MAXSPAUN MOON : PART 4

351K 13.5K 18.4K
                                    




CHAPTER 9

MAXSPAUN MOON: PART 4

"CHEOTJAE..." TUMULOY si Maxpein sa kwarto ng cheotjae isang umaga. Bukas ang pinto at namataan niya agad itong nakatayo sa harap nang mataas at malapad na bintana.

"Maaari mo ba'ng iabot ang silya sa akin, Maxpein? Napapagod na akong tumayo," anang cheotjae nang hindi siya nililingon.

Sinulyapan ni Maxpein ang silya saka 'yon binuhat papunta sa likuran ng kaniyang lola. Matanda na ang cheotjae, hindi na nito matagalan ang pagtayo. Maging sa pagbaba nito ng hagdan, kinakailangang huminto sa gitna para magpahinga, saka mauupo ulit kapag tuluyan nang nakababa.  Hindi tuloy malaman ni Maxpein kung malulungkot ba siyang makitang humihina na ang cheotjae, o magpapasalamat dahil nasasaksihan niya 'tong tumanda. Isang bagay kasi 'yon na tumatak sa isip niyang hindi niya na makikita pa. Ngayon namang nagbago ang tadhana nila sa pagbabalik nito, may kirot pa rin sa puso niya ang makita ito sa gano'ng sitwasyon. Hindi niya alam kung kailan siya masasanay sa kasalukuyang sitwasyon ng cheotjae, gayong hindi niya malilimutan kung gaano ito kalakas, kabilis at kabihasa no'ng kabataan nilang pareho.

Pare-pareho nilang binabantayan ang kalusugan ng matanda. Maingat sila sa pagkain sapagkat kailangan nilang iwasan ang anumang magbibigay ng problema sa kalusugan nilang pare-pareho sa kinabukasan. Dala na rin ng edad, marami nang lumalabas na sakit at iba pang iniinda ang cheotjae sa parte ng katawan nito.

"Bakit hindi kayo sa 'baba magpahangin? Mag-aagahan na rin naman," tanong ni Maxpein nang tumabi sa kaniyang lola

Ngumiti ang cheotjae ngunit nanatili ang paningin sa labas ng bintana. "Ayokong abalahin ang ensayo niya."

Napabuntong-hininga si Maxpein at nilingon ang pinanonood nito. Saka siya natigilan nang mamataan ang anak na noon ay napanood niyang tumakbo paakyat sa matabang katawan ng puno, at patalikod na tumalon bago makarating sa sanga niyon. Paulit-ulit nitong ginagawa 'yon nang walang takot. At hindi pa nakontento, nang ikatlong beses niya itong mapanood ay nag-akrobatiko pa ito paikot sa ere dahilan para lumagapak si Spaun sa lupa.

"Anak ng..!"

Natatawang pinigilan ng cheotjae sa braso si Maxpein nang akma itong tatalikod para puntahan ang anak. "Hayaan mo ang anak mo, Maxpein."

Umawang ang labi ni Maxpein nang mapanood si Spaun na ulitin ang ginagawa sa hindi mabilang na pagkakataon. Hindi niya matukoy kung ano'ng gustong matutunan ng anak sa gano'ng pagsasanay na ginagawa. Wala itong hawak na armas bagaman may kung anong kinikilos ang mga kamay nito. Hindi niya lang matukoy kung para saan ang kilos ng mga kamay na 'yon, kung para sa mga espada o palaso.

"Maxspaun!" nasapo ni Maxpein ang noo, nakapikit at ang isang kamay ay nakahawak sa batok. Sigurado siyang normal ang presyon ng kaniyang dugo pero mukhang pumitik pataas 'yon ngayon.

"Ganyan nga, bata," mahinang anang cheotjae habang pinanonood pa rin ang apo sa tuhod. "Pag-aralan mo ang bagay na ikaw lang ang makaalam."

"Masyado pa siyang bata para sa mga ginagawa niya, cheotjae. Hindi pa 'to ang tamang panahon para diyan. Baka mabalian lang siya o ang masama...at huwag naman sana...baka higit pa diyan ang mangyari sa kaniya."

Nasapo lalo ni Maxpein ang noo sa sobrang pag-aalala. 'Ayun na naman 'yong kaba niya na para bang noon lang siya kinabahan sa buong buhay niya. Pagdating kay Maxspaun, iba siyang kabahan, iba siya matakot. Na handa siyang pigilan 'to sa pag-eensayo, masiguro niya lang na walang mangyayari rito.

"Kailan ang tamang panahon, kung gano'n, apo?" nakangiting tugon ng cheotjae, ang paningin ay naro'n pa rin kay Spaun na paulit-ulit ding tumatalon.

MTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon