Kabanata XXXIII: Buhay at Kamatayan

14 1 0
                                    

Pagpatay ng ilaw sa safehouse ay agad na sumugod ang grupo nina Frank kung saan nagtatago sina Fina, Gracia at ang kanilang pamilya. Nakasuot silang lahat ng bonet upang hindi sila makilala. Napatay ng kanilang grupo ang mga bantay sa labas, maging ang electric fence na nakapalibot sa gate nito. Napakadali nilang nagawa ito gamit ang kanilang mga ripleng tuluy-tuloy sa pagpapakawala ng mga bala. Pinasok nila ang bahay at pinagbababaril ang mga gwardyang sumalubong sa kanila sa entrada nito.

Patagu-tago ang mga gwardya sa iba’t ibang sulok ng kabahayan habang binabaril ang mga sindikatong nanloob sa kanila. May mga namatay na sindikato at gwardya sa nangyaring pamamaril.

Nagising si Fina at ang kanyang buong pamilya sa narinig na putukan sa baba. Nagdulot ito ng takot sa kanilang lahat.

“Akala ko ba ligtas tayo rito? Patibong lang yata ‘to eh,” pag-aalalang sabi ng kanyang ina.

“Tama si Lucas. Marami sa kapulisan ang protektor ng sindikatong dumukot sa amin,” wika niya. Nababakas pa rin ang kalungkutan sa kanyang tinig.

“Mamaya mo na problemahin ‘yang boyfriend mong kriminal! Tara na, tumakas na tayo rito!” inis na winika ng kanyang ama. Tumayo na siya sa may pintuan. Pinakinggan niya kung anong nangyayari sa labas ng kanilang silid.

Bubuksan na sana ng kanyang ama ang pinto nang may bigla itong marinig na bumalagta sa tapat nito na siyang kanyang ikinagulat.

“Mahal bakit?” tanong ni Sarah.

Tumayo na rin silang lahat malapit sa pinto. Kapwa silang nakahawak sa bisig ng isa’t isa. Nangininginig ang kanyang mga kamay sa takot lalo pa’t hindi niya kasama ang kanyang nobyo na siya pumoprotekta sa kanya sa mga ganitong klaseng sitwasyon.

“Nandyan na sila,” pabulong na tugon ni Roman.

Napayakap naman si Fina sa kanyang ina at sa bunsong kapatid na si Rina. “Anong gagawin natin tay? Mamamatay na yata tayo rito.”

“Fina. Si Adrian ‘to. Lumabas na kayo. Itatakas namin kayo,” dinig nilang tinig sa labas ng kwartong ito.

Nagtinginan silang mag-anak sa isa’t isa. Tumango siya sa kanyang ama upang pagkatiwalaan ang taong nasa labas ng silid na kanilang pinagkukublian. Binuksan ng kanyang ama ang pinto at nakita nila roon ang pulis na si Adrian.

“Hali na kayo. Dahan-dahan lang,” dugtong pa nito.

Nakita rin nila sina Gracia at ang pamilya nito na kalalabas lang ng kanilang silid.

“Dito tayo.” Naglakad si Adrian patungo sa isa pang hagdan ng safehouse na nakakonekta sa likod nito.

Mabilis ngunit tahimik silang tumakbo sa pangunguna ni Adrian upang hindi sila makita ng mga sindikato. Tuluy-tuloy pa rin ang naririnig nilang mga putukan doon.

“Ayun sila! Tumatakas!” sigaw ng isa na siyang binaril ni Adrian sa bibig.

“Tara bilis!” sabi ni Adrian.

Tinulinan nila ang kanilang pagtakbo. Hanggang sa makarating sila sa kinaroroonan ng SUV ni Adrian. Nakita nilang dalawa ang sasakyan doon. Subalit hindi na nila pinansin pa ang isa. Binuksan ni Adrian ang isang sasakyan.

“Hindi yata tayo kakasya,” kabado niyang tinuran. Papalit-palit ang kanyang tingin sa mga kasama at sa kinaroroonan ng mga sindikatong humahabol sa kanila.

Ilang saglit pa’y may biglang humila sa kanyang braso dahilan upang mapaharap siya roon.

“Lucas?” Niyakap niya ito ng napakahigpit at mangiyak-ngiyak pa siya sa magkahalong kaba at pagkasabik. Subalit bumitaw din ito sa kanya.

Lick This GunWhere stories live. Discover now