Prologue

1.7K 17 0
                                    

"Pag-aaral na nga lang gagawin mo sa buhay mo hindi mo pa magawa ng tama? Wala talagang pag-asa sa'yong bata ka," dismayadong ani ng Papa ko bago padabog na isinara ang pintuan na noon ay ikinatatalon ko pero ngayon? Nasanay na'ko.


Wala ng bago. Lagi 'kong nakikita sa paglubog ko pero kapag may nagagawa ako nabubulag sila. Hindi naman ako bobo. Hindi naman ako mangmang, may utak ako. Nagkaroon rin naman ako ng mga pesteng medals na 'yan pero bakit itong isang bagsak ko na 'to hindi nila ako mapagbigyan? Sa tingin ba nila madali lang lahat?


"Hindi na lang po ako magnu-nurse 'Ma." Napatungo na lang ako dahil ayokong maluha dahil wala naman 'yong magagawa para payagan pa nila 'ko. Wala naman silang tiwala sa'kin e'.


"Magnu-nurse ka," may diin na apela ng Ate ko.


Napangisi na lang ako. "Hindi ako nakapasa sa scholarship pati sa school sa gusto ni Papa na mapasukan ko, paano na Ate?" Tinignan ko siya at nakita ko na naman iyong awa sa mata niya na ayaw na ayaw kong nakikita dahil alam kong nahihirapan din siya.


"Sasama ka sa'min sa Maynila at mag-aaral ka roon," dagdag niya pa. "Ma, kung ayaw niyong pag-aralin siya sa kursong gusto niya. Ako na lang ang gagawa."


"Ate, 'wag na nating ipilit. Ni hindi nga nila 'ko masuportahan sa gusto ko. Kahit na maging Doktor na'ko, wala pa ring pake ang mga 'yan---"

Sinampal ako ng Nanay ko.


"Ano bang mali sa pagpapalaki namin sa'yo para maging ganyan kang kabastos na bata?!" Ilang beses ko na bang narinig 'to sa sariling mga magulang ko? Ilang beses ko na bang naranasan na parang sinasaksak ako ng mga salita nila? Ilang beses na rin ba nilang sinumbat sa akin ang pagpappalaking sinasabi nila? Alam ko namang Anak lang ako. Ang hindi ko lang maintindihan, Anak pa ba ang turing nila sa akin?


Nagkagulo. Iyon ang alam kong sunod na nangyare. Basta ang alam ko lang ay nawindang ako sa sampal niya. Gustong gusto kong umiyak nang mga panahon na iyon pero wala ng lumalabas na luha sa mata ko. Hindi sakto ang grado na nakuha ko para sa scholarship tapos hindi pa ako nakapasa sa unibersidad na gusto nilang pasukan ko. Iniyakan ko 'yong dalawang iyon dahil nahihiya na nga ako para sa sarili ko, pakiramdam ko sobrang bobo ko at inaalala ko rin kung anong masasakit na salita na naman ang matatanggap ko galing sa kanila. Bakit pa ba nila ako binuhay kung hindi rin naman pala 'ko pwedeng mag-desisyon para sa sarili ko?


"Labas lang ako Ate." Hindi ko na nahintay ang tugon niya at mabilis akong lumabas ng pinto. Luminga linga ako sa paligid, sakto wala masyadong tao. Ayoko kaseng nakikita ako ng kapitbahay nila. Gusto kong uminom pero hindi ko naman magawa iyong sa bahay ng kapatid ko. Nakikitira na nga lang ako sa kanila ng asawa niya e'. Ayokong makita nila ako bilang rebelde. Sawang sawa na'ko.


Agad akong pumara ng jeep papunta sa malayo layong seven eleven sa bahay nila. Agad akong bumili ng dalawang soju dahil alam kong malalasing agad ako rito dahil mahina ako sa alak. Pinili kong maupo roon sa labas kesa sa loob dahil panay magnobyo at nobya ang naroon. May naalala lang akong hindi dapat alalahanin. Mabilis kong kinuha ang cellphone ko at sinabihan ang kapatid ko na hindi ako uuwi ngayong gabi, sinabi ko lang na kila Hope ako matutulog pero hindi ko talaga alam kung saan ako pupunta. Bahala na.


"Ang malas naman oh," inis kong bulong sa sarili nang hindi ko mabuksan ang bote. Lahat na lang ba hindi ko magawa nang tama? Napailing na lang ako bago nagpasyang buksan ulit iyon pero hindi ko talaga magawa. Luminga linga ako sa paligid para maghanap ng mapapakisuyuan para magbukas kaso lahat busy sa mga kasama nila. "Ipukpok na lang kaya kita sa bato?" Wala na lang akong ibang magawa kundi ang makipagtitigan sa mga pesteng bote na hindi ko mabuksan. Nabalik lang ako sa realidad nang makarinig ako ng malutong na mura sa likuran ko. Napabuntong hininga na lang ako, normal lang naman na talaga 'to sa mga taga-rito. Paano kaya kung nasanay akong magmura? Mababawasan ba nuon ang sama ng loob ko kahit na saglit man lang?



Invading Her BodyWhere stories live. Discover now