Chapter 09 : Naya Velasquez

80 6 0
                                    

Ang unang bagay na napansin ni Naya sa kan'ya ay ang puti n'yang suot mula ulo hanggang paa. Hindi rin nakaayos ang unang butones ng suot n'yang long sleeve kaya't tila ba'y nakalantad ang dibdib n'ya na tanging ang manipis lamang na sando ang tumatakip. Hindi naman masyadong payat o malaki ang kan'yang katawan―katamtaman lamang kung tutuusin. Gayunpaman, kapansin-pansin pa rin ang malapad n'yang balikat at tila malalaman n'yang braso. Animo'y isang lalaking hindi dumaan sa magaang buhay. Maliban doon ay mapapansin rin ang kakaibang tattoo na bahagyang sumisilip mula sa dibdib nito kaya't hindi tuloy maiwasan ni Naya na hindi maalala ang kan'yang asawa―gano'n na gano'n ang tattoo ni Johan sa dibdib...

Hindi man n'ya kita ng buo ang isang ito, ngunit ang mabalahibong lobo na iyon na may kagat-kagat na bungo ay kilala n'ya. Si Johan lamang ang baliw na baliw sa tattoo na 'yon.

"Heto na po ang order n'yo..." Inilapag n'ya ang kanin at ulam sa lamesa nito. Nakasuot rin ito ng Ray-Ban habang abalang tumitipa sa hawak na selpon kaya't hindi na s'ya nag-abala pang kilalanin ng maigi ang mukha nito. Medyo weird nga ito kung tutuusin, dahil sa mga punong tumatakip sa kanilang lugar, masyadong malilim ang lugar para sa Ray-Ban ngunit sabagay maliwanag naman talaga ang kalangitan ngayon maliban dito, nakatapat rin ang direksyon ng araw mula sa karagatan.

"Sandali, pwede bang makausap ang amo n'yo?" Ang tawag ng lalaki kay Naya oras na tumalikod s'ya kung kaya't napapihit s'ya at napalingon nalang rito. Hindi ito lumingon o nag-angat man lamang ng tingin dahil abala ito sa pag-tipa sa hawak na selpon. Sinulyapan lamang s'ya nito sandali saka ibinalik ang tingin sa ginagawa.

Binalikan ni Naya ang costumer sa paglalayong sagutin ito ngunit katahimikan lamang ang namayani dahil ayaw naman n'yang istorbohin ito sa ginagawa. Ilang segundo ay huminto ito sa ginagawa at nakangiti s'yang binalingan. Bumuka ng bahagya ang bibig n'ya upang tanungin ito ngunit nag-ingay naman ang hawak nitong selpon kaya't agad rin itong napatayo at napatalikod sa kan'ya nang sagutin ang tawag.

"Hindi pa s'ya nakakauwi? Noe, pakiusap pakitingnan s'ya sa mga ineekstrahan n'ya. Magbabayad ako. Oo na, basta hanapin mo s'ya bago maggabi. Kontakin mo 'ko kaagad kapag nakita mo na s'ya. Huwag na huwag mo s'yang hahayaang makaalis nang hindi nagsasabi sa'kin. Sige, sige salamat. Pakisabi nalang rin sa kan'ya na nakarating na ako ng Zambales. Hindi ko s'ya makontak. Hindi ko pa alam, basta babalik agad ako d'yan kaya kapag nakita mo na s'ya sabihin mong huwag s'yang mag-alala. Ang dami n'yang missed call. Lowbat lang talaga ako kanina kaya hindi ko nasagot ang mga tawag n'ya." bilin nito sa kausap matapos ang maya't-mayang pagtango.

Dahil roon, dahan-dahang humarap muli rito si Naya. Magkadaop ang kan'yang mga palad sa tapat ng kan'yang suot na apron nang ngitian ito muli.

Matapos nitong makausap ang kung sino man sa kabilang linya ay saka s'ya nagtanong, "May kailangan po ba kayo, sir?" magalang s'yang ngumiti.

Tinanggal nito ang suot na rayban at ibinulsa ang hawak na selpon saka s'ya hinarap.

"Ang boss n'yo, gusto kong makausap—" Natigilan ito oras na mapatitig sa kan'ya.

Sa taas nitong anim na talampakan kumpara sa 5 flat na taas ni Naya, kinakailangan pa tuloy n'yang mag-angat ng tingin sa lalaki. Lumapad ang manipis nitong labi oras na mag-tama ang kanilang mga paningin.

Wala namang kakaiba sa lalakeng ito maliban sa gwapo at maputi kumpara sa mga taga-probinsya. Gayunpaman kung tumingin kay Naya ay kakaiba kaya't lalo n'yang nilaparan ang ngiti sa labi animo'y hinihintay ang sasabihin nito―pilit ginagampanan kung paano dapat n'ya tratuhin ang isang costumer.

THE EX-CONVICT RETRIBUTIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon