Chapter 26: Where the bodies are hidden

11 3 0
                                    


[Chapter 26]

Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan ng kwarto ko at muling isinara ito pagkalabas ko. Hating-gabi na at nakapatay na ang mga ilaw dito sa loob ng bahay.

May pinag-usapan kami kanina ni Tens tungkol sa pagpunta namin sa lugar na nakasaad sa dokumento. Sa una ay hindi siya pumayag na ngayong gabi kami pupunta pero hindi naglaon ay pumayag na rin. Dahil hindi ako papayag na palampasin ko pa ang gabi para malaman ang tungkol sa bahay na iyon. Nakakapagtakha na hindi ko alam ang lugar na iyon. At may nag-iisang dahilan lang kung bakit hindi ko alam ang lugar na iyon, at ito ay dahil may sikreto na namang nakakubli doon.

At iyon ang gusto kong malaman ngayong gabi.

Mahigpit kong hawak ang sukbitan ng backpack na suot ko. Halo-halong bagay ang laman nito at dala ko rin ngayon ang dokumento na nakita namin kanina. Kung malaman man nila na nawawala ito, wala na akong pakialam kung paghinalaan nila ako.

Hindi rin ako sigurado kung makakatakas ako sa mga tauhan na nakabantay sa bawat sulok ng bahay.

Ang plano ay sa likod ako dadaan. At sa labas naman ng bakod sa likod maghihintay si Tens dala ang kaniyang motorsiklo na gagamitin namin papunta roon. Hindi rin ako sigurado kung makakaya kong akyatin ang bakod namin. Baka hindi pa ako nakakarating sa kalahati ay nahuli na ako ng mga bantay.

Maingat at magaan lamang ang bawat lakad ko. Baka may naglilibot na bantay at matunugan ako.

Tinahak ko ang direksiyon papunta sa likod ng bahay kaya napadaan ako sa kusina. Wala ring tao. Sigurado akong tulog na tulog na ngayon ang mga katulong namin dahil sa dami ng ginawa nila kanina. Magkabilang utos ang mga natanggap nila kaya alam kong pagod sila.

"Emerald? Hija, ikaw ba 'yan?"

Parang naistatwa ako sa pagkagulat nang biglang may tumawag sa pangalan ko. Sh*t! May tao!

Lumingon ako sa pinaggalingan ng boses at nakita ko sa loob ng kusina si Manang Milda at may hawak pang flashlight. Mabilis akong lumapit sa kaniya at pinatay ang nakabukas na flashlight dahil baka may ibang makakita sa amin.

"Manang, 'wag kayong maingay!" suway ko sa kaniya at nagpalingon-lingon din sa paligid namin dahil baka may papalapit na bantay sa kinaroroonan namin.

"Susmaryosep kang bata ka! Akala ko ay magnanakaw. Mabuti na lamang at namukhaan kita," sermon naman sa akin ni manang Milda pero hindi ko iyon pinansin dahil kinakabahan ako sa kaniya. Masyado siyang maingay.

"Manang hinaan niyo ang boses niyo," bulong ko sa kaniya.

Bigla naman ako nitong tiningnan mula ulo hanggang paa. Purong itim ang suot ko ngayon na parang akyat bahay. Sa isip ko ay sa ganitong paraan, mas mahirap akong makita sa dilim.

"Bakit ganiyan ang suot mo? At bakit gising ka pa? Saan ka pupunta?" sunod-sunod na tanong sa akin ni Manang Milda pero ngayon ay hininaan na niya ng kaonti ang kaniyang boses. Hinawakan nito ang dala kong backpack, "At bakit may dala kang bag?" dugtong pa nito.

"Wala po ito Manang. May pupuntahan lang po akong importante. Basta po 'wag niyo akong isusumbong sa mga magulang ko," pakiusap ko. Bakit ba kase gising pa siya? "Maaasahan ko po ba?" paniniguro ko pa.

Wala akong nakuhang tugon kay Manang Milda at nanatili lamang siyang nakatingin sa akin. Nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko at ikinulong nito sa kaniyang mga palad.

"Mapapahamak lang kayo kung ipagpapatuloy niyo ang ginagawa ninyo," sabi sa akin ni Manang Milda at bakas sa kaniyang boses ang pag-aalala. Nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi niya. Alam niya?

Trust No OneWhere stories live. Discover now