Chapter 7

17 1 0
                                    


HINDI mapigilan ni Gael ang mamangha. Kung saan-saan siya dinala ni Lola Merced. Una, nagpunta sila sa isang parlor at pinagupitan nito ang mahaba at wala sa ayos niyang buhok. Ngayon, hanggang balikat na lang iyon pero maikli sa bandang batok at mahaba sa harapan. Pinakulayan din ng matanda ang buhok niya kaya ngayon ay mamula-mula na ang shade niyon.

Hindi maitatanggi ni Gael sa sariling nagustuhan niya ang pagbabagong iyon. Mas pumusyaw ang kulay niya dahil sa bagong kulay ng buhok. Parang nahihiya pa nga siyang aminin. Pero ang totoo, sosyal na sosyal ang tingin niya sa sarili.

Pagkatapos nilang mananghalian sa isang mamahaling restaurant, ipinamili pa siya ni Lola Merced ng mga damit—mula dress, jeans, blouse hanggang sapatos at sandalyas. Umangal na siya nang hatakin siya nito papasok sa isang spa center. Ikinawit niya ang isang kamay sa braso ng matanda at saka dinala sa isang sulok.

"Lola, tama na po. Sobrang dami na nitong ginawa ninyo para sa akin."

"Hayaan mo ako, Gael. I enjoy what I am doing."

"Pero puro gamit ko ang pinamimili ninyo. Wala man lang kayong binili para sa inyo. Isa pa, hindi ko naman kailangang magpa-spa. Naghihilod po ako at kaya kong maligong mag-isa."

Natawa si Lola Merced, mukhang siya ang pinagtatawanan.

"Hindi naman 'yon lang ang puwedeng gawin diyan," sabi nito na nakatingin sa spa center. "Puwede ka ring mag-relax, magpamasahe—"

"Aysus, Lola. Hindi ko kailangan ng masahe! Baka nga mas mahusay pa akong magmasahe sa mga nasa loob ng center na 'yan, eh!"

"Talaga? Marunong kang magmasahe?"

"Naman! Tinuruan po ako ng bff kong parlorista," nakaliyad ang dibdib na sabi ni Gael.

Muling napangiti si Lola Merced. "O, sige. Kung ayaw mo talaga, umuwi na tayo. Basta tatandaan ko 'yang sinabi mong marunong kang magmasahe," nakangiting sabi nito bago siya hinila palabas ng mall.

NAPAPANGITI si Phil habang tinitingnan ang medical record ni Raphael Oronce. Sa loob ng mahigit isang buwang pag-aalaga sa pasyente, unti-unti na itong nakaka-recover mula sa sakit. Maganda ang response ng katawan ni Raphael sa mga gamot na ibinibigay niya kaya malaki ang pag-asa nitong gumaling.

Phil knew it would be good news for Gael. Siguradong matutuwa ito kapag nalamang bumubuti na ang kalagayan ng kapatid. Dalawang beses sa loob ng isang linggo, dumadalaw si Gael sa kapatid at madalas makita ni Phil ang lungkot sa mga mata nito. Sa mga ganoong pagkakataon, gusto niya itong kausapin. Pero ni minsan ay hindi naman niya ginawa. He didn't know what to tell her.

Kung hindi rin lang nagtatanong, hindi niya kinakausap si Gael. Hindi niya gustong magkaroon ng maraming pagkakataon na makasama ito. Iniiwasan din niyang makausap ito nang matagal dahil alam niya ang plano ni Grena. He was not born yesterday. Alam niya ang laro ng matanda. Halata naman sa mga kilos nito ang pagbubuyo sa kanya kay Gael.

He didn't know why Grena considered Gael, of all women she knew. Siguro talagang desperada lang ang kanyang lola na mag-asawa na siya, pero hindi niya ito bibigyan ng pagkakataong maisahan siya. He didn't intend to marry anyone just because Grena told her to do so. Pinangakuan man niya si Grena, umaasa siyang magbabago ang isip nito at sa huli ay maiintindihan na rin ang punto niya.

Hindi malilimutan ni Phil ang unang beses na nakilala niya si Gael. Sadyang determinado itong ipapulot sa kanya ang mga biniling pagkaing nalaglag sa semento nang mabangga niya. Pupulutin naman talaga niya iyon kung wala lang siyang emergency call. Pero dahil nagmamadali, halos hindi na niya pinagtuunan ng pansin ang dalaga. Sa tingin ni Phil, nairita ito kaya kung ano-ano ang nasabi. Ang nakapagtataka, bakit amusement ang naramdaman niya para dito imbes na mainis? Para siyang naaaliw na hindi niya maintindihan sa natural na kilos ng dalaga. Her pouting lips were kissable and her expressive eyes seemed to tell a lot of things. He even felt the urge to stay and talk to her for a couple of minutes.

Love PotionWhere stories live. Discover now