SOBRANG biglaan ang mga pangyayari. Ilang araw lang idinaing ni Felix ang labis na pananakit ng ulo. Hindi na nagdalawang isip si Tito Roque na dalhin siya sa ospital. At agad na si-nu-ggest sa ospital na mag take siya ng MRI Scan. At doon ay agad na nakita ang dahilan ng pananakit ng ulo ni Felix. Mayroon siyang Grade IV astrocytoma o glioblastoma, ang pinaka-agresibong uri ng brain tumor.
Hindi ko alam kung paano ko taganggapin ang katotohanang iyon. Nakita ko na lang ang sarili ko sa labas ng ospital, nakaupo at doon malakas na humahagulgol. Parang may lubid at mahigpit na pumipiga sa puso ko. At hindi pa nakuntento dahil paulit-ulit din 'yong sinasaksak.
Napakalakas ni Felix kaya hindi ko matanggap na may ganitong klase siyang sakit. Na hindi ko napansin na kahit ang ilang muntik na niyang pagkakatumba na tinatawanan pa namin at nang makalimutan niya akong puntahan sa carenderia, ay sintomas na pala ng sakit niya.
Biglaan ang lahat. Hindi ko napaghandaan. Pero magbabago nga ba ang sakit na nararamdaman ko kung naging iba ang sitwasyon? Pakiramdam ko parang dinadaya kami ng mundong ito. Parang paulit-ulit kaming pinasasakitan. Hindi pa sapat ang dalawang beses at magkasunod na nawalan ako ng mahal sa buhay. Ngayon naman ay nagkaroon ng sakit ang lalaking mahal na mahal ko. Hindi ko maiwasang kwestyonin kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Ano'ng dahilan. Bakit sa akin? Bakit si Felix?
Ubos na ang luha ko. Hindi ko alam kung paano natuyo ang mga mata ko. Gustong gusto ko pang umiyak dahil naninikip pa ang dibdib ko pero wala ng inilalabas ang mga mata ko.
Sinubukan kong tumayo. Kahit nadudurog ang puso ko ay pinilit kong lakarin ang papunta sa kwarto ni Felix. Ngunit akala ko ay said na ang luha ko pero nang naroon na ako sa pasilyo ay muling bumuhos ang mga iyon. Mabilis akong tumalikod habang pinupunasan ang mukha ko at malakas na humihikbi. Dumiretso ako sa restroom at tiningnan ang sarili ko. Naghilamos ako at inayos ang sarili ko. Sinuklay ko ang magulo ko ng buhok. Nang wala ng bakas ng matagal na pag-iyak ay saka pa lang ako tuluyang nagtungo sa kwarto ni Felix. Naroon na sa tapat ang mga magulang niya at si Tito Roque.
"Hinihintay ka niya. Pumasok ka, Tamara," ani Tita Mylene na may maliit na ngiti. Namamaga at namumula na ang mga mata niya.
"Salamat po, Tita." Tipid siyang ngumiti kahit sina Tito Zaldy at Tito Roque.
Hinarap ko ang pinto. Tumikhim ako para maalis ang bara sa aking lalamunan at humugot ng hangin saka iyon marahas na ibinuga. Niyon ko pa lang nagawang buksan ang pinto.
Nakangiting mukha ni Felix ang bumungad sa akin. Lalo lang 'yong nagbigay ng kirot sa puso ko pero pinilit kong gantihan ng matamis na ngiti ang ngiti niyang iyon.
Pinilit kong hindi umiyak noong nasa harapan na ako ni Felix, na hindi ko alam kung paano ko nagawa. Alam kong siya ang mas labis na nasasaktan ngayon at ayaw kong makita niya na nanghihina ako. Dahil gusto ko na isa ako sa maging lakas niya habang lumalaban siya sa sakit niya.
"Namiss kita, Asher."
Umupo ako sa gilid ng kama niya. Hindi ko na napigilan ang yakapin siya. "Namiss din kita."
"Ayoko sanang makita mo ako na ganito, pero iba pa rin talaga kapag narito ka. Mas lumalakas ang loob ko."
Ngumiti ako. Hinaplos ko ang mukha niya. Kahit may ngiti roon, hindi maipagkakaila na may dinaramdaman siya.
"Hayaan mo dahil mananatili lang ako sa tabi mo, Felix." Kung pwede ko lang ibigay ang lahat ng lakas ko sa 'yo, gagawin ko, Felix. Gagawin ko lahat para sa 'yo.
Hinawakan niya ang kamay kong nasa pisngi niya. "Lalabanan ko ang sakit na ito, Asher."
"At sasamahan ka naming lumaban, Felix."
YOU ARE READING
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
General Fiction"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...