III

109 5 1
                                    

Ang sabi sa akin ni Tita Lia matatangal ang sakit ng ulo ko kapag nagpunta ako ng Mid Zone pero mas lumala pa ito habang hila-hila ako ni Mama palabas ng mansion. Naririnig ko pa rin ang mga ingay kahit na nakasuot pa rin ang ear plugs ko. Sa lahat ng ingay mas nangingibabaw ang bilis ng pagtibok ng puso ko dahil sa takot ko kay Mama.

"Pigilan n'yo sila!" Narinig ko ang pamilyar na boses ng isa sa inspector kanina.

"Bakit ba naisipan mo na sumama kina Lia? Hindi ba't ilang beses ko nang sinabi sa'yo na 'wag na 'wag kang pupunta sa Mid Zone?" Tinakpan nya ang teinga ko at hinarap ang mga taong papunta sa amin. Hindi ko alam kung ano ang ginawa nya pero napatakip ang lahat sa mga teinga nila. Tinanggal nya ang kamay nya sa akin at nagpatuloy akong hilain.

"Iniwanan mo ang kapatid mo sa taong hindi nya kailanman nakilala, hindi mo ba naririnig ang iyak nya?" Galit nyang sabi.

"M-Makukulong daw ako kapag hindi ako nagpunta." Tumigil siya sa pagkakaladkad sa akin pero mas humigpit ang hawak nya sa braso ko.

"Bullshit." Mas nagulat ako sa pagsalita ni mama ng ibang linggwahe kaysa sa lalaking nasa harap namin na sinamaan nang tingin ni mama. Kapansin-pansin ang buhok nyang hanggang balikat ang haba. Parang nakita ko na minsan ang lalaking ito pero hindi ko maalala kung saan.

"Almira, bitawan mo ang bata," kalmadong sabi nya kay mama. Magkakilala sila? Nang maalala ko kung ano ang trabaho ni mama hindi na ako nagtaka kung bakit. Baka isa siya sa mga naging customer nya.

"Desisyon ko kung ano ang gagawin ko sa anak ko." Tinakpan nya ulit ang mga teinga ko at ang lalaki na nasa harapan naman ngayon ang nakatakip sa mga teinga nya.

Sumakay kami ni mama sa isang service na papalabas at nang makapasok na kami sa madilim na lagusan ay saka nya lang ako binitawan ulit. Nagmura siya nang tumingin sa likod namin at sinigawan ang driver na tumabi kaya si mama na ang nag-drive at mas humilis ang takbo ng service.

Hindi ko gaanong kilala si mama at ngayon ko lang siya nakita na maging ganito. Bakit ayaw nya akong pumunta sa Mid Zone? Ano ba ang mali sa pag-ve-verify ng na-manifest ko? Sino ang lalaking humarang sa amin ni mama? At ano ang ginawa nya kanina at lahat ng tao ay napapatakip ng teinga? Ang dami kong gustong itanong sa kanya pero alam kong hindi nya ako sasagutin.

"Stop fucking following us, Damien!" Nakayanan ko pa ang pagsigaw ni mama pero hindi ko alam kung paano nya natiis ang pagsigaw nya. Lahat ng mga taga Zone 3 malulumanay magsalita kahit galit na, nakakagulat na marunong sumigaw si Mama kahit na sobrang talas ng pandinig nya.

At sino si Damien na kayang magpasigaw kay Mama?

Malapit na kami sa gate nang may kumalampag. Lumingon ako sa likod at nakita ang lalaking humarang sa amin kanina at may sinasabi siya pero sa hindi malamang dahilan ay hindi ko ito marinig. Lumapit ako kung nasaan si Mama pero hindi ko tinanggal ang tingin ko sa lalaking patuloy na nagsasalita wala akong marinig.

"Are you sure you want to go inside of Zone 3, Damien?" Rinig kong sabi ni mama. Hinintay ko kung ano ang gagawin ng lalaki habang papalapit kami nang papalapit sa gate ng Zone 3.

Agad na umalis sa service ang lalaki nang makapasok kami sa gate ng Zone 3. Itinigil ni mama ang service sa gilid ng daan saka humingi ng pasensiya sa driver na hindi alam kung ano ang gagawin. Pinababa ako ni mama saka kinaladkad na naman.

"I only need your daughter, Mira. Why are you hiding her?" Narinig ko na rin sa wakas ang boses ng lalaki. Liningon ko ito at nakitang nandoon lang siya sa gate pero hindi makapasok dahil bawal.

Nakapamulsa siya at nang makita na nakatingin ako sa kanya ay may pinakita siyang parang card saka binato papunta sa akin. Bago ko pa ito makuha ay tumigil si mama at siya ang sumalo dito.

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon