Chapter 03 : Ill Intention 1 ✓

344 17 2
                                    

"Pasensya na, naputulan ako ng kuryente. Kagagaling ko lang ng Zameco nang magkita tayo, siguradong mamaya pa magkakailaw..."

Napangiti si Kian nang makapasok sa loob ng bahay ng dating kaibigan. Inayos n'ya ang pagkakasukbit ng bag sa kan'yang balikat at sinundan ito ng tingin.

Isa-isang hinawi ni Johan ang mga kurtina upang pumasok ang liwanag mula sa labas pagkatapos ay agad nitong pinagpupulot ang mga nakakalat na mga photo paper at kung anu-ano pang basura sa sahig tulad nalang ng bote ng alak at plastik ng mga tsitserya.

"Mahilig ka rin pala sa mga sculpture..." puna n'ya nang mapansin ang isang pares ng sculpture na naka-display sa bookshelves malapit sa pinto.

Napasulyap sa kan'ya si Johan. "Hindi naman sa gano'n. Kamakailan lang ako nagsimulang mangolekta ng mga 'yan." tugon nito kaya napangiti na lamang si Kian at isinara ang pinto.

Nangingiti n'yang inilibot ang paningin sa buong bahay... Kahit saan mang sulok ng pader n'ya tingnan ay naroroon ang mga sari-sari't nag-gagandahang larawan ng kalikasang matatagpuan lamang sa mga probinsya.

Napamulsa s'ya at naglakad patungo sa mga larawang ito.

"Sa'n banda ang mga ito? Ang gaganda ng mga pagkakakuha mo... Photographer, Velasquez..." Nilapitan niya ang isang larawan ng asul na karagatan kung saan makikita ang mga naglalakihang bato sa ibaba ng isang isla... Napangiti s'ya habang pinagmamasdan ito. Napakapayapang pagmasdan. Napakalinaw na tubig sa batuhan; napakapamilyar ng tanawing ito ngunit hindi n'ya matukoy kung saan n'ya mismo nakita. May mga puting ibon rin ang nakuha sa larawan kung kaya't bahagya na lamang s'ya natawa. Ang kahanga-hangang tanawing ito ay hinahangaan na n'ya noong mga bata pa lamang s'ya.

Napatitig s'ya sa larawan at unti-unting napatulala, pakiramdam n'ya naririnig n'ya ang ingay ng mga ibon na naririto, maging ang paghampas ng mga alon sa batuhan.

"Malayo pa ako para tawaging photographer, lahat pwedeng kumuha ng larawan. Ilan lamang ito sa mga trabahong tulad ng pagsusulat. Hindi ka mabubuhay kung hindi ka sinuwerte. Kita mo naman, halos hindi ko na mabayaran ang mga gastusin ko rito."

"Lalo na sa panahon ngayon. Bibig at camera na ang gumagana ngayon, hindi kamay at pawis. Kailangan mong maging tuso kaysa ang maging matalino." Buntong-hiningang tumanaw sa labas ng bintana si Johan, "Ikaw ba, hanggang ngayon ba ay gusto mo pa ring maging isang writer? Hindi ba't iyon rin ang pangarap mo?" Sinulyapan s'ya nito kaya't napangiti na lamang s'ya ng bahagya.

"Naalala mo pa pala iyon..." Lumapad ang ngiti sa labi ni Kian. Isang maluwag na ngiti ang kumawala. Matagal na s'yang malaya sa mga bagay-bagay. Hindi na mahalaga kung ano ang gusto n'ya o kung ano ang hindi. Ginagawa na lamang n'ya ang mga bagay na dapat n'yang gawin.

"Matagal ko nang kinalimutan ang bagay na iyon. Siguro nga'y hindi para sakin ang pagsusulat. Sumuko na ako, matatawag mong ganoon na nga ang nangyari... Isa pa, wala naman talaga akong talento sa pagsusulat. Hilig ko lang talaga iyon noong mga bata pa ta'yo. Sa katunayan nga ay sinubukan kong gawin at tapusin ang mga sinimulan kong nobela habang nasa kulungan ako ngunit mas lalong wala akong nagawa." Sinulyapan n'ya si Johan, "Kung tutuusin nga'y walang magawa sa loob ng kulungan ngunit iba pa rin kapag nasa labas ka. Pero sa huli itinigil ko na rin. Itinapon ko na ang lahat... Sa tingin ko mas malaya ako sa ganitong paraan." amin n'ya at nakangiting napabuntong hininga habang nakatitig pa rin sa larawan.

"Isa pa matagal na ang mga bagay na iyon. Wala na ang mga iyon, lumipas na ang lahat para sa'kin. Kung tutuusin nga ay mahigit anim o pitong na taon na rin siguro. Maliban doon, may bago na rin akong pinagkakaabalahan ngayon." agad na bawi n'ya at pinunasan ang frame ng pinag-mamasdang larawan. Sinulyapan n'ya si Johan, "Kuntento na ako at masaya sa buhay na mayroon ako ngayon."

May panghihinayang na napatango si Johan pagkunwa'y naglabas na lamang ng yosi at salubong ang mga kilay na sinindihan ito, "Ikaw ang paborito noon ng buong klase pagdating sa English, sinayang mo, ngunit sabagay hindi kita masisisi."

Sinulyapan si Kian ng kaibigan. "Sa Zambales ang lugar na iyan-sa Pundaquit." Huminto ito sandali bago tuluyang naghithit ng sigarilyo "Marahil ilang taon ka ring nawala kaya't nakalimutan mo na."

Napangiti si Kian na sinulyapan ang huli ngunit namamanghang nahinto na lamang s'ya nang makuha ng isang 'di pangkaraniwang larawan ang kan'yang atensyon.

"Ang isang ito..." Puna n'ya at pinasadan ng tingin ang iba pang larawan. Doon n'ya napansing tanging ang larawan lamang na ito ang s'yang bukod tangi.

Mayroong tatlong tao sa gitna habang nasa likuran nila ang isang payapang karagatan. Napakalaki ng ngiti rito ng isang batang lalaki, wari ay nasa ikatlong taong gulang pa lamang. Buhat s'ya ng kan'yang ama, sa kan'yang mga kamay ay naroroon ang isang malaking cotton candy at sa tabi nila'y nakayakap sa baywang ng ama ang isang magandang babae, na may mahaba at curly na buhok.

Isang buo't kuntentong pamilya, hindi n'ya tuluyang maiwasang mapangiti.

"Mga turista sila, nakausap ko lang habang namamasyal sila sa Pundaquit," kwento ng kaibigan nang makitang wala sa sariling kinuha n'ya ang larawan. 'Di n'ya namalayang unti-unti na pa lang lumalapad ang ngiti sa kan'yang labi habang pinagmamasdan ang senaryong minsan n'yang pinangarap noong bata pa lamang s'ya. Sino nga ba ang hindi maghahangad ng ganitong bagay?

Kapayapaan.
Kalayaan.
At isang buo at masayang pamilya...

"Kian..."

Nakangiting napalingon si Kian sa kaibigan. Nakatalikod ito sa kan'ya habang nakatanaw sa labas ng bintana at naninigarilyo.

Nilingon s'ya nito ng walang kangiti-ngiti ang labi, "Ang lahat ng ito ay para sa'yo dapat..."

"Sa'kin?" Natawa si Kian at lalong napangiti, "Johan, matatanda na tayo para maniwala ako 'sa mga kalokohan mo."

Nangingiting ibinalik n'ya ang tingin sa larawan. "Ang mga taong tulad ko ay walang kakayahan upang maging isang photographer-ipinagbibili mo ba ang isang ito?" tukoy n'ya sa hawak na larawan saka nagtingin-tingin pa ng iba.

Walang ngiting sinundan s'ya ng tingin ng kaibigan. "Hindi ang mga larawan ang tinutukoy ko." seryoso nitong kinontra ang kan'yang tanong.

Dahil doon ay napaangat ng mga kilay si Kian habang nakatitig pa rin sa mga larawan, wari ay nagtatanong sa ibig nitong sabihin. Gayunpaman, unti-unti ring naglaho ang mga ngiti sa kan'yang labi nang marinig ang mga sumunod na sinabi ni Johan...

"Kun'di si Naya."

"At ang pamilya sanang nabuo n'yo..."

Sa pagkakataong iyon ay tuluyan na ngang naglaho ang mga ngiti sa labi ni Kian habang nakatitig sa larawan. Napaangat s'ya ng tingin kay Johan at nawalan ng ekspresyon ang kan'yang mukha...

THE EX-CONVICT RETRIBUTIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon