Kabanata 15

19 1 0
                                    

AKALA ko mahina na si Mama noong mga panahong nakikita ko siyang umiiyak kapag nagche-chemo si Papa. Akala ko sobrang hina na niya kapag umiiyak siya at yayakapin ako bigla para sabihing hindi pa siya handang mawala ang kabiyak ng puso niya. Akala ko kahinaan ng matatawag kapag natutulala na lang siya habang nakatitig kay papa at biglang sasabihin na kapag umalis ito ay isama na siya.

Ngayon, nakikita ko ang mahinang mahinang si Mama. Walang luha, tanging nakangiti mukha ang ipinapakita sa mga nakikiramay para sa pagkawala ng lalaking pinakamamahal niya. Pero sa tuwing mag-isa siya sa kwarto ay naririnig ko ang hagulgol niya at pagsasabi na baka pwede pa, kahit saglit, ay ibalik sa kanya si Papa.

"Pakiramdam ko, anak, kulang na kulang pa ang dalawampu't isang taong pagsasama namin ng papa mo."

Habang pinapakinggan si Mama hindi ko inalis ang pagkakatitig sa kinahihimlayan ni papa na maya't maya ay may dumadaan para masilip siya. Ramdam ko na ang hapdi at pamamaga ng mga mata ko dahil sa ilang araw na pag-iyak pero hindi maubos-ubos ang luha rito. Titigil pero tuwing nakikita ko si Papa at maalala ang mga oras na kasama namin siya ay bigla na lang sasabog muli ang luha ko.

"Hindi man lang natupad ang pangarap naming muling maikasal sa pangalawang pagkakataon."

Muli kong narinig ang pagpiyok ni mama pero nang tingnan ko siya ay tuyong tuyo naman ang mga mata niya. Ipinulupot ko ang mga braso ko sa kanyang katawan at patagilid siyang niyakap nang mahigpit. Doon idinadaan ang mga pampalubag ng loob na hindi ko masabi-sabi sa kanya. Gusto ko siyang aluin pero pakiramdam parang hindi kayang ilabas ng bibig ko ang mga salitang gusto kong sabihin. Natatakot akong magkamali at lalo siyang masaktan.

Naramdaman ko ang isang braso niya ni mama na umikot sa aking likod at humaplos ang kamay niyon sa aking ulo. Nakaramdam ng kapayapaan ang puso ko dahil doon. Sana sa simpleng yakap ko kay mama ay maramdaman niya rin ang ganito.

"Sana pala pinagbigyan natin siya noong humiling siyang uuwi na. Noon niya pa sinasabi sa akin na ayaw niyang nasa ospital kapag kinuha siya."

"Alam kong naiintindihan ni papa, 'Ma."

Mariin akong napapikit nang muling pumatak ang mga luha sa aking mga mata. Naaalala ko ang mahina at pilit na pagsasalita ni papa para masabi ang gusto niyang iyon.

"Gusto ko na kapag tuluyang naputol ang hininga ko ay naroon ako sa tahanan natin. Gusto kong makita ang masasaya nating alaala roon."

Pero hindi namin siya pinagbigyan dahil na rin sa takot. Mahina pa rin siya kahit sinabi sa amin na bumubuti na ang lagay niya. Prone pa rin siya sa kahit anong virus. Hindi ginusto ni mama na isaalang-alang ang unti-unti niyang pag-galing na akala namin ay magtutuloy-tuloy na.

Hindi na muling nagsalita si Mama. Tahimik naming pinagmasdan ang unahan. Tatlong araw ng nakaburol si Papa rito sa chapel na malapit sa ospital. Ilang araw na lang din ay ihahatid na namin siya sa huli niyang hantungan. Araw-araw, kahit nasasaktan dahil alam kong wala na siya, mayroon pa ring pakiramdam sa pagkatao ko na para bang hindi pa siya kinukuha sa amin. Pakiramdam ko ay buhay pa rin siya. Buhay na buhay pa rin siya rito sa puso ko.

Napapikit ako nang maalala ang huling beses na nakausap ko si Papa. Nanghihina man at hindi masyadong makapagsalita ay nakikita ko ang kislap ng saya sa mga mata niya habang pinakikinggan ako. Ikinwento ko sa kanya si Felix at sinabi ko sa kanya ang panliligaw nito.

"Masaya sa puso ang umibig, anak, hindi ba?"

"Tama ka, 'Pa," humahagikgik na sabi ko. Ipinatong ko ang mga siko sa kama niya at nangalumbaba. Halos punitin ang labi ko sa pagkakangiti. "Totoo pala 'yon, 'Pa. 'Yung parang may paru-paro sa tiyan mo. Totoo rin pala na bulag ang pag-ibig kasi bakit ako nagkagusto sa unggoy na 'yon, 'di ba?" Napanguso ako pero agad ding bumalik ang ngiti. Mahinang natawa si Papa.

The Unfinished Love Story: Felix and AsherWhere stories live. Discover now