34. Wild Minds

1.6K 156 25
                                    


Walang ibang nakakapasok sa silid na iyon sa Cabin maliban sa mga may pahintulot—iyon ang alam ng lahat. At wala sa hinagap nila na may pahintulot pala si Edric na pumasok sa silid na iyon mula nang alisan sila ng karapatan sa Grand Cabin.

Kung may nakaaalam man ng katotohanan sa likod ng mga pangyayaring iyon, sigurado si Edric na kung hindi si Poi, si Gaspar ang maaaring makasagot sa kanya.

Hindi tipikal na ipinatatawag si Gaspar sa Prios. At maraming dahilan ang pamilya para hindi siya patapakin doon. Wala nga lang magagawa ang pamilya dahil nakalabas na ang Testamento ng Ikauna sa kagagawan ng chairman.

"Brother," pagtawag sa kanya ni Donovan pagbaba niya ng limousine. Tinanaw niya ang pinsan sa kabilang sedan na sinakyan ng mag-asawa.

Tumango lang siya bilang sagot. Papalubog na naman ang araw at may panibagong pulong ulit. Nagsabay na silang tatlo sa pagpasok sa building ng Prios at sinalubong na naman ng mga nagtatrabaho roon nang may buong paggalang.

"The High Priest is here," sabi ni Donovan habang inaalalayan sa paglalakad si Chancey.

Hindi na sumagot si Edric dahil alam din niya. Isa sa pinakanakakatakot na bahagi ng Prios si Gaspar. At kapag tumapak ito sa isang teritoryo, hindi maaaring hindi maramdaman ang presensya nito. At sapat na ang kapangyarihan nito para ipaalam sa kanila mula pa sa lobby ng Prios na naroon na ito sa gusali. Paniguradong nasa 40th floor na ang ginoo sa loob ng conference room.

Pagtapak ng tatlo sa loob ng elevator, napahimas agad ng braso si Chancey kahit balot naman ng woven blazer ang itaas na bahagi ng katawan nito.

"Kinikilabutan ako. Parang may kung anong bad vibes ang nandito ngayon sa Prios," sabi ni Chancey.

Nagkatinginan ang magpinsan.

Iba pa ang sinasabi ni Chancey. At kung hindi iyon si Gaspar, malamang na iyon ang Testamento ng Ikauna.

Normal lang para sa kanila ang dumalo sa bawat meeting. Gaya ng mga tao, magsusuot ng pormal na damit at mag-aayos. Kahit na pagdating sa loob ng conference room, ibang anyo naman ang makikita sa kanila.

Tatlong buwan—ganoon katagal hindi nakatapak ng Prios sina Donovan, Chancey, at Edric. Pansamantalang ikinulong ang chairman sa Grand Cabin para hindi mapuntahan ang asawa nitong nasa Gilmora. Iniwan naman ang numen sa malayong lugar para alagaan ng pamilya. At persona non grata sa mga buwan na iyon si Edric dahil sa ilang paglabag na ginawa bago pa mangyari ang lahat.

Ngunit sa pagkakataong iyon, walang magagawa ang pamilya kundi pabalikin silang tatlo para sa paliwanag.

Tahimik sa conference room pagpasok nila. Sa may pintuan pa lang, kitang-kita na ni Edric ang lumulutang na lumang aklat sa stage. Binabalot iyon ng umiikot na usok na kulay lila at puti. Nagtatayuan ang mga balahibo niya. Doon pa lang sa kinatatayuan, nakaririnig na siya ng mahihinang sigaw sa loob niyon.

Kapag ang chairman ang kumukuha ng aklat, hindi iyon naririnig at hindi ganoon ang itsura. Sa pagkakaalam niya ay may ginagamit na orasyon para panatilihin ang aklat sa pisikal na anyo nito.

Pero walang nag-orasyon kaya sapat na ang nakikita niya para sabihing hindi magandang senyales ang pagpapakita ng libro sa lupa.

Gaya ng nakasanayan, walang lumilingon sa kanila. Nauna nang naupo sa puwesto ng mga bampira si Edric at nagulat siya nang makita ang mga naroon.

"Father?" tanong niya dahil maging ang ama niyang pinababa sa posisyon ay naroon din.

Sinundan niya ng tingin sina Chancey na papaupo na sa puwesto nito sa harapan. Sunod ay ang blangkong upuan sa kabilang dulo sa unahan. May nakaupo na roon—ang punong saserdote, si Gaspar.

Prios 4: Living with the VanderbergsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon