Kabanata 1

2.4K 129 46
                                    

"PAG-ISIPAN mo muna kasi bago ka humindi."

     Tiningnan ni Bernadette ang kapatid na si Ada. Karga-karga nito si Belina—ang dalawang taong gulang nitong anak. Pinuntahan siya nito sa kaniyang shift sa Bistro & Coffee para lang kulitin sa gusto nitong mangyari. Na two weeks na nitong ginagawa. Hindi ba ito natutulig sa sarili? O sadyang miss lang din siya nito kaya halos araw-araw siya nito dalawin doon.

     Magmula kasi nang ikasal ito kay Brent, doon na ito tumira sa mansion kasama ng mga Esplana. Dumadalaw-dalaw pa naman din paminsan-minsan ang kaniyang ate sa bahay nila, pero bihira na dahil abala ito sa mga anak at sa pag-aaral.

     Masaya siya sa nangyayari sa buhay ng ate niya ngayon. Her sister deserved it all. Hindi pa naman huli ang lahat para tapusin ang pag-aaral. Ano naman kung bente-sais anyos na ang kaniyang ate nang bumalik ito sa second year high school? Ang mahalaga, nagpatuloy.

     Sinakripisyo nito ang sarili para mabigyan sila ng magandang kinabukasan noon, at ngayong mayroon na siyang trabaho at hindi na sila gaanong naghihikahos, sarili naman nito ang dapat na i-prioritize. Ngayon ay kasabay nito si Ton-ton, ang bunso nilang kapatid, na nag-aaral sa kolehiyo. Paaral ang mga ito ng Esplana. Maski ang huling taon ni Bernadette sa kolehiyo noon ay sinalo rin ng mga ito.

     "Badet, ano, tara na?" aya ng kapatid niya na para niyayaya lang siya mamasyal sa mall. Lumapit si Nina, ang isa sa mga yaya ng mga bata, at sinubukang kargahin si Belina, pero muli lang itong pinaupo ni Ada. "De kaya ko 'to, maupo ka lang diyan, 'te. Kain ka pa. Ubusin mo 'yang mga pagkain, ha."

     Namilog ang mga mata ng babae. "Hala, Ada, ang dami nito! Hindi ko ito kaya ubusin. Busog na busog na ako."

     Noong una ay "Ma'am" ang tinatawag ng mga ito kay Ada, ngunit ayaw ng kapatid niya. Anito'y pantay-pantay lamang sila. Totoo naman. Kahit kung tutuusin ay parte na ng alta sosyedad ang ate niya dahil ganap na itong Esplana, nanatiling nakatapak ang mga paa nito sa lupa. Sana lahat ng mayayaman ay ganoon.

     Inayos ni Ada ang pagkakarga kay Belina at lumapit kay Nina. "Bawal magsayang ng grasya. Ibalot na lang natin kung 'di mo maubos. Silipin mo sa bag ko, may dala akong supot at ilang tupperware. Lagay mo ro'n."

      Naiiling na nilapitan ni Bernadette ang kapatid. "Ate, may takeout box namin kami. Ba't nagdala ka pa ng supot at saka tupperware?"

     "Paano'y akala ng ate mo ata'y handaan ang pupuntahan," singit naman ni Raye. Nandito na pala ito. Kanina kasi ay lumabas ito para saglit na makitelebabad sa boylet daw nito.

     "Mabuti nang handa. At saka papaano, napakaraming in-order ni Brent. Akala yata ng magaling na lalaking 'yon, e, matatakaw kami—" Natigilan ito at napabaling kay Raye. "Ay, maliban sa iyo pala. Walang hanggan nga pala ang bituka mo. Kaya siguro nag-order nang marami 'yong isa, e, dahil nahiya sa iyo."

      Mabilis na umiwas ang ate niya nang tangkang sasabunutan ito ni Raye.

     "'Tong gagang 'to"—may hinugot si Raye mula sa bag na eco bag na may laman ding dalawang bilog na tupperware—"pero okay lang naman. Laman tiyan din 'to hanggang sa susunod na linggo." Dinampot nito ang serving spoon at nagsimula nang magsalin doon ng iba't ibang putahe.

     Napangiwi si Bernadette sa ginagawa ng huli. Pinagsasama nito ang menudo, pakbet, chopsuey, at kung ano-ano pa. Hindi kaya magloko ang tiyan nito mamaya?

     Pinagtitinginan sila ng ibang diners, ngunit tila walang pakialam ang mga ito. Natatawa na nga lang din pati sina Bernadette at Nina.

     "Ayaw n'yo talaga ng matinong lalagyan?" muling alok ni Bernadette. "Libre lang naman 'yon."

DIS #2: The Right OnesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon