Kabanata 41

438 19 3
                                    


Kabanata 41

Retrieve

Tila bumalik ako sa umpisa.

Matapos ang gabing 'yon ay wala na akong naging balita kay Chester. Miski kay Rod Dela Fuente, kay Lola Dominga, wala rin. Isang buwan na ang nakalipas magmula ang insidenteng 'yon.

Nilingon ko ang maliit na espasyong nagmumula sa pinto nang mapansin kong nakapasok ang liwanag sa loob ng bahay. Mabilis akong tumayo para sana isara ang pinto nang may biglang tumayo sa harap no'n.

Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa gulat. Napakunot-noo ako nang iniabot nito ang cellphone kong isang buwan ko ring hindi nahawakan sa kadahilanang nawala ko ito roon sa bakanteng lote.

Pareho kaming hindi nagsasalita ng lalaki ngunit tinanggap ko ito. Akmang aalis na sana siya nang tumikhim ako.

"P-Puwede ka bang makausap?" napapaos kong tanong.

Sa loob ng apat na linggo, nakakulong lang ako sa loob ng bahay. Nananatili pa rin ako sa bahay ni Lola Dominga sa Hacienda Flores dahil hindi na ako makapagdesisyon pa para sa sarili ko. Wala akong nakakausap... Wala akong kinakausap. Lahat ng pangungumusta sa akin nina Jaryllca at Aya, ni isa roon ay wala akong ni-reply-an. Masyado pang sariwa sa akin ang nangyari na para bang kanina lang iyon naganap.

"Para saan?"

"'D-Di ba... 'Di ba ikaw 'yong humila sa akin noong... g-gabing 'yon?" Mariin akong napapikit at pinagkiskis na lang ang mga palad nang makaramdam ako ng pangangatog sa aking buong katawan. "I-Ikaw si K, hindi ba?"

Isang beses siyang tumango.

Hindi ko alam kung ano'ng sumagi sa isip ko, kung bakit ko siya pinapasok sa loob. Ang dami kong gustong malaman... Ang dami kong gustong tanungin sa kaniya at ayaw ko nang magsayang pa ng oras tulad noon.

"Ano'ng gusto mong malaman?"

Nakayuko lang ako kahit pa na ramdam ko ang mga mata niyang nakapukol sa akin. Hindi ko na matayuan ang atensyon ng tao sa akin dahil naging ilap ako mula nang mangyari ang barilan at pambababoy sa akin isang buwan na rin ang nakalipas. 

"C-C-Chester... Si Chester? K-Kumusta siya?"

Tumatak sa aking isip iyong huling beses ko siyang nakita. Hawak siya ng mga pulis... Nakaposas ang kaniyang mga pulso sa likuran niya. Hindi siya pumapalag na para bang tanggap niya ang kaniyang nagawa... Bakit hindi niya ipaglaban ang kaniyang sarili? Hindi naman siya ang bumaril!

"Kalalaya lang, tatlong linggo na ang nakalipas." 

Naantig ang puso ko dahil sa sinabi nito. 

Si Chester na nakaupo sa loob ng selda... Ang mga kamay ay nakahawak sa rehas na bakal. Ang mga mata niyang pagod dahil sa nangyari, at hindi pinatutulog ng kaniyang kaisipan. Palaging nakatulala sa kawalan.

Sinubukan kong alisin ito sa isip ko sapagkat ito ay isang imahinasyon lamang. Ngunit hindi naman malabong ganoon nga ang nangyari sa kaniya... Kung tatlong linggo na ang nakalipas magmula nang makalaya siya, ibig sabihin ba no'n ay isang linggo siya sa loob ng selda? 

"H-Hindi naman siya humawak ng baril! N-Nakita ko! Ang Lola ko at ang Papa niya ang mayroong hawak na baril! S-Sana..." Natigilan ako sa pagsisigaw nang maalala ang ginawa sa akin ni Rod Dela Fuente, dahilan para makaramdam ako ng paninikip ng dibdib. 

"Sana ano?" 

Sumubok akong magpatuloy. Nag-angat na ako ng paningin sa kaniya ngunit ang mga mata'y may mga ulap ng mga luha. Ramdam ko ang panginginig ng aking mga labi. Malabo siya sa paningin ko sapagkat hindi ko pinapalis ang mga luha ko.

Playing Cards of Heart (Saudade Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon