Chapter 20

516 58 37
                                    


Gulong-gulo ang isipan ni Oslo habang pinapalitan niya ang mga gripo sa banyo ng silid ni Miss Shiloh. Mula nang sabihin nito sa kaniya ang tungkol sa nadiskubre nitong diary ni Miss Estelle. Ni sa hinagap ay hindi niya naisipan na maaaring may naiwan pang gamit si Estelle sa bahay sa kabila ng kaniyang pagkakaalam na nilinis na ang lahat ng gamit ng kabahayan ng Cross mula nang madugong gabi na iyun.

Ano na ngayon ang kaniyang gagawin? Magagawa ba niyang nakawin ang diary para lang wala na itong malaman? Sa tantiya niya kasi kay Miss Shiloh sa pagsasalita nito ay tila ba wala itong kamuwang-muwang at wala pa rin itong nalalaman tungkol sa Cross Pines. Kailangan ba niyang sabihin? O hahayaan na lamang na wala itong nalalaman? Hindi ba mas nakabubuti kung inosente na lamang ang isipan nito? Mukha namang hindi ito pakikialamanan ng mga residente ng Cross Pines sa pamumuhay nito.

Sa ngayon iyun ang nakabubuti para sa kaligtasan ni Miss Shiloh at kanilang kaligtasan. Ang giit pa niya sa kaniyang sarili at isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan at ipinagpatuloy niya ang kaniyang trabaho. 

Nang makita niya na maayos ang kaniyang pagkakagawa ay inisa-isa niyang damputin ang kaniyang mga gamit para ibalik sa kaniyang lalagyan. Nakaluhod siya sa sahig ng banyo nang marinig niya ang boses ni Heaven na tinatawag siya.

"Tatay?"! ang pagtawag nito. At sa tuwing naririnig niya ang boses ng anak ay dulot nito sa kaniya ay saya sa kanyang dibdib.

"Nandito ako anak," ang kaniyang sagot rito at isinara na niya ang takip ng kaniyang lalagyan at saka siya tumayo at ilang sandali pa ay humakbang na siya palabas ng silid at naabutan niya si Heaven na nakatayo sa gitna ng silid habang nakaharap ito sa may malapad na kama ni Miss Shiloh na mayroon nang tila kurtina na singnipis ng kulambo na nakatabing rito.

"Ang ganda po ng silid ni Miss sHiloh tatay, parang," at sandali itong huminto para umikot ito at pasadahan ng mga mata nitong namamangha sa ganda at laki ng silid ni Miss Shiloh.

"Parang pam-prinsesa," ang huling sambit nito nang huminto ito sa pag-ikot sa paanan ng malaking kama.

"Gusto ko rin na makatulog sa ganitong silid tatay," ang sabi nito. Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa kaniyang labi. Alam niyang hindi iyun mangyayari at malungkot siya para sa kaniyang anak.

Hindi man siya nakakaakyat sa itaas ng bahay noon ngunit alam niya na iyun ang dating silid ni Miss Estelle. Nakita niya ito noon na nakadungaw sa malalaking bintana ng silid habang naglalaro ito ng mga manika at siya naman ay palihim na nagtatago sa likod ng malalaking katawan ng puno ng pino.

"Ano nga pala ang ginagawa mo rito Heaven? Hindi ba sabi ko na huwag kang aakyat dito sa itaas?" ang kaniyang tanong at paalala sa anak. Ganun din naman kasi ang panuntunan sa kaniya noon na hanggang ibaba lamang siya ng bahay at bawal siyang umakyat sa itaas kung nasaan naroon ang mga silid.

"Pinaakyat po ako ni Miss Shiloh sabi niya na tawagin daw po kita para magmeryenda sa ibaba," ang sagot sa kanya ni Heaven.

"Sige halika na at bumaba na tayo," ang kaniyang sabi sa kaniyang anak na napansin niyang madumi na ang mga damit nitong napakalaki para sa anim na taong gulang nitong katawan. Maliit ito kung ikukumpara noon sa pangangatawan ni Miss Estelle na parehong edad nito.  Marahil na rin siguro sa kulang sa nutrisyon ang kaniyang anak. Kaya naman laking pasalamat niya sa trabaho niyang iyun na ibinigay sa kaniya at napupunan na niya kahit papaano ang pagkukulang niya kay Heaven.

Bumaba na sila ng bahay at nagtungo sila sa kusina kung saan maririnig ang tunog ng may nakasalang sa kalan nitong ginagamitan ng kuryente. At nang humakbang na nga sila papasok ay bumati sa kaniyang mga mata ang magandang imahe ni Miss Shiloh. At awtomatikong umiwas ang kaniyang mga mata nang batiin sila ng mga nakangiting mata at labi nito.

Hush-Hush (romantic - suspense) CompletedWhere stories live. Discover now