Bespren 05

321 65 8
                                    

Three days na akong hindi pumapasok dahil hindi pa gaanong maayos ang pakiramdam ko. Naisip ko tuloy, ano na kaya'ng ginagawa ng mga classmate ko ngayon?

Mga classmate mo ba talaga ang inalala mo Jasmine? O meron pang iba?

Nitong mga nakaraang araw pansin kong napapadalas na yata ang pagkausap ko sa aking sarili. Tanong ko, sagot ko na rin.

Sige na nga, iniisip ko si Renz. Hindi na kami nagkapalitan ng mensahe simula no'ng gabing 'yon. Kumusta na kaya siya?

Kain-tulog lang naman kasi ang ginagawa ko rito sa bahay at nakakabagot 'yon para sa akin.

Palakad-lakad lang ako sa sala namin, sa kusina tapos babalik ulit sa kwarto. Ang boring talaga 'pag gano'n. Mas lalagnatin pa yata ako lalo kapag hindi ako makapasok sa school.

Napadako ang tingin ko sa kalendaryong nakasabit sa pader ng bahay namin. Hala, bukas na pala 'yong Prom! Kailangan ko na yatang gumaling talaga.

Kunwari lang na ayokong um-atttend sa Prom pero ang totoo na-e-excite din ako. Huling taon na kaya namin 'to sa high school kaya dapat maging memorable 'yon.

Ngayon ko lang napagtantong nakakabagot pala mamalagi rito sa bahay. Pero kahit gano'n, thankful pa rin ako dahil may pamilya akong nag-aasikaso sa 'kin sa tuwing nagkakasakit ako.

Pakiramdam ko sobrang tagal matapos ang araw na 'to. Gusto ko na ring gumaling para hindi ko na naiistorbo ang mga tao rito sa bahay na asikasuhin ako.

Buong araw akong hindi mapakali. Kung ano-ano na tuloy ang pumapasok sa isipan ko. Sa sobrang pagkabagot ko, nagkaroon pa talaga ako ng oras upang isipin kung ano ang mangyayari kinabukasan.

Bahala na nga 'yang si Batman. Siya naman ang in-charge riyan.

Muntik ko nang maibuga sa bunso kong kapatid ang iniinom kong tubig nang biglang tumunog ang cellphone ng Ate ko. Kumakain kasi kami ng tanghalian nang magtext si Zafari.

Susunduin daw niya ako rito sa bahay para do'n na mag-ayos sa kanila. Kumpleto kasi siya ng gamit. Ready na rin naman ang dress na isusuot ko.

Nakakatawa nga kasi halos lahat kaming magpipinsan, iisang dress lang ang ginagamit sa tuwing nagkakaroon ng Prom. Matik 'yan once na tumuntong ka sa third year at fourth year high school.

Gamit na gamit na ano? Imbes kasi na bumili kami ng bago, pinagtitiyagaan na lang namin dahil maayos pa naman 'yong dress. Hindi naman big deal sa panahon na 'to kung outfit repeater ka.

Nagpaaalam na ako kay Mama na roon ako kina Zaf magpapaayos. Mahilig kasi siya sa mga gano'n eh. Siya nga mismo ang nagmi-make up sa sarili niya tuwing uma-attend siya ng iba't ibang okasyon.

Pagdating namin sa kanila, wala si Renz. Oo na, siya kaagad ang hinanap ko. Kanina pa kasi gustong kumawala ng puso ko nang malaman kong susunduin ako ni Zaf.

At dahil do'n, nakahinga ako nang maluwag. Sinumulan kaagad niya ang pag-aayos sa akin.

Nang matapos na kami...

"Jaz, you're so pretty," nakangiti niyang wika habang nakatitig sa akin.

Inikot ko pa ang upuan para tingnan ang sarili ko sa salamin. Hindi ako makapaniwalang ako ang nasa repleksiyon. Parang ibang tao ang nakikita ko. Ang galing talaga ni Zaf 'pag dating sa ganito.

May igaganda pa pala ako, komento ko sa aking isipan. Hindi naman sa pag-angat ng sarili kong bangko pero ang ganda talaga ng naging resulta.

"Ayan ha, kapag wala pa talagang kumaladkad sa 'yo mamaya para isayaw ka, ewan ko na lang," pagbibiro niya na ikinatawa ko.

"Grabe ka naman, haha. Salamat Zaf ha."

"You are always welcome, Princess Jasmine." Kumbaga sa fairy tale, si Zaf ang aking fairy godmother.

"Let's go?"

Tumayo na ako upang tulungan siyang magligpit ng gamit.

Eksaktong alas-sais pa naman ng gabi magsisimula ang Prom pero quarter to six pa lang nando'n na kami. Mabuti na 'yong napaaga kaysa late.

Nilibot ko ang aking tingin sa loob ng multi-function hall. Ang gaganda at ang gu-guwapo ng mga schoolmate ko ngayon, in fairness.

Isang buwan na lang pala ang natitira, graduation day na namin. Sa hindi malamang dahilan nakaramdam ako ng lungkot.

Parang kailan lang no'ng grumaduate ako sa elementary tapos ngayon naman, sa high school.

Natigil ang pagmumuni-muni ko nang biglang dumaan sa harapan namin ang isa naming kaklase. Nagkatinginan pa kami ni Zaf bago napahagalpak sa tawa.

Paano ba naman kasi sobrang pula na ng pisngi niya. Nasobrahan yata siya sa blush on. Nagmukha tuloy siyang nasuntok ni Manny Pacquiao. Hindi pa kasi uso ang light make up sa ganitong okasyon.

'Yong iba naman, ang tataas ng takong na gamit. Ano pa't hirap silang maglakad. Aakalain mong rampahan ang pinuntahan. Prom 'to, hindi pageant.

Nilibot ko pa ang aking paningin. Muntik na akong mapatili dahil sa itim na lipstick na gamit no'ng kakilala ko na nasa kabilang section. Mali yata siya nang napasukan. Tapos na kasi ang haloween party eh.

Hahaha.

Ang creepy naman kasi. Kung hindi lang ito importanteng okasyon baka kanina ko isinuksok ang aking sarili sa sulok dahil sa takot.

Muntik na akong atakihin sa puso nang mapatingin siya sa amin. 'Yong lalaki namang kasama niya, mukhang ibuburol lang ang hitsura.

Pareho na kami ni Zaf na nakahawak sa tiyan dahil sa katatawa. Sorry na agad. Hindi naman talaga ako judgmental, sinasabi ko lang kung ano ang nakikita ko. Peace!

"Jaz," sabay yugyog niya sa balikat ko.

"Ano 'yon, Zaf?"

"May hinahanap ka ba?" tanong niya nang mapansing palinga-linga ako.

"Ako? Wala, hehe," pagsisinungaling ko.

"Tara na. Luminya na raw tayo sa labas by section. Magsisimula na ang processional."

"Sige," pagsang-ayon ko.

Wala pa rin si Renz. Imposibleng hindi siya a-attend eh napaka-supportive ng parents nila ni Zaf lalo na kapag may ganitong event. Mukha rin namang hindi nag-aalala si Zaf kaya baka nariyan lang siya sa tabi.

At dahil wala akong ka-partner, sa pinakadulo ako luminya. Gano'n kasi ang agreement. Unang papasok ang may kapareha sa venue para raw organized. Matulog kaya muna ako? Baka mamaya pa akong alas-siyete makapagrampa nito.

Nilibot ko ang aking paningin. Halos lahat pala sa section namin um-attend. Talagang sinulit na nila ang moment na 'to dahil pagkatapos nito, college life na ang sunod.

Nangangawit na ako sa kinatatayuan ko sa sobrang tagal makapasok ng mga nauna. 'Yong iba kasi nagpapakuha pa ng litrato sa entrance kaya medyo natatagalan. At dahil maganda naman ako tonight, keri lang.

"Jaz, ikaw na ang sunod. Good luck!" pagpukaw ni Zaf sa natutulog kong diwa. Kinawayan muna niya ako bago pumasok sa loob.

Kinabahan naman ako bigla roon. Para kasing may kakaiba sa ngiti niyang 'yon. Good luck talaga sa 'kin dahil ako lang ang rarampa mag-isa.

Hahakbang na rin sana ako papasok nang biglang may humawak sa kamay ko. Shocks! Bakit ang lamig ng kamay niya? Hindi kaya ito 'yong mukhang ibuburol na nakita namin ni Zaf kanina?

(ᵔᴥᵔ)(ᵔᴥᵔ)(ᵔᴥᵔ)

Loving You Secretly [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon