Chapter 8

29 1 1
                                    

GAMIT ang paa ay itinulak ni Abigael ang pinto ng silid ni Phil. Dala niya sa isang maliit na tray ang mataas na baso na kinalalagyan ng 'gayuma' ni Mrs. Cerdan at platter na kinalalagyan ng saging.

"Doc, I'm here na po," aniya habang nakasungaw sa dahon ng pinto.

"Come inside," tugon ng lalaki na sa pakiwari niya ay nagbubuhat sa loob ng shower room nito.

Patingkayad na siyang pumasok sa takot na makalikha ng ingay sa sahig. Lumapit siya sa kama at inilagay sa bedside table ang dalang tray. Pinili niyang maupo sa couch na nasa isang sulok. Hindi naman nagtagal ay naroon na ang lalaki.

"Nag-abala ka pa," wika nito. Hubad-baro ito at tanging boxers lang ang suot habang ang hawak na tuwalya ay bahagyang ipinangtutuyo sa buhok nito. "Okay lang ba sa iyo na ganito lang ang suot ko? I hope you don't mind—"

"Ay no, Doc! Ayos lang po." Ngumiti siya rito. 'Pa-touch naman ng abs mo,' bulong ng isip niya. "Drink your juice muna Doc, then eat your banana before the massage," nakangiti niyang sabi sabay abot ng tray dito. Nasa magkabilang panig sila ng kama.

"Why banana, of all fruits, Gael?" tanong ng lalaki na ang mga mata ay tila naaaliw sa pagkakatingin sa kanya. Naupo na rin ito.

"It cures headache, Doc. Hindi ninyo alam?"

Nakangiti itong nagkibit ng balikat. "Well, it has magnesium that can soothe headache and is rich in potassium as well. Why do you know that?" Kinain nito ang ilang maliliit na slice ng saging at saka ininom ang juice ni Mrs. Cerdan.

Natigilan siya pero pilit niyang hinagilap ang dila upang sagutin ang tanong nito. "Tinanong po iyan sa quiz namin noong Grade Five ako eh."

Natawa ang lalaki. "You're so funny, Gael. By the way, can you please stop using po and opo when talking to me? How old are you?"

Umangat ang kamay niya para iipit sa kanang tainga ang ilang piraso ng buhok na tumatabing sa kanyang kanang pisngi. "Twenty-two po, este twenty-two pala, Doc. Dapa na kayo." Iginiya niya itong dumapa sa kama at saka kinuha ang towel na nasa kamay nito at isinampay sa headboard.

"So young...still schooling?" tanong nito na ang ulo ay nakapatong sa magkasalikop nitong brasong nasa unan.

Pumuwesto na siya sa tabi nito at inihanda ang sarili sa gagawin. "Hindi na, Doc. Nakatuntong ako ng kolehiyo pero ikalawang taon pa lang ay kinailangan ko nang huminto dahil walang budget ang pag-aaral ko." Sinimulan niyang buksan ang maliit niyang botelya at saka nilagyan ng kaunting patak ng liniment ang kanyang mga palad. Bumilang muna siya ng tatlo sa isip bago marahang ini-apply iyon sa malapad na likod ng lalaki.

"I see. Sayang naman kung hindi mo itutuloy. I think you can still pursue your course."

"Iyan naman talaga ang plano ko, Doc," aniya habang marahang inihahagod ang mga kamay sa likod ng lalaki. 

"Sa pagkakaalam ko ay may ALS o alternative learning system ang DepEd ngayon. I'm sure, makakapag-aral ka kahit hindi formal setting. Mahalaga ang edukasyon sa isang tao, Gael." Saglit itong huminto sa pagsasalita na tila pinakikiramdaman ang ginagawa niya.

"Ayos ka lang ba, Doc? Masakit ba?"

Umungol ito at sa tingin niya ay nakadukdok na ito sa pagkakahiga. "It's actually good...hmmm..."

Napangiti siya. As usual, effective na naman ang kanyang 'mahika effect.' Iyon ang tawag ng kanyang Kuya Paeng sa husay niyang magmasahe. Dati kasi ay malimit niyang i-massage ito sa tuwing uuwi galing trabaho. Sa naisip ay nanumbalik ang lungkot niya. Kumusta na kaya ang kanyang kuya?

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 09, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Love PotionWhere stories live. Discover now