Chapter 22

37 9 1
                                    

“Ayaw ko na sa mundong ito! Gusto ko nang mamatay!”

Isang ingay ang kanina pang naririnig sa Plaza de Chisum, dulot ng isang estranghero na mukhang bagong salta lamang sa lugar na ito. Kanina pa siya gumagawa ng eskandalo sa paligid, dahil lang sa mukhang sawa na siya sa buhay niyang walang nagiging bago.

“Ayaw ko nang mabuhay. Wala akong pag-asa pang makahanap ng babaeng mamahalin ako ng buong-buo.” Para na siyang nasisiraan ng bait habang hinaharang nito ang ilang mga tao na naglalakad. May malapit na food court dito kaya mas maraming mga tambay na kabataan at mga magkakaibigan sa paligid. Naisipan nitong estranghero na dito na lamang kumuha ng simpatya na hindi niya mahanap.

“Wala na akong pag-asa pa. Baka talagang ang suwerte ko ay sa susunod kong buhay. Babawi na lang ako next life,” dagdag nito na wala ni isa ang pumapansin. Hindi naman bago sa kaniya ito. Sino ba naman ang iisipin niyang lalapit sa kaniya kung isang buwan na siyang hindi naliligo? Ang buhok nito ay mas masapnot pa sa pugad ng ibon. Mukhang kahit na nasa malayo siya, maaamoy na kaagad ang mabaho niyang singaw.

“Gusto ko nang mamat—“ Hindi niya natuloy ang sasabihin nang mamataan ng tingin niya ang dalawang tao na mas matamis pa sa prutas ang turingan.

Sa hindi kalayuan, naro'n sina Marvin at Laica na payapa ang date. Kanina pa silang magkasama at noong nagutom ang dalaga, inaya na niya rito upang kumain ng buy 1 take 1 na burger with egg. May binili rin ang binata na kikiam, dahil nga hindi naman kumakain si Laica ng fish ball.

“Aringking-king ko, isubo mo ito. Say Marvin pogi.” Itinapat ng binata ang kikiam palapit kay Laica. Dahil dakilang semi uto-uto si Laica, ginaya niya ang utos ng nobyo. Masunurin. Sana all.

“Ikaw naman, Aringking-king ko. Say aah—'”

“Aaang pangit, tapos ang ganda.”

Isang boses ang nagpatigil sa masaya nilang date. Dahil sa pagkabigla ni Marvin, muntikan pa nitong matapon ang sarsa ng pagkain nila.

“Mag-jowa kayo?” tanong ng estranghero. Tinuro pa nito ang dalawa na tila ba hindi makapaniwala sa kaniyang nakikita. Hindi lang naman siya ang ganito, sadyang siya lang ang may lakas ng loob na magtanong.

“Ow yes. Mag-jowa kami.” Pagmamalaki ng binta. Hinawi pa nito ang buhok niya at itinaas-baba ang kilay. Ipagmamalaki niya talaga si Laica, siya lang naman ang hindi kayang ipagmamalaki.

“What the f!” sigaw ng estranghero. Ang tono ng kaniyang boses ay para siyang nakakita ng isang pag-asa sa gita ng kawalan. Lalo na at nakikita mismo ng mga mata niya ang kaganapan.

“Pinatulan mo 'to?” tanong ng estranghero na nakatingin ngayon kay Laica. Walang kahit na anong emosyon sa mukha ng dalaga. Marahan lamang ang pagkurap nito at ang kaniyang pagtango. Nakatingin lamang siya ng deretsyo at nais na sanang ituloy ang date nila, pero hanggang ngayon ay nakikiepal pa rin ang estranghero.

Halos mabali naman ang leeg ng estranghero habang salitan na tumitingin sa dalawa. Nakauwang din ang mga labi niya. Parang ang utak niya ay nagbibigay pa ng paliwanag sa
mga pangyayari na natutunghayan niya sa mga oras na ito.

“Kung tapos ka na magsalita, puwede ka na sanang umalis, kasi may date pa kami.” Hindi na napigilan pa ni Laica na magsalita. Limitado lang ang oras nila, dahil kailangan na ring bumalik ni Marvin sa trabaho nito. Sa katunayan ay break time ng binata ngayon, nagbyahe pa siya papunta sa Plaza de Chisum para lang makita si Laica. Hindi naman din ito malayo; inaabot lamang siya ng apat na minuto.

“Isa itong natatanging himala! Hindi totoo ang sinabi ni Vilma Santos na walang himala!” sigaw ng estranghero, nagawa naman din niyang itaas ang dalawa niyang kamay at tumingala sa langit.

Kinalabit siya ni Laica. “Si Nora ata 'yon,” pagtatama sa kaniya.

“Basta kung sino man 'yon. Ang mahalaga may isang buhay na patunay na may himala pa. May pag-asa pa akong mabuhay. May pagmamahal sa paligid. May pag-asa pa ang mundo. May pag-asa pa ang Pilipinas!”

Kung kanina ay hindi siya natatapos na sabihin ang saloobin niya sa kung gaano siya kamalas sa buhay, at kung gaano na niya nais na mamatay. Ngunit ngayon naman ay nagsasabi na siya ng mga bagay na alam niyang kailangan ng mundo. Ang pag-asa na hangad ng mga tao.

“Anong nangyayari sa 'yo? Sa sobrang gwapo ko ba nakikita mo na ang pag-unlad ng Pilipinas?” tanong ni Marvin. Dahil na rin sa sinabi niya ay napababa ang tingin ng estranghero.

“Hindi.” Mariin ang pagkakasabi niya ito.

Si Laica na walang pakialam sa usapan na ito ay pinagpatuloy na lang ang pagkain niya. Mukhang matatagalan naman din ang estranghero na ito sa mga walang kabuluhan niyang salita.

“May pag-asa pa ang mudo dahil may mga katulad ni ganda na pumapatol sa gan'yang mukha. Naligo ka pa n'yan, pero mas maayos pa mukha ko sa 'yo. Maraming salamat sa pag-asa na binigay mo sa 'kin. Sana hindi ka muna pumanaw, kahit mukha ka ng bangkay. God bless.” Matapos na magsalita ng lalaki ay tinapik nito sa balikat ang binata, at umalis na ang tanging bitbit ay pag-asa. Hindi na rin siya natigil sa pagsasalita nito na ang mundo ay puno ng misteryo.

“Mukhang may buhay na naman akong nasalba. Iba talaga kapag pogi no? Parang ginagawa na lang akong pag-asa ng mundo. Minsan nga napapagod na lang ako, kasi parang sa akin na lang inaasa ng lahat ang buhay nila. Hindi naman ako makapagreklamo, kasi hindi naman ako magiging gwapo kung walang dahil—“

“Kainin mo na ito, para makaalis na tayo. May trabaho ka pa,” ani Laica matapos na isalaksak sa bunganga ni Marvin ang kalahating burger. Hindi kasi nito nakain dulot nga na may isang estranghero na dumating sa kanila.

“Sasabay na ako sa 'yo pumunta sa J&BC. Kailanagn kong kunin ang VIP card ko,” saad ni Laica.

Dahil nga puno ang bibig ni Marvin, hindi siya kaagad na makapagsalita. Sinubukan na lamang muna niyang ubusin ang nasa bunganga niya.

“Mabilis lang naman ang oras, puwede na akong sumama sa 'yo para makita ang mga magulang mo,” dagdag ng dalaga. Kahit na anong mangyari, hindi maalis sa isipan niya ang nais niyang gawin.

Kailangan niyang tuluyang makilala ang binata, dahil nabasa niya sa internet na mas lalalim ang samahan kapag mas nauunawaan niya ang buhay na mayro'n ang kapareha niya. Ito ang nais ni Laica. Nais niyang malaman kung anong buhay ba ang kinakaharap ni Marvin. Buhay sa likod nang pinapakita ng binata sa lahat. Isang bagay na nais na maunawaan ni Laica, upang mahanap niya ang puwang sa pagmamahal na nais niyang maramdaman. Upang kapag nagkaroon na siya nito, mas madarama niya ang sakit na hanap ng puso niya.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon