19

614 44 1
                                    

"SAKAY NA. Bilis," kulang na lang ay itulak ni Gemma ang bata pasakay sa kotse. Mabilis siyang umikot sa driver's seat at pinaharurot na ang sasakyan.

Mahigpit ang hawak niya sa manibela. Tila doon niya ibinubuhos ang damdamin niyang nagwawalang makaalpas. Magkalapat na magkalapat ang kanyang mga labi. At kahit hindi niya humarap sa salamin, alam niyang nagngangalit ang itsura niya.

Hindi na niya inaasahang makikita pa si Matthew Lim. Pagkatapos ng nangyari noon, isinumpa na niya si Matt. Abot hanggang langit ang pagsisisi niya na minahal niya ang lalaki. Hindi niya mapapatawad ang ginawa nito sa kanya.

"Mommy, galit ka ba?"

Humugot si Gemma ng paghinga nang marinig ang tinig ng anak. Hindi siya agad na sumagto. Sinikap niyang mabawasan ang galit na nangingibabaw sa dibdib niya bago ito nilingon.

"I'm sorry, Greggie."

Tumitig sa kanya si Greggie. Ganoon naman palagi ang anak niya. Tinitingnan pa siyang mabuti na tila inaarok ang sinseridad ng kanyang sinasabi. She made another sighed. Si Greggie ang tanging lakas niya kaya sinisikap niyang maging matino ang buhay niya.

"Bakit ka nagalit kanina? Hindi ko naman sinasadyang matamaan iyong mama ng bola ko. Mukha siyang mabait, Mommy. Tinanong pa nga niya kung ilang taon na ako. Sabi ko six. Di ba, six pa lang ako? Next month pa ako magse-seven."

Ginulo niya ang buhok nito. "Oo, next month, seven ka na. Magkakaroon ka ng party."

"Sa McDo, Mommy?"

"Sa bahay na lang, Greggie. Mas maganda kung sa bahay. Marami tayong ihahanda na hindi puwede kung sa McDo."

"Okay. Sayang, wala na si Daddy. Hindi na niya makikita ang birthday party ko."

Masuyong tiningnan niya si Greggie. "Nandito pa naman ako, Greggie," pigil ang emosyong sabi niya. "Hindi ba, pangako ko sa iyo, kahit wala na ang daddy mo, hindi naman kita papabayaan?"

"Sabi ni Lola saka Aling Metring, mag-aasawa ka din daw. Mommy, magiging iba na ang daddy ko kapag nag-asawa ka uli, di ba? Baka salbahe lang ang magiging bagong daddy ko. Ayoko."

"Greggie, huwag mong isiping iyon. Hindi ako mag-aasawa."

"Talaga? Never?"

"Never." Wala naman siya talagang balak na mag-asawa pang muli.

Bumaling si Greggie sa labas. Ugali na nitong panoorin ang dinadaanan nila. Pero hindi rin naman ito mapipirmi. Minsan ay dudukwang sa likod upang abutin ang baong laruan o libro.

O kaya naman ay magtatanong sa kanya ng kung anu-ano. Mula sa mga inosenteng tanong kung bakit nalalanta ang bulaklak hanggang sa kung paano lumalabas nang walang tigil ang tubig sa isang fountain.

Minsan ay nagugulat siya sa ibang tanong ni Greggie. Kagaya noong isang beses na nagtanong ito sa kanya kung ilang taon silang naging mag-boyfriend ni Greg bago sila nagpakasal. Hindi niya alam kung sino ang nagtulak kay Greggie upang itanong iyon pero sabi ng katulong nila sa bahay, iba na daw talaga ang mga bata ngayon.

Palatandaan daw ng pagiging matalino ang pagiging palatanong ni Greggie pero sa oras na iyon ay mas gusto niyang manood na lang ito sa dinadaanan nila. Wala siya sa mood na sumagot sa mga tanong nito.

Nang mabagot si Greggie sa pagtanghod sa labas ay kinuha nito ang bola. Pero sandali lang at initsa na uli iyon sa back seat.

"Mommy, bakit tinawag mo ng Matt iyong lalaki kanina? Tinanong ko ang pangalan niya. Sabi niya sa akin Hector daw."

Kumunot ang noo niya. Hector? Kailan pa naging Hector si Matthew? Imposible namang ibang tao ang pinagbuntunan niya ng galit kanina. Siguradong-sigurado siyang si Matthew iyon. Maaaring mahaba ang labindalawang taong nagdaan pero tiyak niyang si Matthew iyon.

He had changed a lot. Kung noon ay karaniwan lang ang anyo ni Matthew ay hindi mukhang habulin ng babae ay iba na ngayon. Kailangan niyang amining malaki ang iginandang lalaki ni Matt. Matikas ang tindig at mukhang mature na mature na.

Napatiim siya ng bagang sa huling naisip. Matured na nga kaya? O baka naman kagaya pa rin noong dati na magaling lang sa simula pero hindi naman pala kayang panindigan ang isang bagay?

Duwag si Matthew. At ang tanga-tanga niya na nagmahal sa isang lalaking duwag. Ang tanga-tanga niya na sumamang magtanan dito pero nang bawiin siya ay pinanood lang siya ni Matthew habang halos kaladkarin siya ng ina.

Humigpit muli ang hawak niya sa manibela. Hindi siya maaaring magkamali. Si Matthew iyon. He had call her Gem. At si Matthew lang ang tanging tao na tumatawag sa kanya ng ganoon.

It used to sound like an endearment to her. Gustong-gusto niyang tinatawag siya ni Matthew nang ganoon. Damang-dama niya na espesyal siya dito. Pero dahil ang tanga nga niya, malay ba niyang balewala naman pala dito ang ganoon? Iiwanan lang pala siya nito sa ere.

Kinusot niya ang mga mata. Nag-iinit iyon at may nagbabadyang luha. Tapos na siyang umiyak. Maraming-maraming luha na siyang itinapon sa pangyayaring iyon. Pagod na siya.

Binilisan niya ang pagpapatakbo at ilang sandali lang ay nakauwi na sila. Nagtatakbo na si Greggie patungo sa kuwarto nito. Malamang kaysa hindi ay computer games na naman ang aasikasuhin niyon. Napailing siya. Kailangan na niyang unti-unting disiplinahin sa bagay na iyon ang anak.

"Nasaan si Mama?" tanong niya sa katulong.

"Nasa kuwarto. Mamamahinga daw muna. Nagluto siya, napagod malamang."

"Aakyat na muna ako, Aling Metring. Sumakit ang ulo ko. Pakibigyan na lang si Greggie ng meryenda kapag nanghingi."

"Sige, ako nang bahala dito. Wala naman sigurong bisitang darating. Nagpasabi ba ang partido ni Greg? Dalawang taon na siyang patay ngayon. Darating ba sila?"

"Hindi na. Magpapamisa na lang daw sila sa Nueva Ecija."

"Sus, sino kaya ang kakain sa mga niluto ng mama mo? Ang dami-dami niyon."

"Hayaan ninyo na. Ako nang bahala mamaya. Aakyat na muna ako."

Pumasok siya sa guestroom. Buhat nang mamatay si Greg ay iyon na ang kuwartong inokupa niya. Ang dating kuwarto nila ay nakakandado. Binubuksan lang iyon kapag kailangang linisin o mayroong mga dating bagay na dapat kunin doon. Siya, hangga't makakaiwas ay hindi magnanais na pumasok doon.

Tila hapong inihiga niya ang kanyang katawan. Nang ipikit niya ang mga mata ay si Matthew kaagad ang mukhang nabuo doon. Naging mariin ang pagpikit niya.

Bakit kailangang magtagpo pang muli ang landas nila? Ayaw na niyang makita pa si Matthew. Mananariwa lang muli ang sugat...

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - HECTORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon