Kabanata 22

31 2 0
                                    

𝙿𝚛𝚎𝚜𝚎𝚗𝚝

NAG-IINAT ako ng mga braso habang naglalakad papunta sa bintana ng aking kwarto. Hinawi ko ang kurtina niyon sa magkabilang gilid bago binuksan ang jalousie. Nakapikit at nakangiti kong nilanghap ang malamig na hangin. Bagong umaga ng unang araw ko rito sa Santa Isabela matapos ang ilang taon. Masaya akong nakabalik, pero nangingibabaw ang lungkot. Pero agad kong binura iyon nang maalala ang gagawin ngayong araw.

Nakangiti akong lumabas ng kwarto at nag-agahan, pagkatapos niyon ay gumayak na ako. Aalis kami ni Felix. Bago siya umuwi kagabi ay nagsabi siyang ipapasyal niya ako ngayon. Excited na ako kaya naman hindi maalis-alis ang ngiti sa labi ko at pakanta-kanta pa.

Eksaktong kalalabas ko lang ng kwarto, nagpupunas pa ng tuwalya sa buhok, nang makarinig ako ng katok sa pinto ng bahay. Nakangiti at mabilis ang mga hakbang ko nang maglakad papunta roon dahil alam kong si Felix na iyon. Hindi nga ako nagkamali. Isang yakap ang sinalubong ko sa kanya kaya natatawa siyang gumanti. Ramdam ko ang higpit ngunit may pag-iingat nang pumulupot ang mga braso niya sa bewang ko.

“Good morning!” masiglang bati ko nang makakalas.

“Ang saya mo, ah?”

“Syempre ipapasyal mo ako, eh. Pasok ka muna.”

Umupo siya sa sofa. Dumiretso naman ako sa lamesa at kinuha roon ang egg sandwich na ginawa ko kanina para may madala kami sa pamamasyal, nagdagdag na rin ako ng pang-agahan ko. Nagtira rin talaga ako ng dalawa para sa kanya.

“Oh, kain ka muna.” Abot ko sa platitong may sandwich.

“Salamat. Walang kape?”

Natatawa akong tumango. “Opo, magtitimpla na.”

Dalawa na ang tinimpla ko, para sa akin ang isa. Habang nag-aagahan si Felix at panaka-nakang paghigop ko ng kape ay inayos ko naman ang mga dadalhin. Nagdala ako ng isang pares ng damit, baka kasi sa tabing dagat niya ako ipapasyal. Isinalansan ko rin sa isang maliit na paper bag ang mga pagkaing nakalagay sa tupperwear. Kaunti lang naman iyon: mga slice ng prutas, apat na tuna sandwich, at juice na nakalagay sa dalawang tumbler.

Nang matapos ako sa ginagawa ay lumapit na ako sa sala bitbit ang tasa ng kape ko. Nakita ko namang wala ng laman ang platito, pero may kalhati pang kape sa maliit na tasa ni Felix. Nang tingnan ko siya ay may hawak siyang maliit na papel.

“Paper ring?” nakangiting tanong ko nang makaupo sa tabi niya.

Tumango siya. “Hmm. Hindi na ako pala ako sanay gumawa nito.”

Inilapit ko ang sarili sa kanya para mas makita ang ginagawa niya. Marami ngang gulo iyon, hindi katulad ng ginagawa niya noon na pulido. Tumigil ang kamay niya, nanatili roon ang tingin ko pero hindi na muli kumilos pa ‘yon kaya nag-angat ako ng tingin sa kanya. Na maling kilos yata.

Nakakaduling ang sobrang lapit namin sa isa’t isa. Naging malikot ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Mayamaya lang ay naramdaman ko ang kapit niya sa bewang ko at sa likod ng ulo ko. Marahan niya akong hinila palapit sa kanya. Dinama ko ang init ng labi niya habang dinadama rin ang malakas na tibok ng puso ko. Ilang segundong nagtagal ang pagkakalapat ng mga labi namin bago siya kumalas. Pareho kaming napangiti nang magsalubong muli ang mga mata.

***

Hindi na kami nagtagal sa bahay. Bitbit niya sa isang kamay ang basket na siya mismo ang may dala kanina. Mukhang pagkain din ang laman niyon. Ang isa niya namang kamay ay nakahawak sa akin. Dala ko naman ang aking tote bag na may lamang damit at ilang gamit niya, sa isang kamay ang paper bag na pinaglagyan ko ng pagkain.

Dumiretso kami sa tabing dagat. Hindi pa gaanong masakit sa balat ang init ng araw. Maraming tao roon, palibhasa bakasyon. Pero halos lahat sila ay pamilyar ang mukha sa akin, madalang ang masasabi kong hindi taga roon sa Santa Isabela.

The Unfinished Love Story: Felix and AsherOnde histórias criam vida. Descubra agora