Chapter 14 : The one that got away

54 8 1
                                    

"Pa-parang awa mo na..." Tinangka ni Naya na kumawala at lumaban. Gayunpaman, kahit kailan ay hindi naging sapat ang kan'yang lakas.

Higit-higit nito ang kan'yang leeg at mga kamay. Nang tangkain n'yang gamitin ang kan'yang mga binti'y mabilis naman nitong ginamit ang sariling binti, tinuhod s'ya saka s'ya marahas na idiniin sa pader habang walang emosyon nitong pinadausdus pababa ang gunting sa kan'yang likod.

Dahilan upang mapasigaw na lamang s'ya ngunit agad ring tinakpan ng salarin ang kan'yang bibig, dahil doon ay tanging impit na lamang na sigaw ang maririnig sa bahay nang mga sandaling iyon.

"Sshh.." Pagkunwa'y muli nitong binunot ang gunting at ibinaon sa balikat n'ya ng paulit-ulit. Gayunpaman kahit anong gawin n'yang pag-pupumiglas ay wala itong naging silbi. Animo'y sa bawat pag-baon at pagbunot nito'y wala itong ibang iniisip kun'di ang gawin lamang ng may pagmamahal ang ginagawa.

Hindi n'ya alam kung gaano katagal ang mga sandaling iyon, ngunit pakiramdam nya'y habang buhay na s'yang naroroon kaya't namalayan na lamang n'ya ang pag-takas ng mga luha sa kan'yang mga mata kasunod no'n ang mga sumunod na pangyayari...

Ingay ng pag-hampas ng kahoy ang narinig n'ya. Umalingawngaw sa paligid ang nawasak na lamesa saka s'ya napasinghap at nanghihinang bumagsak sa sahig...

Habol ang kan'yang hininga, nanginginig ang kan'yang mga kamay na napatakip nalang sa mga nanginginig na labi. Mistulan s'yang nakaahon mula sa ilalim ng tubig dahil sa pag-kakasakal sa kan'ya. Nanghihinang napaubo s'ya nang napaubo ng marahas habang hawak ang kan'yang namumulang leeg. Nanlalabo ang kan'yang paningin sa tagal ng pagkakasakal sa kan'ya, tila ba'y idinuduyan ang kan'yang kamalayan.

Malulutong na suntok ang maririnig mula sa kan'yang likuran dahilan upang mapasapo nalang s'ya sa mahapding sugat sa kan'yang leeg. Ramdam n'ya ang init nito hanggang likod ngunit agad rin s'yang napabitaw rito at napadaing sa kirot. Nagdurugo ito, pakiramdam n'ya pinunit ang balat n'ya kaya't napakagat labi na lamang s'ya.

Mahapdi, napakahapdi...

Ilang sandali nang mag-steady ang kan'yang kamalayan ay mabibigat ang hiningang nilingon n'ya ang nang-yayari sa kan'yang likuran. Gayunpaman natigilan na lamang s'ya nang makita ang isang pamilyar na lalaki. Higit-higit nito ang salaring nanakal sa kan'ya at kasalukuyang tinatadtad ng suntok ang huli.

"Ki..." Napaubo s'ya, "Kian..." Nag-pupunas ng luhang napatakip s'ya sa bibig. Nanginginig s'ya sa takot. Ang akala n'ya talaga'y matutuluyan na s'ya...

"Kian..." Muli n'yang tinawag ang binata ngunit tila bagang hindi s'ya nito naririnig. Patuloy lamang ito sa pag-suntok sa salarin nang hindi s'ya tinatapunan ng anumang tingin o imik man lamang, kaya't tanging ingay lamang ng mga pinapakawalan nitong suntok ang kan'yang naririnig.

Nakakasuntok at bawi man ang salarin paminsan-minsan, ngunit tila ba'y masyadong pulido at mabibilis ang galaw ni Kian sa puntong nagkarambulan ang mga ito at nasagi ang tempered glass ng lamesang nasa gitna. Umalingawngaw ang ingay ng nabasag na salamin.

"Ki-Kian..." Pumiyok ang boses n'ya sa takot. Patuloy pa rin ang binata sa pakikipag-palitan ng suntok sa lalaking pilit na lumalaban sa mga agresibo suntok ni Kian kaya't nag-simula na s'yang matakot.

"Ki-Kian... Kian! Kian! Tama na! Mapapatay mo s'ya!" Halos hindi magkaundagaga sa pagtayo si Naya sa paglala ng sitwasyon. Walang habas nitong tinadtad ng suntok sa mukha ang lalake oras na bumagsak ito sa sahig matapos ang malakas na pag-tuhod ni Kian sa sikmura nito. Naputol rin ang daing ng lalaki sa sobrang agresibo ng tuhod ng binata kaya't lalo s'yang nataranta. Nasayang na ang halos kalahati ng buhay ni Kian sa loob ng kulungan, hindi na dapat iyon maulit pa.

RETRIBUTIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon