Chapter 44

572 67 37
                                    

Hinugasan ni Oslo ang kaniyang mukha ng malamig na tubig. Ramdam na niya ang pagod hindi ng kaniyang katawan ngunit ng kaniyang puso at isipan. Pinisil ni Oslo ang kaniyang mga mata bago niya pinunasan ang kaniyang basang mukha ng tuwalya. Mahapdi na ang mga iyun nang dahil sa pagluha at nang dahil na rin sa kakulangan sa tulog. Labis ang sakit na nadarama niya mula pa kagabi nang masaksihan niya kung sino ang nilitis sa may tabi ng lawa.

Napakabigat ng batas na lumulukob sa buong Cross Pines. Ang pagsuway sa batas ng Cross Pines ay babayaran ng buhay. Ang batas na iyun ay daan na ang taon na namayani at isinabuhay na ng mga taga-rito. Kung mayroon man nasakal at sumubok na lumihis ay buhay ang naging kabayaran. At tatlong beses na niya iyung nasaksihan. At dulot pa rin nito sa kaniyang puso ay labis na sakit.

"Tatay?" ang narinig niyang sambit ni Heaven mula sa kaniyang likuran. At muli niyang pinahid ng tuwalya ang kaniyang mukha at isang pilit na ngiti ang pilit niyang ikinurba sa kaniyang labi para sa kaniyang anak.

Hinarap niya si Heaven na kalalabas pa lamang at nagkukuyos pa ng mga mata nito.

"Magandang umaga anak, kakain ka na ba ng almusal? Naglaga ako ng saging," ang kaniyang sabi sa anak at pili niyang nilagyan ng buhay ang kaniyang boses para lang hindi mahalata ng kaniyang anak ang tunay niyang nararamdaman.

Tumangu-tango ang ulo ni Heaven, "tatay pupunta po ba tayo ngayon sa bahay ni Miss Shiloh?" ang tanong ni Heaven sa kaniya. Mabilis na umiwas ang kaniyang mga mata at bahagya siyang tumalikod sa anak at nagkunwari siyang abala sa paghahanda ng kanilang almusal.

"Uh kumporme anak kung...may ibibigay sa akin trabaho," ang kaniyang pagsisinungaling habang naglalagay siya ng saging na saba sa hawak niyang bandehado. Hindi niya alam kung gaano katagal niyang pagsisinungalingan ang anak. Lalo pa at alam niya na siya mismo ang nagtulak dito papalayo. Napakabata pa ng isipan ni Heaven para maunawaan nito ang mga nangyayari at alam niya na paglaki na nito ay mauunawaan na ni Heaven ang lahat. Ang masakit lang para sa kaniya bilang ama ni Heaven ay ang magiging kalagayan ng kaniyang anak. Mamumuhay din ito na katulad niya na salat sa lahat ng aspeto sa buhay ang kaigihan lang ay nakapag-aral si Heaven habang bata pa lang ito. Isang pribelehiyo na hindi siya nabigyan ng pagkakataon dahil sa bata pa lamang siya ay nagbanat na siya ng buto. Panalangin na lamang niya ay may himala na mangyari at makalaya sila sa Cross Pines.

"Pero hindi po ba tatay sabi ni Miss Shiloh na kahit wala ka raw po gawa sa bahay ay puwede tayong magpunta? Gusto ko na po siyang makita at makasama tatay," ang sagot ni Heaven sa kaniya at ramdam niya umaasa ang anak na mapagbigyan niya ito.

"Uhm anak, abala siguro si Miss Shiloh," ang kaniyang matipid na sagot, "hindi bale anak, gawin natin yung gusto mong gawin noo? Ano nga yun? Iyung matutulog tayo sa labas ng bahay?" ang kaniyang pag-iiba ng usapan. At nabuhayan siya ng loob dahil sa nakita niyang nakuha niya ang interes ang anak nang magliwanag ng bahagya ang mukha nito.

"Camping po?" ang sagot ni Heaven at humakbang na ito palapit sa kanilang lamesa at naupo na ito sa silya.

Mabilis na tumango ang kaniyang ulo at inilapag niya bandehadong naglalaman ng mainit na nilagang saba ng saging at kumuha pa siya ng mga plato at nilagyan niya iyun ng asukal.

"Uh oo anak iyun nga, yung sinabi mo," ang sagot niya at naupo na siya sa silyang kaharap ng anak.

Ngumiwi ang labi ni Heaven at nataas ang isa nitong kilay, "eh tatay wala naman po tayong tent," ang sagot ni Heaven sa kaniya na hinawi ang makapal at kulot nitong buhok na nakatabing sa mukha nito.

"Ten?" ang kaniyang tanong sa anak habang ipinagbabalat niya ito ng saging.

Mahinang natawa si Heaven sa kaniyang sinabi at mukhang nagkamali siya ng pagbigkas.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedWhere stories live. Discover now