CHAPTER 2

1.5K 82 16
                                    

"Sige na kasi. Kuya mo ang paghatirin mo sa 'yo bukas para naman makausap ko siya," nakikiusap kong saad habang ginagalaw ang braso ni Bernardo.

Mag-iisang buwan na mula nang magpasukan. Hanggang ngayon ay kinukulit ko pa rin ang aking katabi na si Bernardo para ipakilala sa akin ang kuya niya nang sa gano'n ay makita ko si B4rbiel4t tapos ipapakilala naman ako kay Barbie.

"Hindi nga pwede. Hindi ka ba nanunuod ng mga superhero?" bulong niya sa akin. "Hindi nagpapakita sina Spiderman sa tao kapag walang ililigtas."

Napanguso ako at napatukod sa aking lamesa. Abala si teacher sa unahan habang nagtuturo ng abakada. Bagay na alam ko na dahil itinuro na iyon sa akin ng tutor ko dati.

"Huwag ka nang malungkot," usal ni Bernardo makailang saglit.

Nilingon ko siya at napabuntonghininga. "Gusto kong makita si Barbie. Gusto kong maging fairy," pagkukwento ko.

Asta siyang tatawa ngunit mabilis kong tinakpan ang kanyang bibig.

"Hindi na kakayanin ng skin ko kapag may toxic pa na tumalsik sa akin," nangingilabot kong saad.

Napailing nalang siya at lumayo ng kaunti sa akin. "Huwag kana malungkot. Mamaya may ipapakita ako sa 'yo," nakangiting wika ni Bernardo.

Agad na nagningning ang mata ko sa tuwa. "Talaga?!" medyo napalakas kong sambit dahilan para suwayin ako ni teacher.

"Kapag nag-recess na tayo," bulong niya sa akin saka itinuon ang atensyon sa unahan.

Gano'n din naman ang ginawa ko kahit pa paminsan-minsan ko siyang sinisilip ng tingin.

Ano kaya ang ipapakita niya?




"TINGNAN mo ito," tawag pansin niya sa akin nang mag-anunsyo si teacher ng recess.

"Ano 'yan?" usisa ko habang nakatingin sa posporong inilabas niya.

"Hindi ba at sinabi ko sa 'yo, si Spiderman ang kuya ko?" usal niya.

Tumango naman ako bilang tugon habang nanatili ang tingin sa hawak niyang posporo.

"Ito ang mga anak niya," saad niya at marahang binuksan ang kaha ng posporo.

Napaawang ang bibig ko nang nagsimulang lumabas ang tatlong matatabang gagamba. "Nanganganak din ang lalaki?" namamangha kong wika at pinanuod si Bernardo na laruin ang dala niyang mga gagamba.

Nakita ko ang kanyang pagngiti at saka mahinang tumikhim. "Oo," sagot niya.

"Wow. Ang galing naman, pero bakit mo kinuha ang anak ni kuya mo? Baka mamatay iyan kasi 'di ba kapag baby pa kailangan nilang dumede?"

Bumungisngis si Bernardo ng tawa na siyang ikinatalksik na naman ng laway sa mukha ko.

Mamamatay na 'ata ako sa toxic mula sa laway niya.

"Busog pa sila, mamaya pa sila magugutom," tugon niya.

Tumango nalang ako bilang pag-intindi dahil halata naman talaga na busog pa ang mga iyon. Sandali pang nilaro ni Bernardo ang mga gagamba bago iyon isa-isang ibinalik sa lalagyan. Maya-maya pa ay biglang nahulog ang huling gagamba sa sahig kasabay nang pagdaan ng isa kong kaklase dahilan para mapirat ang munting gagamba.

"HALA! BERNARDO! ANG ANAK NI KUYA MO PATAY NA!"

Taym Pers (Oneshot) ✅COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon