Chapter 19

40 9 0
                                    

"Normal lang naman pala itong lugar na 'to, bakit sa mga palabas parang dito nagkikita ang mga bida?” tanong ni Laica. Inilibot pa niya ang paningin sa paligid, habang ang ilan naman sa mga nagdi-date ay nagpapakita kung gaano nga ba katamis ang pag-ibig nila para sa isa't isa. May mga magkayakap, mga nakahiga sa balikat at iba pa. Mukhang silang dalawa lang na narito ang walang kalatuy-latuy.

“Hindi mo ba hahawakan ang kamay ko?” tanong ni Laica. Ilang saglit lang din naman ay napatingin siya sa binata.

“Oo nga pala, dapat magkatabi rin tayo,” pagsang-ayon ng binata. Marahan na dumausdos ang binata palapit kay Laica. Nakaupo silang dalawa ngayon sa isang kahoy na upuan.

Humugot nang lakas ng loob ang binata para lang magawa niyang hawakan ang kamay ni Laica. Mukhang kasing lamig ng damdamin ng dalaga ang kamay ngayon ni Marvin. Inaatake na naman siya ng nerbyos niya. Napansin naman ng dalaga ang panginginig ng kamay ni Marvin.

“Pasmado ba ang kamay mo? Bakit nanginginig ka tuwing hinahawakan mo ang kamay ko?” tanong ni Laica.

Sa simpleng katanungan na ito ay hindi kagagad na nakasagot ang binata, kinuha muna nito ang panyo na nasalikod niya kanina, at pinunasan ang noo niyang namamawis na. Ganito talaga si Marvin, hindi niya pa kasi nagagawang humawak ng kamay ng babae. Kaya ngayon, nagwawala na ang lahat ng maaaring magwala dahil lang sa kaba na nararamdaman niya.

“Nakita ko kanina na naghahalikan ang mga mag-jowa, bakit hindi mo ako i-kiss? Sa mga palabas na napapanood ko naghahalikan agad ang mga bida sa parke.” Matapos na sabihin ito ni Laica ay itinulis niya ang kaniyang nguso at nagtangka na lumapit sa binata, ngunit natigil lang ito ng ilapat ni Marvin ang palad niya sa maliit na mukha ni Laica, at marahan na inilayo ito sa kaniya.

Nilamon na talaga si Laica ng mga palabas.

“Ano bang ginagawa mo? Hindi pa ako handa para mawala ang first kiss ko. Ayaw ko muna, sana maintindihan mong hindi pa ako handa. Alam ko na nakakagigil naman talaga ang kagwapuhan ko, pero sana naman huwag muna ngayon. Bata pa po ako para sa ganiyan.” Siya pa ang may lakas ng loob na tanggihan ang halik na iyon. Mabuti pa nga ay masisikmura ng dalaga na halikan ang lalaking may ganitong mukha.

“Wag muna natin gawin ang ganito, ha? Gusto ko na magkakilala muna tayo. Baka isipin mo kasi na basta lang ako. May dignidad akong iniingatan, kaya sorry kahit na gusto mo ang kiss ko,” dagdag ni Marvin.

“Sige.” Tipid na sagot ng dalaga.

“Pilitin mo naman ako. Ang bilis mo naman kausap, eh. Kapag sinabing ayaw, sige ka naman agad,” reklamo ng binata. Napailing pa siya dahil sa dismaya na nararamdaman niya.

“Kapag gusto mo kasi ang isang bagay, wag ka nang magpapilit. Baka sa huli ikaw pa ang maghabol,” saad ni Laica. Ang linya na ito ay narinig niya sa kapatid niya noong sinabi ito sa bunso nila. Hindi niya akalain na makokopya niya rin pala ito.

“Ang lalim naman. Parang pagmamahal ko sa 'yo malalim. Boom kilig!” Parang rakista namang itinaas ni Marvin ang kamay niya, ngunit siya lang naman ang natawa sa sinasabi niya. Nang mapansin niyang nagmumukha na rin siyang tanga ay napatigil ito.

Tumikhim ang binata. “Pero seryosong usapan na, gusto naman kitang makilala. May favorite ka bang pagkain? Kulay? O kahit anong puwede kong malaman sa 'yo,” saad ng binata. Sa katunayan ay gusto na niyang buksan ang usapan na ito matagal na, ngayon lamang siya nakakuha ng pagkakataon na magtanong.

“Wala.”

“Kamusta na pala ang negosyo mo? Malakas naman ang kitaan?”

“Oo.”

“Gusto mo bang manood tayo minsan ng sine? Sa next day off ko puwede tayo gumala sa mall, sakto na may sahod na no'n. Gusto mo ba?”

“Sige.”

“Ayusin mo naman, ah. Nauubusan na ako ng topic. Hindi ko na alam ang itatanong sa 'yo. Baka mamaya manahimik na lang din tayong dalawa rito,” reklamo ni Marvin. Hindi na niya alam kung paano pa nga ba niya bibitbitin ang usapan na ito. Parang tanga lang siyang nagtatanong at basta maikling sagot lang ang binibigay ni Laica.

“Gusto kong makilala ang pamilya mo.”

Dahil sa sinabi ng dalaga, saglit na natigil ang mundo ni Marvin. Hindi siya kaagad nakapagbigay ng reaksyon. Napauwang pa nga ang bibig niya, ngunit hindi naman din nagtagal ito ng ilang segundo.

“A-anong sabi mo?” tanong ni Marvin, baka kasi nagkamali lang siya sa kaniyang narinig.

“Gusto kong makilala ang pamilya mo. Sa akin nakilala mo na, bakit ako hindi ko pa nakikilala ang sa 'yo?”

“Ahmmp... gusto mo bang gumala na muna tayo ngayon? Punta na lang tayo sa ibang lugar? Baka banda ro'n may magandang spot.” Iniba ng binata ang usapan nila. Dahil hindi manlang siya naging handa sa ganitong klase ng usapan.

“Ayaw kong pumunta ro'n. Gusto kong pumunta sa bahay niyo para makilala ang pamilya mo,” saad ni Laica. Kahit na anong gawin ng binata, hindi magbabago ang nais niyang gawin.

Para bang nasa isang pagsubok ang binata sa mga oras na ito. Lalo pa at hindi naman din niya nais na makita ni Laica kung gaano nga ba kagulo ang buhay niya.

“Maganda atang pag-usapan natin ang negosyo mo. Maganda ba ang online business?” tanong ni Marvin, umaasa siya na baka mailihis niya ang nais ni Laica na gawin.

“Bakit mo iniiba ang usapan? Ang gusto ko lang naman ay makita ang pamilya mo.”

Natahimik ang binata dahil sa salitang ito. Napagtanto na rin niya na kahit na anong gawin niya, hindi na niya mababago pa ang isip ng dalaga.

“Parang maganda tumambay sa tabing dagat no? Gusto mo ba ro'n?” Mahina lamang itong sinabi ni Marvin, pilit talaga niyang iniiba ang kagustuhan ni Laica. Dahil ni minsan, hindi magiging handa ang binata na ipakita kung gaano nga ba kagulo ang buhay n'ya. Nais na lamag niyang malaman ni Laica kung ano ang nakikita niya ngayon, at hindi ang sarili na tinatago ni Marvin. Hindi niya ikinakahiya ang pamilya niya, ngunit ang sarili niyang hindi mabigyan ng maayos na buhay ang mga ito ang kinakahiya niya.

“Hindi ko gustong magpunta ro'n.” Ibinaling ng dalaga ang tingin niya kay Marvin. “Ang gusto ko, makilala ka pa lalo at ang pamilya mo,” dagdag nito.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now