MAXSPAUN MOON : PART 10

89.4K 3.1K 3.4K
                                    


CHAPTER 15 : MAXSPAUN MOON PART 10

INASINTA NI Maxspaun ang tudluan sa hindi mabilang na pagkakataon. Sa malayong distansya mula sa kinatatayuan niya, siguradong natamaan niya ang gitna at siyang puntirya. Pero nang wala pa ring marinig na reaksyon mula sa cheotjae ay nag-angat siya ng tingin dito.

"Mali pa rin po ba ang ginagawa ko, cheotjae?" Hindi napigilan ng paslit na magtanong.

Sa mga nagdaang ensayo, nakukuha agad niya ang reaksyon ng mga tagapagturo. Kaya alam niya kung tama o mali ang pinakita, alam niya ang resulta. Pero mula nang magsimula sila ng cheotjae, may isanlinggo na, pakiramdam niya ay wala pa siyang nagawang tama. Madalas tahimik lamang ito at walang sinasabi sa mga ipinakikita niya.

"Natatamaan ko po ang tudlo; nahahati ang palaso ayon sa inyong gusto. Nagagawa ko po ang mga 'yon nang naglalakad, nakaupo, nakadapa o kahit ano," nagpatuloy ang inosenteng si Spaun nang walang makuhang tugon.

"Pero ni minsan ay hindi po ninyo sinabi kung tama o mali ang ginagawa ko. Sigurado po ba kayong kaya pa po ninyo akong turuan, cheotjae? Kasi...kung hindi na po, pwede naman po akong magpaturo sa mama ko."

Umarko ang kilay ng cheotjae, at hindi makapaniwalang nagbaba ng tingin sa bata. Tingnan mo nga naman ang lakas ng loob ng paslit na 'to? Umarko maging ang gilid ng kaniyang labi, naantig ang interes sa mga sinabi ng apo sa tuhod. Minamaliit ba siya ng batang ito? Naiinsulto siyang tumawa sa kawalan.

Ngunit napaisip din ang cheotjae. May punto ang bata, kailangan nitong malaman ang resulta. "Hindi mali ang mga ginagawa mo ngunit...malayo ang mga 'yon sa paraang gusto kong makita, Spaun." Sa wakas ay nagsalita ang cheotjae.

Nangunot ang noo ng bata at bumuntong-hininga. "Pwede po ninyong ipaliwanag pa, cheotjae?"

"Tama ang paraan mo ngunit hindi sapat. Kulang sa bigat, bilis, lakas at abilidad. Nagagamit mo ng tama ang palaso, nahahati sa gitna ang anumang ituro ko, ngunit hindi iyon ang abilidad na kailangan mo, apo. Ang marunong ay iba sa mahusay."

Nakangusong sinipa-sipa ni Spaun ang bato na naroon sa paanan nito. "Bago maging mahusay, kailangang maging marunong, cheotjae." Syempre, gaya ng ina, pilosopo ang batang ito.

"Alam ko. Ang ibig kong sabihin, marunong ka ngunit hindi pa mahusay, bata. 'Wag mo 'kong pangunahan."

"If there's something lacking in me or if I'm still doing it the wrong way, then..." nakangusong ani Spaun, pilit iniintindi ang napakalalim na paliwanag ng cheotjae. "Show me how and I'll do it correctly. I'll prove to you that I can do it, cheotjae."

Umangat ang gilid ng labi ng cheotjae. Gusto niya na namang mainsulto, pakiramdam niya ay sinisisi siya ng batang ito sa tingin niya rito. Tinig iyon ng bata ngunit tila matanda ang nagsalita. Kahit anong pigil niya, pinahahanga siya ng batang ito. Sa murang edad, nakapaghahamon na ito nang ganoon sa matanda at bihasang tulad niya. Ano pa ba ang aasahan niya gayong dumadaloy rito ang dugo nila?

Pero may parte pa rin sa puso't isip niya ang nagsasabing kulang ang edad at pangangatawan nito para makamit ang gusto. Madaling magtiwala, hindi nawawala sa kanilang pamilya iyon. Ngunit kailangan ding mamuhay sa reyalidad, iyong posible sa kasalukuyan. Talagang taon ang bibilangin para makuha ni Maxspaun ang husay na kaniyang tinutukoy.

Ngunit...tama nga kaya siyang pag-isipan si Maxspaun nang gano'n?

"Nang sabihin kong kulang sa bigat, bilis, lakas at abilidad ang mga paraan mo, heto ang tinutukoy ko."Kinabukasan lang, sinabi iyon ng cheotjae habang inaasinta ang pinakamalayong tudluan na naroon sa bakuran.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 16 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

MTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon