K A B A N A T A 35

24 1 0
                                    

BAGO matapos ang buwan ng lubadlubad (Agosto) ay nagpahayag si Don Erenas na may magaganap na handaan sa kanyang bahay sa may purok ng Mercedes malapit sa antiao river.

May mga inimbitahan siyang mga panauhin at lumaganap ang balitang ito sa buong katbalaogan at maging sa kalapit na nayon. Maging ang mga kantanod na hindi pormal na naimbintahan ay aasahang dadalo.

Si Don Erenas ay isang purong Español na siyang lumaki sa pilipinas. Naging isa siyang mahistrado sa maynila na siyang nagbibigay hatol sa mga kaso na nasa ilalim ng kapangyarihan ng korte ngunit ng dahil sa kanyang edad ay nag retiro na siya.

Kilala itong mabait at matulungin sa nangangailangan subalit ayaw niya ng mga taong rebelde at mangangalakal.

Napabuntong hininga nalang ako ng matanaw ko na ang bahay nila. Nakasakay kasi ako ngayon ng karwahe papunta dito. Hindi ko din kasama si Manuel dahil nauna na itong pumunta. Natulog kasi ako kanina at pagkagising ko ay sinabi sa akin ni Ginang Laura na sumunod daw ako para sa piging na iyun.

Aaminin kong hindi ako komportable sa piging na ito lalo na't naririto si Dahlia. Pero bahala na si batman, kahit na ang gusto ko lang naman ngayon ay ang matulog magdamag. Hayst.

Pagkapasok palang ng karwahe sa tarangkahan ay bumungad na sa akin ang mga guwardiya sibil na nagbabantay doon. Sa labas din ay agaw pansin na agad ang nagliliwanag nitong bahay na puno ng mga palamuti. Maririnig din ang masiglang tugtugin ng orkestra.

Agad akong inalalayan ni Mang Caloy na bumaba ng karwahe kung kaya't agad na akong pumasok doon. Katulad ng inaasahan ko ay marami talaga ang mga panauhin nila.

Magagarbo ang kasuotan ng lahat na animo'y isa itong patimpalak kung sino ang pinakamayaman sa kanilang lahat. Lahat sila ay kapwa abala sa pagpapasikat ng mga bago nilang mga kagamitan na nabili pa sa ibang bansa. Hindi ko din maiwasang maubo ng maamoy ko ang usok ng kanilang mga tabako.

"Corazon! Nagagalak akong makita kang muli" nawala yung pagka-out of place ko ng makasalubong ko si Isabella na siyang kabiyak ni Kuya Londriko. Agad akong napangiti at sinalubong siya ng yakap. Ang tagal na din kasi ng huli kaming nagkita.

"Naririto din ba sina Kuya?" Tanong ko sa kanya kung kaya't agad itong tumango. "Oo, kausap nila ngayon ang Visitador-Heneral kung kaya't hindi sila maaring gambalain" saad pa niya sa akin at agad akong pinasunod sa kanya. Nasabi din nito sa akin na maging sina Ina ay naririto kung kaya't agad kong inilibot ang tingin ko. Masyado kasing malaki ang bahay na ito kung kaya't hindi ko sila mahanap at maging si Manuel ay hindi ko nakita.

"Nga pala, malugod na pagbati sa inyo ni Señor Manuel. Natutuwa akong malaman na ika'y nagdadalang tao na" saad niya ng tumigil na kami sa harapan ng bakanteng upuan. Ngumiti nalang ako bilang tugon sa kanya at sabay na kaming umupo.

"Salamat, gagawin kitang ninang kung gusto mo" natatawa kong saad sa kanya kahit wala namang nakakatawa sa sinasabi ko. Hayst. Maging sarili ko ay hindi ko na din maintindihan.

Nandito kami ngayon sa bakanteng upuan na kung saan ay natatanaw na namin ngayon sina kuya Londriko habang kausap yung ilang panauhin na nabibilang sa mataas na antas. "Yan si Senior Francisco Lavezaris, siya ang aking tinutukoy na isang visitador heneral" saad niya muli sa akin sabay turo sa lalaking may magandang tindig na siyang kausap ni kuya. Sa tingin ko ay magkasing edad lang sila ni Don Wilfredo. Nababakas din sa mukha nito ang pagiging purong espanyol.

"Siya'y isang Insulares at naririto siya ngayon upang magsiyasat sa mga gawain ng mga opisyal" pagkwekwento pa niya kung kaya't napakunot-noo ako ng madinig yung isang salitang hindi pamilyar sa akin.

"Insulares? Ano iyun?" Tanong ko sa kanya kung kaya't nabakas sa mukha nito ang pagtataka. "Iyo na bang nakalimutan ang ating pinag-aralan sa Maynila?" balik niyang tanong sa akin kaya pilit akong ngumiti sa harapan niyan habang nag-iisip ng magandang dahilan.

Changing Fate (Trapped in time)Where stories live. Discover now