Chapter 17

36 10 0
                                    

"Maganda ito mga mare, may palawit sa laylayan ng dress. Wala namang issue, maganda at bago talaga ito. Tingnan niyo na lang, kasing ganda ko ang mga tela at design. Pa-mine na lang dito sa laylay. Pakilagay, mine laylay. Yes po, mine laylay. Ito ang ityura niya. Mine laylay in 3,2,1. Owrayt! May nakauna na. Yours na po ito madam Imari.”

Ganadong-ganado ngayon si Leizl sa pagiging bida-bida niya sa harapan ng camera. Mukhang maraming baon na enerhiya. Ganito siya kasipag ngayon, dahil alam niyang kapag maraming naibenta ang kaibigan niya, magkakaroon din siya ng parte. Kailangan naman din niyang magsipag sa mga oras na ito. Paano ba naman, may pinapabiling bagong sapatos ang jowa niya. Nagpapabili rin ito ng bagong damit na gagamitin nito para sa liga. Pinipilit pa nga siya ng jowa niya na sagutin na lang ang kalahati ng gastos para sa uniform nila. Dahil isang dakilang tanga at martir si Leizl, ginagawa niya ang lahat ngayon para lang mapaubos ang tinda ng kaibigan niya. Hindi na niya hinayaan ang kaibigan na magsalita pa, siya na lang ang kumukuda at mukhang nabubuhayan naman din  ang mga manonood. Baka kapag si Laica ang nagsalita, antukin lang ang mga ito dahil sa baba ng energy niya at hindi manlang makangiti sa mga customer.

Si Laica na lang ang nag-aabot ng mga damit na ipapakita ng kaibigan niya, habang si Marvin naman din ang nagsusulat ng pangalan sa mga nag-mine ng damit. Aaminin ng binata na natutuwa siya sa ginagawa niyang ganito. Ito ang unang beses niyang gawin ang ganitong trabaho. Sa ganitong gawain naman din ay mas lalo niyang nakikita kung ano ang buhay na mayro'n si Laica.

“Next naman po natin itong terno. Marami tayong kulay nito, pati design. Sandali lang, ipapakita ko lang.” Kinuha ni Leizl ang hawak ni Laica. “Ito mga mare, malambot ang tela at maginhawa sa katawan. Small to medium po ito,” pagpapatuloy niya.

Habang patuloy na nagsasalita si Leizl, nagbabasa naman ang kaibigan nito ng mga comment. Maraming manonood ngayon na pumalo ng 150 katao.

“Mine niyo na lang po terno. Mine terno. Unahan na lang po. Mine terno in 3,2,1. Okay, yours na po ito mareng Lena. Sa mga nakapag-mine na po, paki-check ang message namin mamaya kung saan po ang pick-up nito at anong oras. Wala pong mag-cancel ng order, mababaog kayo,” biro ni Leizl. Nauubos na rin ang laway niya, marami na siyang napa-mine at nakakatuwa ito para sa kaniya. Bukod sa natulungan niyang maibenta ang mga stocks ng kaibigan niya, maibibigay na rin niya ang luho ng jowa niya. Lahat na ata papasukin nito para lang makapagbigay sa jowa niya.

“May nag-comment,” saad ni Laica. Nakuha niya ang atensyon ng dalawa niyang kasama. Naningkit pa ang mata ni Leizl para lang tingnan ang comment.

“HM po ang unggoy?” Pagbasa ni Laica sa comment. Dahil dito, nagkatinginan sila ng kaibigan niya.

“Wala naman akong binibentang may unggoy na design. Sandali lang, baka pambata hanap niya?” saad ni Laica. Hindi pa siya naglalabas ng ibang printed shirt at hindi niya matandaan kung may gano'n bang klase ng damit siya ngayon.

“Sandali lang po madam Kyla sa hinahanap ninyong damit. Printed shirt po ba na pambata? Sino po ba ang gagamit?” tanong ni Leizl, itinaas din niya ang mga comment nang mapansin na nag-reply ang babae na nagtatanong. Siya na ang nagbasa nito, dahil abala ang kaibigan niya sa paghahalungkat ng mga damit.

“Hindi po damit hanap ko. Iyan pong unggoy na katabi ninyo. HM po ang ganiyan? Mine ko na po, need lang ng katulong sa bahay.” Malakas ang pagkakabasa ang dalaga rito. Napatigil silang lahat dahil hindi nila agad naintindihan kung ano ba ang ibig na sabihin ng babae na 'yon.

“Wala po kaming binibentang unggoy. Baka mali po kayo, puro damit po sa amin,” si Marvin na ang nagsalita. Hindi niya napagilan ang sarili na magsalita, dahil napapanood niya noon na may mga loko-loko talaga na ginagawa ang ganito.

“Nag-comment ulit.” Umayos ng puwesto si Laica para basahin ito. “Nagsasalita rin po pala ang unggoy na 'yan, ang useful naman po niyan mga beautiful lady. Mine ko na po, hm ba?”

“Putangina! Ikaw pala ang unggoy na hanap niya.” Hindi na napigilan ni Leizl na humagalpak nang tawa. Ngayon niya lang naunawaan kung ano ba ang ibig na sabihin ng babaeng nanonood. Hindi na mapigilan ni Leizl ang pagtawa niya, kaunti na lang ay maglalabas na rin ng masamang hangin ang katawan niya. Kakabagin na siya sa katatawa. Habang si Marvin, mababakas sa mukha na hindi nakikipagbiruan. Si Laica naman ay nanatiling tahimik habang nagbabasa ng mga comments.

Kinakapos na ng hininga si Leizl nang huminto na rin s'ya sa pagtawa. Nagtutubig na ang mga mata niya. Humugot ng malalim na paghinga para lang pakalmahin ang puso niya.

“Hindi po siya unggoy mga mare, tao po siya kahit na hindi halata. Pagpasensyhan niyo na, hindi na pwedeng i-mine dahil jowa ito ng kaibigan ko.” Hinila nito si Laica para lang makita sa camera. Hindi maikakaila na kahit walang rekasyon at walang makeup ang dalaga, makikita kung gaano kaganda ito.

Dahil na rin sa nakikita ng mga manonood, kaniya-kaniya na rin ang kumento ng mga ito. Nawala na ang usapan tungkol sa mga damit, dahil natuon na rin ang mga ito kina Marvin at Laica. Kaniya-kaniyang kumento na tila ba kinakatuwa pa ni Leizl na basahin.

“Prayer reveal po kuya.”

“Saan niyo po nabili ang gayuma kuya? Mukhang mabisa po.”

“Bukod na pinagpala si kuya.”

Ritwal reveal po. Anong tamang oras para simulan ang ritwal na 'yan?”

Iilan lang iyan sa mga kumento na nababasa nila sa mga oras na ito. Hindi man maintindihan ni Laica kung bakit ganito ang sinasabi ng mga tao sa comment section, pero alam niyang kalokohan itong lahat. Paano ba naman ay walang humpay sa katatawa si Leizl, na para bang kakapusin na ng hininga at mamatay na rin maya-maya.

Dapat nga bang may ikatuwa sa live na ito, o sadyang sa kanilang tatlo ay si Leizl lang ang nag-isang masaya?

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now