Chapter 12

537 56 31
                                    

Nakaramdam na naman ng kaba si Oslo habang binabagtas ng kanyang pick-up truck ang lupang daan papasok sa malawak na lupain patungo sa malaking bahay.

Hindi na naayos pa ang daan na iyun at naalala niya na noon bago pa mawala ang mga orihinal na may-ari ng bahay ay pinaplano nang gawing tisa ang daan ngunit hindi na nangyari pa ang plano na iyun dahil na rin sa isang hindi makakalimutan na nangyari sa Lake House.

Napabuntong-hininga siya at tiningnan niya ang kaniyang mukha sa salamin ng kaniyang truck at nakita niya ang kaniyang mukha. At agad niyang iniwas ang kaniyang mga mata sa salamin para hindi na niya makita pa ang kaniyang repleksiyon.

Kung maaari lang sanang takpan niya ng bayong o nang kung ano pa man ang kanyang mukha kapag hinarap niya si Miss Shiloh ay ginawa na niya. Dahil sa unang pagkakataon ay nahiya siya sa kanyang marka sa mukha. Marka na nagpapaalala sa kaniya sa nangyari sa nakaraan at nagpapaalala rin sa kaniya sa kanyang katayuan sa buhay sa baryo ng Cross Pines.

Kung puwede lang na tanggihan niya ang trabaho na iyun ngunit hindi maaari, hindi siya maaaring tumanggi sa mga nakatataas sa kanya at naisip niya rin ang kanyang anak na si Heaven. Ang kikitain niya sa trabaho na iyun ay makatutulong sa kanila na makabili ng kanilang mga pangangailangan lalo na ni Heaven.

Muli niyang naalala ang mukha ni Miss Shiloh. Ang mapupungay nitong mga mata, ang gulo-gulo nitong buhok na nakapusod sa tuktok ng ulo nito at ilong nitong diretso at manipis at ang mga labing kakulay ng makopa.

Bigla siyang napailing, ano bang iniisip niya? hindi siya dapat nag-iisip ng ganun sa isang babaeng katulad ni Miss Shiloh. Hindi siya dapat makaramdam ng ganun sa isang babae o sa kahit kanino pa mang babae dito sa Cross Pines, ang paalala niya sa kanyang sarili.

Isang buntong hininga-ang kaniyang pinakawalan at kumunot ang kaniyang noo. Ngunit mayroon lamang siyang isang ipinagtataka tungkol kay Miss Shiloh. Ano ang ginagawa nito sa Cross Pines?

Inihinto niya ang kaniyang sasakyan may kalayuan sa nakaparada na sasakyan ni Miss Shiloh na sa tingkad pa lamang ng kulay nito ay alam na niyang mamahalin. Baka nga ang halaga ng kanyang lumang pick-up ay singhalaga lang ng gulong ng malaking sasakyan nito.

Pero bago pa man niya itinulak ang pinto para pagbuksan ang sarili ay sinilip niyang muli ang kanyang hitsura sa salamin. Ang suot niyang lumang kamiseta na hindi na makita ang tunay na kulay nito kung asul o abo dahil sa kalumaan at maong niyang pantalon na may patse-patse na mga kulay na mula sa talsik ng pintura. At ganun na rin ang suot niyang sneakers na napakalambot na ng suwelas dahil sa nipis nito.

Kung hindi niya mabilhan ng bagong damit at sapatos ang anak ay mas lalong hindi niya kayang bilhan ang kaniyang sarili.

Kailangan niya talaga ang trabaho na ito hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kaniyang anak, ang sabi ng kanyang isipan.

Isang buntong-hininga ulit ang kanyang pinakawalan at inayos niya ang pagkakasuksok ng kaniyang suot na sumbrero sa kanyang ulo. At buo ang loob na itinulak niya ang pinto ng sasakyan para makababa siya. Isinara niya ang pinto at napasulyap ang kaniyang mga mata sa nakapinid na pinto ng bahay. Saka siya naglakad patungo sa likuran ng kaniyang truck para kunin naman ang kanyang tool box. Naglakad na siyang muli nang pumireno ang kaniyang mga paa sa paghakbang at tumayo siya sa harapan ng side mirror sa bahagi ng pintuan ng drayber. At hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na muling sumulyap sa salamin.

Umaasa na lamang siya na hindi na lang titigan ni Miss Shiloh ang kanyang mukha, ang sabi niya sa sarili. Isang buntong-hininga na naman ang kaniyang pinakawalan at saka siya naglakad palapit sa steps paakyat ng harapan ng bahay. Tumutunog ang mga kahoy bawat pag-akyat ng kaniyang mga paa lalo na nang makatapak na siya sa porch ng bahay.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedWhere stories live. Discover now