3 - Birthday Gift

12 0 0
                                    

"Malapit na akong lumabas anak, magkakasama na tayo sa birthday mo," maaliwalas ang mukhang turan ng kaniyang ama habang nakahawak sa dalawang kamay niya.

Nakaupo sila ng magkaharap at nakapagitan sa kanila ang lamesa. Hindi niya alintana ang init na isinisingaw ng yerong nagsisilbing proteksiyon nila mula sa araw. Kasalukuyan namang okupado ng ilan ang kabilang mga lamesa at upuan na kung titignan ay tila walang pinagkaiba sa kanila ng ama.

"Anak, balita ko ga-graduate ka na ng college. Sobrang saya ko talaga ng malaman ko iyon. Iyon nga lang, nakakalungkot isipin na hindi man lang ako nakatulong sa iyong ina mula ng mabilanggo ako dito," may lungkot na sabi nito. Naramdaman niyang mas humigpit ang hawak nito sa kaniyang mga kamay.

"Okay lang po iyon, 'tay. Sabi niyo nga po, magkakasama na tayo sa birthday ko. Malapit na po iyon at tiyak, kasama kita sa graduation ko. Presensiya mo lang po itay, sapat na po iyon."

Hindi nakaligtas sa kaniya ang pangingilid ng luha sa mga mata nito matapos niyang sabihin iyon. Halos tatlong taon na nilang hindi nakakasama ang ama. Nakulong kasi ito sa salang hindi naman talaga siya ang may gawa. Ngunit dahil sa kapos sa pera at mabagal ang proseso ng kaso upang mapalaya ang ama ay umabot ng ilang taon ang pagkakapinid nito.

"Anak, kunin mo nga pala ito at ibigay sa iyong inay. Ipon ko iyan sa ilang buwan kong pinagtrabahuhan dito sa loob. At ito, i-display mo sa bahay," kasabay ng iniabot nitong pera ay ibinigay din nito ang boteng kakikitaan ng kubo at puno ng buko sa loob nito. "Ayan ang ginagawa namin."

"Wow, 'tay! Ang ganda po. Kapag nakalaya na kayo at nagkatrabaho na ako, gagawa tayo ng madaming ganito at gagawin nating hanapbuhay. Para mapirmi nalang din kayo ni inay sa bahay. Tay, sobrang miss na po kita. Miss ka na po namin. Nagkataon lang po na may pasok sila Junior sa school at may tanggap naman ng labada si inay kaya hindi na sila nakasama."

"Ayos lang anak. Naiintindihan ko. Isa pa, kahit wala sila'y ramdam ko ang pagmamahal nila. Lagi ko din kayong isinasama sa dasal ko. Sa totoo nga ay nagiging aktibo kami sa pagdalo ng bible study dito sa loob. Sobrang laking tulong at nakakatuwang isipin na sa pamamagitan noon ay napapaunlad kami kahit paano."

"Masaya po akong malaman iyon itay," nakangiting sabi niya at napatingin sa kaniyang relo. "Nako, tay. Oras na po pala para umalis. Tay, asahan ko po kayo sa birthday ko ha? Mahal na mahal po kita. Mahal na mahal ka po namin," aniya at inakap ang ama. Bago tuluyang umalis ay nilingon niya muna ito at nakita niya ang nag-uumapaw na pag-ibig ng kaniyang ama para sa kaniya. Kumaway ito sa kaniya at ganoon din ang ginawa niya.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Ngayon na nga ang kaniyang kaarawan at unang-unang pumasok sa kaniyang isipan ay ang ipinangako ng ama. Naisip niya, makakauwi na nga kaya ito at makakasama niya sa araw na ito?

Bago tuluyang lumabas sa kanilang kwarto matapos itupi ang kumot na kaniyang ginamit ay ang hindi maipintang mukha ng kaniyang ina at mga kapatid ang sumalubong sa kaniya. Ang inaasahang pagbati ng mga ito para sa kaniyang kaarawan ay napalitan ng masalimuot na pakiramdam. Nalaman niya mula sa mga ito na pauwi na ang kaniyang ama. Tinupad nito ang pangako sa kaniya.

Ilang araw ang lumipas. Nakamasid siya sa boteng ibinigay ng kaniyang ama. Kinuha niya iyon at itinaktak. Hindi inaasahang may malalaglag na papel mula dito. Dinampot niya iyon at binasa.

Hindi man tayo magkasama, palagi kayong nasa puso at panalangin ko. Mahal na mahal ko kayo. Hinding hindi magiging hadlang ang distansya sa aking nararamdaman para sa inyo. Nawa ay matupad ninyo ang mga pangarap niyo aking mga anak. Ingatan ang inyong ina at sa mahal kong asawa, mahal na mahal kita. Ingatan mo ang ating mga anak gayundin ang iyong sarili. Huwag na huwag kakalimutan ang Maykapal. Salamat sa lahat. Patawad sa lahat ng aking naging pagkukulang. Mahal na mahal ko kayo. Paalam.

Bumahang lalo ang kaniyang mga mata. Mga matang ilang araw ng namumugto at lumuluha. Inakap niya ang boteng hawak. Lumakad na siya pabalik sa isang parte ng kanilang bahay, sa kung saan kaniyang muling nakita ang amang mahimbing na nakahimlay sa loob ng mahabang kwadradong tanda ng panghabang buhay na pagkakahimlay.

One Shot Stories CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon