1

1.8K 53 1
                                    


"HOY! ANO iyan?" pasigaw at pagalit na sita sa kanila ni Miss Vergel, ang taga-pangasiwa ng ampunan. Kungsabagay ay hindi na iyon nakakagulat pa. Mabibilang yata sa daliri na nagsalita ito nang malumanay. Kasing-natural ng pagiging malupit nito ang palaging pagalit na tinig nito. Mas madalas ay ganoon ang tono nito na may kasama pang pandidilat ng mga mata. "Komiks!" mas mataas ang naging timbre ng tinig nito sabay kumpiska sa iisang pahina ng komiks. "Kayong dalawa, wala kayong kadala-dala. Hala, bartolina kayo!"

Hinila sila nito sa kanilang T-shirt at halos pakaladkad na ipinasok sila sa kabahayan. Napatiim-bagang si Hector. Alam na niya kung saan sila dadalhin. Hindi naman iyon ang unang beses na dinala sila doon. Ang tinutukoy nitong bartolina ay isang lumang kubeta na ubod nang dilim.

"Diyan kayo hangga't hindi ko sinasabing lumabas kayo," sabi ni Miss Vergel bago sila pasalyang itinulak. "Ang titigas ng ulo ninyo," dagdag pa nito habang naririnig nilang ikinakandado ang pinto ng madilim na kubeta.

"Nadamay na naman ako," sabi ni Hector.

"Pasensya ka na."

"Sa susunod, kahit makakita ka ng komiks, huwag mo nang papansinin," pangaral niya kay Nate. "Alam naman natin pareho na ganito ang mangyayari. Ang dilim-dilim dito, ang hirap huminga tapos, hindi pa tayo pakakainin ng isang beses."

Palaging ganoon ang nangyayari. Sinumang bata ang ikulong ni Miss Vergel doon ay tiyak na sasala sa pagkain. Palibhasa, pinakamaigsi nang pagkakakulong doon ay isang maghapon. Kapag mabigat ang kasalanan o dahil lamang trip ni Miss Vergel na patagalin ang parusa, inaabot din ng ilang araw ang batang minalas na makulong doon. Pero gaano man katagal na makulong doon, isang beses lang naman hindi magpapakain si Miss Vergel. Sa susunod, halimbawa ng hapunan ay magpapadala ito ng pagkain. Sabi sa kanila ni Claudio, takot din daw siguro si Miss Vergel na mamatay sila sa gutom doon dahil ito rin ang mananagot.

"Hayaan mo, iyong pagkain na ibibigay sa akin, ibibigay ko na rin sa iyo," aniya.

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin," malumanay na sabi ni Hector. "Gusto mo bang palaging nangyayari ito? Gusto mo bang nakakulong dito? Ako, kahit sumasakit ang likod ko at braso sa kapipiko ng lupa para gumawa ng kama ng petsay, mas gusto ko iyon kaysa nakakulong dito."

"Kapag nakita mo akong nagbabasa ng komiks, pabayaan mo na lang ako para hindi ka madamay," parebeldeng sagot nito.

"Gago ka pala, eh. Nagmamalasakit nga ako sa iyo kaya kita pinagsasabihan," pagalit na sabi niya.

Napatiim-bagang siya. "Gustong-gusto ko nang makaalis sa ampunan na ito."

"Kung gustong-gusto mong makaalis sa ampunang ito, mas lalo naman ako," mahinagpis na sabi ni Hector. "May mga magulang ako. May mga kapatid ako. Alam kong hinahanap nila ako." At napaiyak siya.

Dalawang taon na ang nakakaraan nang matagpuan siya ni Nathaniel sa labas ng bakuran ng ampunan. Nakahandusay daw siya sa bangketa at mataas na mataas ang lagnat. Tinawag nito si Miss Vergel. Kinalinga naman siya ng administrador. Inabot daw ng isang linggo na may sakit siya at hindi makausap nang maayos.

Nang umige ang kalagayan niya ay sinabi niyang biktima siya ng kidnapping. Ang natatandaan niya ay kinuha siya ng mga mamang may takip ang mukha habang naglalaro ng holen sa tapat ng kanilang bahay at isinakay sa kotse.

Hindi niya magawang idetalye ang lahat. Parang wala na siyang matandaan pa. Palagi na ay sa pag-iyak nauuwi ang pagkukuwento nito. At kagaya ngayon, kapag iniisip niya ang kanyang nakaraan ay napapaiyak siya sa sama ng loob. Hanggang ngayon, tila may diprensya ang memorya niya sapagkat hindi niya maalala ang mga bagay na dapat ay natatandaan niya. Pinipilit niyang isipin ang pangalan ng mga magulang o kahit ng mga kapatid subalit hindi niya maalala iyon. Kahit apelyido niya ay hindi niya maalala. Tanging ang pangalang Hector ang nagawa nitong tandaan.

LA CASA DE AMOR - HECTORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon