Chapter 05 : Headless ✓

167 10 2
                                    

Isa. . .

Dalawa. . .

Tatlo. . .

Isang malabo't impit na sigaw ang kumawala mula sa kan'yang labi na nabubusalan ng makapal na tela oras na ibinaong muli ng salarin ang kutsilyo sa kan'yang binti.

Apat...

Nangintab ang binunot nitong kutsilyo sa gitna ng madilim na silid oras na tumapat ito mula sa kaunting liwanag ng buwan na sumisilip sa bintana.

Lima...

Muli nitong ibinaon ang kutsilyo, binunot at ibinaon ng paulit-ulit—Binabasag ang katahimikan ng madilim na gabi.

Anim. . .

Pito...

Walang ekspresyong makikita sa matalim nitong mga mata at walang imik itong patuloy lamang sa ginagawa animo'y abala ito sa gawain kung kaya't maya't-maya ang nagiging pagpulsit ng sariwang dugo. Walang ibang iniisip, tanging ang pagbunot at pagbaon lamang ang s'yang kailangan gawin.

Walo. . .

S'yam...

"Hmmp...! Hmmp!" Nagpumiglas s'ya nang nagpumiglas habang patuloy sa pagbuhos ang masaganang luha mula sa kan'yang mga mata kahit alam n'yang napaka-imposibleng kumawala mula sa makakapal na lubid na tumatali sa kan'yang mga pulso't paa.

'Parang awa mo na! Tama na! Tama na!' iyon na iyon ang mga katagang nagsusumigaw sa kan'yang bibig na nabubusalan ng makapal na tela habang nakikiusap sa taong tila walang naririnig sa pagbabaon nito ng patalim. Wala s'yang magawa kun'di ang umiyak na lamang nang umiyak at sumigaw nang sumigaw sa likod ng tela't lubid sa kan'yang bibig hanggang sa manikip na ng labis ang kan'yang dibdib. Walang humpay rin sa pagbuhos ang kan'yang mga luha animo'y mga patak ito ng sirang gripo na tila bagang walang katapusan kung hindi titigil ang salarin. Maliban doon ay patuloy rin sa pagdaloy paibaba ng kan'yang leeg ang kan'yang mga laway na may halo nang dugo. Nagmumula ang mga dugo sa sugat na gawa ng lubid sa pagitan ng kan'yang itaas at ibabang labi.

Nakatali s'ya sa isang silya habang ang kan'yang mga paa'y mahigpit na magkadikit kaya't ramdam na ramdam n'ya ang kan'yang mga butong nagtatama rito habang pilit kumakawala.

Napapalahaw s'ya sa ginawa nitong pag-baon muli ng kusilyo at wala s'yang magawa kun'di ang umiyak lamang nang umiyak habang nag-pupumiglas. Pakiramdam n'ya mawawala na s'ya sa katinuan anumang sandali nang dahil sa sobrang lamig ng metal na bumabaon sa kan'yang mga binti. 'Parang awa mo na!' Pilit n'yang sinundan ang mga walang ekspresyon nitong mga mata, nagbabasakaling magkaroon ng awa ang mga iyon. Gayunpaman tila bagang hindi iyon umiiral sa taong kaharap n'ya ngayon dahil sandali lamang s'ya nitong pinagmasdan at inayos ang hibla ng kan'yang mga buhok na basa ng pawis at humaharang sa kan'yang mga mata. Inipit ito sa likod ng kan'yang mga tainga at hinaplos ang kan'yang buhok pagkunwa'y muling nagpatuloy sa pagbaon ng kusilyo...

Wala s'yang magawa kun'di ang mapakagat labi, umiyak habang tinitiis ang bawat pagbaon ng malamig na metal sa kan'yang kalamnan. Hindi. Hindi pa s'ya mawawala sa katinuan.

Isang malakas na paghampas ang s'yang nakapagpahinto sa kan'ya. Umalingawngaw ang nakabubulabog na ingay na iyon at sinundan ng kalabog animo'y isang silyang gawa sa kahoy ang inihampas sa isang tao. Pagkunwa'y kumalansing ang isang nahulog na kutsilyo sa tiles. Sa kan'yang pagmulat ay napapalahaw na lamang s'ya sa pag-iyak. Napakagulo na ng kan'yang isipan, mistulan itong porcelain na nagkandibasagbasag sa maliliit na piraso, hindi n'ya alam ang gagawin sa puntong napahagulgul na lamang s'ya nang masilayan ang pamilyar na lalaki.

"A-alvin...!" palahaw n'ya nang matanggal nito ang busal sa kan'yang bibig. Duguan man ang sentido nito dahil sa mga tinamo ring pinsala ay mahigpit na lamang s'ya nitong niyakap.

THE EX-CONVICT RETRIBUTIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon