Chapter 13

41 11 0
                                    

"Uminom ka muna ng tubig, para kasing uhaw ka sa atensyon,” saad ni Laica. Bago pa man abutin ni Marvin ang baso, napatingala pa siya para lang tingnan ang mukha ng dalaga.

“Napanood ko 'yan sa palabas,” katwiran ni Laica. Mukhang nilamon na talaga ng mga palabas sa telebisyon itong si Laica, kaya nasasabi ang mga salita na hindi naman din niya dapat na bigkasin.

Wala naman din siyang mali. Mukhang uhaw na uhaw nga talaga si Marvin, hindi lang sa atensyon, kung hindi sa maraming bagay na hindi na kaya pang isa-isahin, dahil baka umabot pa sa isang milyon na salita.

Pumatak na sa ika-anim na hanay ang orasan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabalik ang mga magulang ni Laica. Ang mga kapatid naman nito ay may mga gala. At sa isang himala na kaganapan, si Leizl ay nasa jowa niya ngayon. Magkasama sila na mukhang mawawaldas na naman ang ipon ng dalaga sa kabibili ng mga luho ng jowa niya. Nagmumukha na talaga siyang sugar mommy, kahit na ang bata niya pa masyado. Nauubos ang pera sa kasusustento sa lalaking hindi naman alam ang halaga niya. Basta gwapo, okay lang sa kaniya.

“Mabuti na lang talaga nagpunta ka rito sa bahay, may gusto akong gawin,” wika ni Laica.

Mabuti na lang at naubos na ni Marvin ang iniinom niyang tubig, malamang ay natapon na ito dahil sa pagkabigla niya. Nanginginig pa nga ang mga kamay nito. Hindi pa naman din niya alam kung ano ba ang gustong sabihin ni Laica. Mukhang may kung ano na ang nasa utak ni Marvin. Nahawa na ata ito kay Alexander the green.

“A-anong gusto mong gawin natin, Aringking-king ko? Please, wag muna. Strict ang parents ko. Hindi pa ako handa, kaya sana maintindihan mo. Hindi ako ganito pinalaki ng mga magulang ko. Kung may gusto ka man, pigilan mo na muna. Hindi porket wala ang mga magulang mo, sasamantalahin mo na ako. Hindi ako ganoong lalaki.” Muling niyakap ng binata ang kaniyang sarili. Kung umasta talaga ito, akala mo nakakagana. Kumbaga sa ulam, isa siyang asin na kahit hindi takpan, hindi tatangkaing kainin ng pusa.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Laica. Hindi talaga alam ng dalaga kung ano ba ang nais na ipaiwatig ni Marvin. Ang buong nais lang naman ni Laica ay ang pag-usapan na rin nila kung ano ba ang dapat nilang gawin, para lang matupad ang pangarap na breakup ng dalaga.

“Iyong ano. . . 'yong anuhan ba.” Habnag sinasabi ito ng binata, pinagtatabi niya ang dalawa niyang hituturo.

“Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Mabilis din ang naging sagot ng dalaga.

“Ano ba kasi ang gusto mong gawin nating dalawa?”

“Gusto ko lang sabihin sa 'yo na kumpleto ko na ang listahan ng mga daapat na gawin para lang maging mas masakit ang pagihiwalay nating dalawa. Naipakita ko na ito sa mga kapatid ko at ang sabi nila, masyadong malala ang mangyayari,” sagot ng dalaga. Tumayo rin siya para lang kunin ang isang notebook kung saan naro'n naman din nakalagay ang kaniyang mga inilista.

“Ito ang sa 'yo, at ito ang sa akin. Iisa lang naman ang nakasulat sa loob. Basahin mo 'yan, siguro naman marunong kang magbasa? Alam ko naman na matalino ka, kahit na pangit ka.”

“Pwede naman sabihin na lang, kailangan kasama pa 'yong sa dulo? Masakit lang para sa akin, e. Sabagay, sino ba ako?”

“Si Marvin,” sagot ni Laica.

Wala na nga atang pag-asa ang pagiging sadboi ni Marvin kung ganitong tao lang din ang makakausap niya.

Nagbitaw ng mabigat na paghinga ang binata. Alam niya na hindi naman din talaga siya mananalo sa kung ano ang magiging usapan nila ni Laica. Alam niya na kahit walang pakiramdam si Laica, babae pa rin ang palaging may tama.

Sinimulan na rin ng binata na buklatin ang hawak niyang papel. Saglit lang din na binasa ng binata kung ano ang mga nakasulat, pero dahil hindi naman din niya talaga alam kung ano ang dapat niyang gawin. Balak na sana niyang magtanong nang nagsalita na rin kaagad ang dalaga.

“Nakasulat na riyan kung ano ang gagawin mo para lang mahalin kita. Sa ibang pahina mo naman makikita kung paano mo ako dapat na saktan Malinaw na lahat 'yan at kung saan ko ba napanood ang mga ganiyang eksena,” paliwanag ng dalaga. Malinaw man sa tubig ang pagkakasabi niya, mas malabo pa sa blurred ang pagkakaintindi ni Marvin.

“Ganito talaga? Hindi ba pwede na gumawa na lang tayo ng sarili nating love story? Na mahalin mo na lang ako. Na ako na lang. Ako na lang kasi. Pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako, ha? Please stop acting like you know my pain.” Mukhang best actor din ang nakuha ni Laica na yayanig at wawarak ng mundo niyang nananahimik.

“Ikaw ang bahala, pero dapat ang breakup natin kung ano ang isinulat ko. Madali lang naman 'yang gawin,” ani Laica.

Mukhang madali lang kung iisipin, pero mahirap ito para kay Marvin. Paano niya gagawing manakit ng damdamin, kung alam niyang siya mismo ay tuluyan na ring nahulog? Sa hindi maipaliwanag na dahilan, bigla na lang din niyang naramdaman ito.

Kasabay ng pagsarado ng kuwaderno na hawak ng binata ang pagbitaw naman din niya ng mabigat na paghinga. Sandali siyang natahimik at nagmuni-muni. Kailangan niyang gawin ito.

“Payag ka naman sa gusto ko, di ba?” tanong ni Laica.

Marahan na tumango ang binata, kahit na hindi ito nakatingin sa kaniyang kausap.

“Alam mo kasi, Aringking-king. Hindi ko talaga alam kung kaya ko itong gawin, pero siguro mahirap lang sa una pero pagdating sa dulo...” Inangat ng binata ang tingin para makita si Laica. “...nabali ang sanga.”

Isa na namang walang kwentang salita ang binaggit ni Marvin. Mabuti na lang at wala ngayon ang mortal niyang kalaban na si Leizl. Kundi, maaaring mas nalampaso na naman siya sa pagmumura at panlalait nito sa kaniya. Kung si Laica kailangan magkaroon ng pakiramdam, mukhang si Marvin, kailangan na tumino ang utak.

Ang Pangarap Kong Breakup ✔️Where stories live. Discover now