Tatlumpu't pito

8.4K 764 345
                                    

"Ako ay lilisan."

Ramdam ko ang pagsikip ng dibdib ko at hirap sa paghinga. Nakakabingi ang dagundong ng puso kong kumukirot. Napatingin na lamang ako sa labas ng bintana habang natutulala sa kawalan. Habang mabilis na dumadaan sa aking paningin ang mga ilaw ng poste at mga sasakyan ay kasing bilis rin ito ng pagkabog ng puso ko. Hindi ko lubos maisip ang sinabi niya sa akin na aalis na siya.

Ako ay na nanaginip lang ba? Maaari bang gisingin mo ako sa bangungot na ito? At baka sa muling pagmulat ikaw ay kapiling pa.

"Selene,"

Hindi ba pwedeng manatili siya? Hindi ba pwedeng dito nalang siya? Bathala, hindi ba pwedeng..

"Selene!"

Napalingon ako sa babaeng katabi ko at hindi ko namalayan ang pagtulo ng luha ko sa aking mga mata. Agad ko itong pinunasan na tila walang nangyari, na tila hindi ko iniinda ang kirot ng puso ko.

"Tayo ay nakarating na sa iyong balay."

Pagsabi niya nito ay lumabas ng sasakyan ang dalaga at hindi na ako hinintay pang pagbuksan siya.

Napakurap-kurap pa ako dahil nanglalabo ang paningin ko habang hinahanap ko ang pitaka ko sa bulsa ng pantalon ko upang bayaran ang taxi driver. Kumuha ako ng isang libo at inabot sa matandang lalaki.

"Manong, ito po at sainyo na po ang sukli. Salamat sa paghatid sa amin nang ligtas."

"Napakalaki naman nito, Binibini. Nawa'y bigyang biyaya ka sa mga hangad ng iyong puso." Bahagya akong ngumiti sa matandang lalaki na napaliligiran ng puting balbas at bigote ang mukha ngunit tanaw ang magandang mata nito na tila ka hinihipnotismo.

"Tiyak ko po na makakatulong iyan, sige po, at mauuna na ako. Ingat po kayo sa pamamasada." Palabas na ako ng taxi nung marinig ko pa ang pahabol niyang salita na hindi ko na gaanong naintindihan dahil sinarado ko na ang pintuan.

Tumindig ako sa tabi ni Mayari at tahimik lang siyang nakamasid sa akin.

"Pasensya kana at natagalan ako sa pagbaba,"

Walang reaksyon ang kaniyang mukha ngunit halata sa kaniyang mga mata ang hindi maintindihang emosyon na ngayon ko lamang nakita. Maging ako ay natigilan na lang din at tahimik na tinititigan ang mukha ng dyosa. Ito ang mga isa sa mga huling pagkakataon na makikita ko ang maganda niyang mukha. Pakiramdam ko ay anumang oras ay tutulo na naman ang mga luha sa aking mga mata.

"Maaari na ba tayong pumasok sa iyong balay?"

Natigulan ako sa pagtitig at taranta akong hinahanap ang susi sa aking bulsa. Nang mahanap at maisuot ito sa susian ng bakod ay pinagbuksan ko ang dalaga. Ngunit imbis na sa loob ng bahay ay dumiretso siya sa pasilyo sa gilid ng bahay ko kung saan patungong likod hardin. Binuksan ko ang ilaw sa likod hardin na nakapulupot sa puno ng mabolo na tila mga bunga na nagliliwanag.

Umupo ang dyosa sa gilid ng pond, at tahimik lang na nakatingin sa akin. Sa pagtitig niyang ito ay lalong sumasakit ang puso ko.

Manatili ka nalang sa akin, maaari ba?

Tumingala ako sa langit at kitang kita ang bilugang buwan na malapit nang tumapat sa kalagitnaan ng kalawakan. Napahawak ako sa tapat ng aking puso, ramdam ko ang pagkirot nito ngunit wala akong magawa kung hindi ang tiisin ang lahat ng ito.

Sa nalalapit kong paggising mula sa panaginip na ito, ay kasabay ang paglaho ng dalagang iniibig ko.

"Marahil ay tapos na ang kaparusahan ni Bathala saiyo," pinilit ko ang sarili ko na tumawa at muling tumingin sa dalaga, "kaya kailangan mo nang bumalik."

MayariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon