagtanaw ko sa ibaba ay kumurba ang labi ko nang hindi ko namamalayan.

Ang babaeng nakabistidang puti ay tahimik na nakaupo sa gilid ng pond at marahan na nilulubog ang mga dulo ng daliri niya dito. Ang maliliit na sinag ng araw na tumatagos sa mga dahon ng puno ng mabolo ay tumatama sa katawan ng dalaga na nagdadala lalo ng pagkamangha sa akin. Namataan ko si Pongie, ang alaga kong pagong na nasa isang malaking bato at nakamasid lang sa magandang dalaga. Mukhang nagmana sa akin ang pagong ko na natutulala sa taglay na ganda ni Mayari.

"Marahuyo..." bulong ko sa hangin bago lisanin ng paningin ko ang dalaga.

Nagpasya akong bumaba upang maghanda ng agahan, hindi ako pinapapasok ng tatlong araw dahil sa sugat ko sa ulo kaya wala akong ibang gagawin kung hindi ang mamalagi sa bahay kasama ang dyosa ng buwan.

Pagpasok ko sa kusina ay agad kong kinuha ang pulang pula na mansanas sa counter at kinagat ito, habang ngumunguya ay binuksan ko ang refrigerator at sinipat ng pwedeng mailuto..

Patay, walang hotdog para kay Mayari.

Bulong ko sa isipan ko, tiyak na magagalit na naman siya nito sa akin. Ihahanda ko na lang ang sarili ko pero sa ngayon pancake na lang muna ang ihahanda ko.

Nilabas ko sa kahon ang mga laman nito na panggawa ng pancake. Hindi ako sanay gumawa nang ganito kaya sana hindi ito magmukhang monay o kung ano pa man. Pinaghalo-halo ko lang lahat sa isang bowl at nilagyan ito ng itlog tsaka hinalo ito para makuha ko ang tamang timpla.

Pinainit ko na yung kawali at nilagyan ito ng mantekilya bago ko ibuhos dahan-dahan ang pinaghalo halo kong sangkap. Hindi ako magaling magluto pero sa tingin ko naman hindi ako makakasunog ng pancake?

Maya-maya pa ay tumunog ang telepono sa salas kaya hininaan ko nalang ang apoy at saglit na pumunta sa salas upang sagutin ang tawag.

"Hello?"

"Ma'am Selene!" nabigla ako sa masayang tono ng boses ni Teri sakabilang linya.

"Teri! Kumusta ka? At ang Tatang?" tahimik ang paligid kung nasaan siya, malamang nito ay nasa mansion siya.

MayariWhere stories live. Discover now