Kabanata 1

87 5 22
                                    

𝙼𝚊𝚢 𝟸𝟶𝟷𝟸; 𝚂𝚊𝚗𝚝𝚊 𝙸𝚜𝚊𝚋𝚎𝚕𝚊

TAHIMIK kong inililibot ang paningin sa kabuuan ng bahay nila Lola Rita at Lolo Hymn. Simple lang ang bahay nila pero napakalinis. Hindi kakikitaan ng kahit kaunting alikabok; nasa ayos din ang mga kagamitan.

Hindi ko alam kung paano napapanatili lagi ni lola ang kalinisan nito gayong matanda na siya at baka nahihirapan na sa paglilinis. Siguro dahil walang batang nagkakalat? Hindi katulad sa amin na kaunting kibot ni Theo ay may nakakalat na laruan o kahit ano'ng gamit niya sa sahig.

Nilingon ko ang mga magulang ko na kasama sila Lolo't Lola sa lamesa na naroon sa likod nitong sala set na kinauupuan namin ni Theo. Sa liit ng bahay ay naririnig ko ang iyak ni mama at mahihinang bulungan nila na ang tanging naging malinaw sa pandinig ko ay ang pagpapaalam nila kina lola.

Kahapon pa kami nagtungo rito. Sa daan pa lang ay sinabihan na kami nila mama na iiwan muna nila kami ni Theo sa probinsiya. Kaya naman kahapon pa hindi matahimik ang isip at puso ko. Gusto kong magtanong sa kanila kung bakit gayong matatapos na ang bakasyon. Pero hanggang ngayon ay hindi ko magawang ibukas ang bibig para sa tanong kong aamagin na lang yata sa isip ko.

Bumibigat ang dibdib ko. Napupuno ng lungkot at pangungulila kahit narito pa sila. Nilingon ko ang siyam na taong gulang kong kapatid na si Theo na tutok ang paningin sa telebisyon kahit pa kukurap-kurap iyon dahil sa mabagal na sagap ng antenna. Nalilibang pa ito pero tiyak mamaya ay mahihirapang mapatahan iyan.

Muli kong tiningnan sila Mama. Nakatayo na at nagyayakapan na ang mga ito. Nag-uumapaw na ang lungkot sa puso ko at umaakyat na 'yon sa mga mata ko nang maglakad na sila palapit sa amin bitbit ang bag na naglalaman ng mga gamit nila. Tumabi si Mama sa amin. Si Papa naman at sila Lola ay nanatiling nakatayo sa gilid. Lungkot at pag-aalala ang makikita sa mga mata nilang lahat.

"Anak, okay lang ba kayo rito?" mahinahong tanong niya habang yakap kami pero nakatutok ang paningin sa akin.

"O-Okay lang po, Mama," mahinang sagot ko. Kabaligtaran ng tunay na nararamdaman.

Sa nakikita kong namumugto at namumulang mga mata niya, ang kagustuhang itanong kung bakit nila kami iiwan dito ay lalong hindi ko na nagawang isatinig pa. Baka kailangan na kailangan lang. Hindi naman nila natitiis na hindi kami nakikita kaya naisip kong napakaimportante ng dahilan nila para iwan kami rito.

Niyakap niya kami nang tuluyan. Narinig ko ang maya't mayang singhot niya. "Uuwi kami buwan-buwan para madalaw kayo nila Lola mo."

Buwan-buwan?

Napasinghap ako.

Mabilis na umangat ang tingin ko kay mama. Hindi na naitago ang lungkot na nararamdaman. "Buwan-buwan, 'Ma? Ibig sabihin dito na rin po kami mag-aaral?"

Umangat ang nag-aalalang tingin niya sa mga nakatayo sa gilid namin. Tipid na ngiti at tango lang ang nakuha niya sa mga ito. Mabilis din namang ibinalik sa 'kin ang tingin at ngayon ay may ngiti na sa labi. Pero hindi niyon nagawang itago ang nakapirming lungkot sa mga mata.

"Oo, anak. Dito muna. Kapag natapos agad namin ni papa ninyo ang dapat ayusin ay susunduin agad namin kayo. Pangako, Ate. Basta dadalaw kami lagi ni papa, hm?"

Wala akong naging sagot pero naging panatag na sa sinabi niyang dadalaw rito at susunduin agad. Mas pinanghawakan ko nga lang ang huli kaya bahagyang natahimik ang puso ko.

Isa-isa niya pa kaming niyakap ni Theo habang nagpapaalam. Nang kumalas siya ay pumalit si Papa. Panay naman ang bilin na huwag kaming magpapasaway kina lola.

The Unfinished Love Story: Felix and AsherWhere stories live. Discover now