Chapter 12

41 10 0
                                    

Bagong araw, kahit pa man hindi naman din bago para kay Marvin ang kaniyang ginagawa sa araw-araw. Hindi naman din nagiging bago sa kaniya na palagi niyang sinasabi sa sarili kung gaano nga ba siya kapogi at kapuri-puri.

“Ang aga mo naman atang uuwi?” tanong ni Alexander the green, ang katrabaho ni Marvin na tila ba kulay na rin ng lumot ang utak.

“Pupuntahan ko lang ang girlfriend ko.” May pagmamalaki pa sa boses ng binata habang sinasabi niya ang mga salita na ito. Abot langit pa ang mga ngiti niya, na kahit may tinga sa ngipin, hindi siya nahihiyang ngumiti.

Dahil na rin sa balitang nakakagimbal na sinabi ni Marvin. Ang lahat sa loob ng kanilang office ay natigilan. Pati na rin ang kanina pang cashier na nagbibilangng pera ay natigil. Kung isa man itong balita sa telebisyon, marahil ay nagimbal na rin ang buong sambayanang Pilipino, dahil sa isang pangitain na hindi naman alam kung maganda ba. Hindi alam kung katotohanan ba ito o isang kathang isip lamang na nabuo ni Depogi.

“Ano ulit ang sabi mo?” tanong ng isang kasamahan nila. Kanina lang ay ganado pa siya sa paghigop ng bagong bili niyang milk tea, pero ngayon, tila ba nawalan na rin siya ng panlasa.

“Pupunta ako sa girlfriend ko.” Mas lalong pinagdiinan ng binata ang salitang girlfriend. Proud na proud siya sa salita na ito, na mukhang siya lang din naman ang natutuwa.

“Tangina, seryoso? Mahilig ba siya sa mga exotic na hayop–este tao? Baka naman collector ng mga makaluma 'yan?” tanong ni Vagito, halos mabulunan na rin siya sa katatawa.

“Grabe naman talaga kayo kay Marvin. Ano naman kung nagkaroon siya ng girlfriend? Mabait naman siya, masipag, mapagmahal sa pamilya at higit sa lahat. . . .” Sinuri ni Mikay ang mukha ni Marvin, tila ba naghahanap siya ng iba pang kapuri-puri sa binata. “. . . ang mahalaga naman mabait ang isang tao. Hindi naman lahat tumitingin sa panlabas na anyo,” dagdag nito.

Sa mga sinabi ni Mikay—ang cashier sa J&BC, parang pinamukha lang kay Marvin na pangit nga talaga siya. Hindi man naiderekta ang nais na sabihin, iisa lang din naman ang nais na iparating. Kawawang nilalang.

“Tumatagal lang ang usapan. Aaalis na ako, may jowa pa akong naghihintay sa akin. Haaay! Ang sarap naman pakinggan,” saad ni Marvin na may pagyakap pa sa kaniyang sarili. Minsan pala, mapagtatanto na lang sa buhay na hindi lahat ng lalaking kinikilig ay cute. May mga katulad ni Marvin na acute.

Preparado masyado ang binata. Dahil hindi siya ang kumuha ng parcel ni Laica, hindi pa sila muling nagkikita. Kanina lang din ay magkausap silang dalawa sa chat, pero mas gusto niya pa rin na makita ang dalaga. Ganito raw kasi ang mga tao na totoong nagmamahal. Masyado lang talagang madrama si Marvin.

Naligo na ata siya ng pabago na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya bayad sa eybon. Magara maging ang damit niyang pinamasko noong nakaraang taon. Preparado siya na makitang muli si Laica, kahit na hindi naman din siya nito gustong makita talaga.

Sinuot na ng binata ang helmet niyang bagong punas, para magmukha namang bago. Matapos nito ay sumakay na siya sa motor niyang muntikan pang mahugot dahil hindi siya kaagad na nakapaghulog. Matapos niyang maihanda ang kaniyang sarili, agad na rin siyang nagtungo sa bahay ng dalaga. Halong tuwa at kaba ang nararamdaman ng binata sa mga oras na ito. Hindi niya alam kung ano ba ang mas nananaig, ang alam lang niya, parang mas mabilis pa ang tibok ng puso niya kaysa sa pag-andar ng motor niya.

Mukhang nahanap na nga ni Marvin ang dahilan para bumangon sa araw-araw. Mukhang natagpuan na niya ang babaeng makakahati niya ng twin pack. Natagpuan na rin niya ang babae na magbibigay sa kaniya ng pag-asa na harapin ang hamon ng buhay. Lahat na lang bibigayan ni Marvin ng ibig sabihin.

Hindi naman din umabot ng tatlumpung minuto nang makarating ang binata sa bahay nina Laica. Sa totoo lang, noong ihinto na niya ang sasakyan sa harapan ng bahay, ang mga Marites na mukhang may exam sa buhay ng ibang tao, ay nakaabang na rin sa kung sino ba ang tao na huminto sa tapat ng bahay. Alam ng mga ito na may mga karelasyon na ang lahat ng anak ni Susana, at ni minsan ay hindi nag-motor ang isa sa mga nobyo ng mga dalaga ng nabanggit na ginang. Alam na alam ito ng mga Marites, kaya nga nilang ikwento ang buhay ng sino man sa paligid nila. May bawas at dagdag nga lang. Mga mapanggawa ng kwento na hindi naman writer.

Parang isang bidang artista si Marvin nang alisin niya ang helmet na suot niya. Sa punto na ito, mapagtatanto talaga na sana palagi na lang naka-helmet si Marvin, para naman maranasan niya ang maging gwapo kahit na saglit lang.

Nagsisimula na ang bulungan sa paligid. Mukhang may halong panlalait ito. Hindi naman ito maiiwasan, kahit naman ata sinong makakita kay Marvin, walang ibang masasabi.

Dito na papasok ang salitang; hindi naman judgmental, nagsasabi lang ng totoo.

Muling pinakiramdaman ng binata ang kaniyang puso na hindi pa rin matigil sa malakas na pagtibok. Mabuti na lang at kilala na rin siya ng mga magulang ng dalaga, hindi na siya mahihirapan pa na magpaliwanag. Siguro naman ay hindi na siya mapagkakamalan pang kargador o kung ano pa man.

Naabisuhan na rin si Laica na pupunta ang binata sa bahay nila, kaya noong tumawag si Marvin, agad na lumabas din naman ito.

“Pumasok ka na sa loob,” aya ng dalaga matapos niyang buksan ang gate. “Walang tao ngayon sa bahay, umalis silang lahat, pati na rin si Leizl,” dagdag nito. Maganda sanang pakinggan para kay Marvin, pero wala naman din ibang ibig sabihin si Laica. Sayang.

“Mag-uusap lang naman tayo di ba? Ayaw kong may iba pa. Wag mo naman sanang isipin na gano'ng klaseng lalaki ako,” panimula ni Marvin. Ibinalot pa ng binata ang braso niya sa kaniyang katawan. Ang lakas talaga ng apog, inakala pang may magnanasa sa kaniya.

Mababakas naman sa mukha ni Laica na wala siyang alam sa tinutukoy ni Marvin. Ang hirap din ka-bonding ni Laica, hindi marunong makipaglandian. Mukhang mauubos ata ni Marvin ang lahat ng banat, pero mananatili lang ding walang pakialam si Laica sa kaniya.

Puno ng dismaya naman ang makikita sa mukha ni Marvin. Tamad niyang ibinaba ang kaniyang kamay na kanina lang ay nasa kaniyang katawan. “Oo nga pala. Hayaan mo na nga,” saad nito. Kahit pa man itago niya ang nakakadismaya niyang reaksyon, napansin pa rin ito ni Laica Pero katulad na lang din kanina, walang pakialam ang dalaga sa nararamdaman niya. Katulad nga ng paburitong linya ni Marvin. “Sino nga ba siya para isipin? Iyan lang naman siya. Sana di na lang siya pinanganak.”

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now