Kabanata 3: INFIL

89 18 190
                                    

Lungsod ng Maynila, Kalakhang Maynila, Pilipinas
Oktubre 14, 2045; 06:54 H (GMT +08:00)

Maynila – ang kapitolyo ng bansa na dating napakaunlad at may mahabang kasaysayan. Kilala sa pagiging magulo, ang lungsod ay buhay na buhay. Samu't saring mga negosyo at tahanan ang naitatag simula nang magsandugo sina Rajah Sulayman at Miguel Lopez de Legazpi. Iba't ibang pangyayari na rin ang nasaksihan nito at kahit ano'ng mangyari, babangon at babangon ang mga naninirahan – hanggang sa dumating ang The Big One.

Ang mga tahanan at negosyong tumidig noon sa lupain ng Maynila ay nawalan ng buhay. Kahit ang haring araw na kakasikat lamang ay hindi kayang bumuhay sa mga nakaraang unti-unti nang kinakain ng kalikasan at kahati nito ang mga mangangalakal na naghahanap ng anumang mapapakinabangan para siya ay mabuhay. Masuwerte pa nga ang ilan sa mga bahay na nanatiling nakatayo, pero bilang na ang araw nila bago sila tuluyang gumuho at sumama sa iba pang bahay na tila ba nilibing sa lupa.

Pansamantalang nananatili sa isa sa mga kuwarto ng dormitoryo si Serbia, na nasa ikalawang palapag kasama si Romania, na mahigpit ang hawak sa TRG M10 .338 Lapua sniper rifle, at Moldova na sniper scope naman ang nasa kamay. Sinusuportahan ang mga ito ng tig-isang bipod bilang pagpapanatili ng stabilidad at pamatong sa mesang pinagpatungan nila. Silang dalawa ay nakaupo sa tig-isang upuan, dinudungawan ang target nilang ospital sa tulong ng bintanang basag ang salamin at may kalayuan mula sa kanilang kinalalagyan.

Tig-isang tapik ang iniwan ni Serbia sa kanila, kasama ang mensaheng kinakailangan nila.

"Good hunting, lads."

Wala nang pakialam si Serbia kung narinig man ng dalawa ang kanyang tinig. Basta ang mahalaga ay pokus na ang mga iyon sa misyon.

Oras na rin nilang magsimula. Bumaba siya sa unang palapag, kung saan naroon ang pasukan ng mga dating naninirahan sa dormitoryo. Nasa harapan ng pinto sina Montenegro at Bosnia, naghihintay sa kanyang utos na magtungo na sa target nilang ospital. Sa gawing tabi nila ay ang convenience store na pinagtataguan naman nina Bulgaria, Croatia, at Slovenia.

Wasak ang bahagi ng pader na naghahati sa pasukan ng dormitoryo at katabing convenience store sa gawing kanan nila, kaya kita kung paano kinakalkal ni Croatia ang assault pack ng lalaking nakahandusay sa kanyang harapan. Wala na itong hininga at naligo na sa sariling dugo matapos tamaan ng dalawang bala sa dibdib at isa sa ulo.

Kanina pa pinagmamasdan ni Bulgaria ang kabilang kanto habang pinapanatili ang kanyang katawan na tago sa tulong ng pilar na himala pa ring nakatayo kahit na may mga tumalbog at bumutas na bala. Maliban sa pagtingin, tinututukan niya rin ng assault rifle ang nasabing kanto. Iyan ay habang pinagsasalitaan niya si Croatia nang may angas at panghuhusga.

"Hoy, Croatia! Huwag ka namang ganid diyan! Magtira ka kung may nakuha kang pagkain!"

"Isang pakete lang ng tsokolate ang nakuha ko. Daiko ang tatak, galing Hapon, mukhang lipas na sa expiration date at tunaw na," ulat ni Croatia sa nagsalita. Kinubra rin niya ang nasa limang 12 gauge shotgun shells bilang bala sa dala rin niyang breaching shotgun.

Kanyang ninais na kunin din ang pump-action shotgun na dala ng lalaking maituturing na mangangalakal, pero pinili niya na lang iwanan ito dulot ng karagdagang-bigat sa dalahin.

"Meron bang hamon diyan?" pagtatanong ng grenaider na si Slovenia. Napagdesisyunan niyang tingnan ang storage room para sa anumang mapapakinabangan, pero wala siyang nakuha ni isa – kahit bote man lang ng alak. "Maganda sanang pandagdag sa pulutan mamaya o sa mga susunod na araw kapag nakaalis na tayo rito."

"Sa kasamaang palad, wala."

"Manginginom ka talaga, Slovenia," ayon sa napakomentong si Montenegro na kasingtindi ng laser ang pagtingin sa daanan nila papuntang ospital. "Hindi mo ba naisip na mag-almusal muna tayo bago magtungo sa inuman mamayang gabi? Masuwerteng hindi pa nasisira ang atay mo."

Plane of Existence: NirvanaWhere stories live. Discover now