Kabanata 10: Pahinga

20 3 10
                                    

Lungsod ng Baguio, Benguet, Pilipinas
Oktubre 14, 2045; 18:08 H (GMT +08:00)

Sa wakas, tapos na rin ang trabaho ni Ruth sa ospital, at dumating na ang oras ng kanyang pahinga. Ayun nga lang, hindi pa sila nagkakasalubong.

Bakit? Ang sagot ay nasa mga kalsada ng Baguio. Ang mga kalsada ay nagmistula nang paradahan ng mga sasakyang hindi makagalaw. Hindi pa nakatulong ang kakiputan nito pati na ang mga taong pauwi na pagkatapos gastahin ang bahagi ng bagong dating nilang sahod. Kaya ang dyip kung saan siya ay lulan ay nananatili lang sa isang puwesto, nag-aaksaya ng gasolina sa gitna ng mga pasaherong sumuko na.

Malayo-layo pa naman ang kanyang lalakbayin. Mula sa sentro ng Baguio, tatahakin niya ang daan patungo sa hilagang bahagi nito na malapit na sa katabing La Trinidad. Wala na siguro siyang nagawa kundi ang pagmasdan ang isang bentahan ng keyk na espeyalista sa mga pagkaing tampok ang mga strawberry.

Ang sarap naman iyan. Gusto ko ng isa. Iyan na lamang ang kanyang naisip nang masilayan niya ang isang babaeng kumain ng hiwa ng keyk na iyon. Lumilipad na ang mga paru-paro sa kanyang tiyan, pero mas pinili niyang tiisin na lamang ito.

"Tang inang trapik na ito," ayon sa drayber na nagsisimula nang bumigay sa usok na pumapalibot sa paligid. "Simula nang dumating ang mga bakwit mula Maynila, lumala ang trapik dito. Ganoon din ang krimen. Punyeta."

Ipinagkibit-balikat na lamang iyon ni Ruth. Iyan ay kabila ng sinabi ng kanyang isip. Hindi nauunnawaan ni manong na hindi nila ginustong mag-bakwit dito.

Matiyaga niya na lang hinintay na dumaloy muli ang trapik. Sa ngayon, pagmamasdan niya muna ang pagbubukas ng liwanag ng lungsod matapos dumilim na ang kalangitan.

* * * * *

Kahit 3 oras siyang naghintay sa kalsada, mapayapa pa ring nakauwi si Ruth sa inuupahan niyang kuwarto ng apartamento.

Kanya na itong pinasok. Naabutan ng kanyang mga mata ang malinis na silid. Pinaghihiwalay ng pader ang kanyang kama, palikuran at sala. Una niyang nadaanan ang pinto patungong banyo, na sinundan ng pagsalubong ng sala sa kanyang paningin.

Naroon ang telebisyong kaharap ng sofa at nasa gitna nito ang mesang maliit na gawa pa sa pinatay na abaca. Doon niya tinago ang mga babasahing medikal na tumulak kay Ruth na magtapos sa kanyang pag-aaral bilang nars. May mga bagong libro rin siyang binili tungkol sa neurolohiya. Pumapasok naman sa bintana ang hanging malamig, pero kung hindi talaga kaya ang init sa labas dulot ng polusyon, merong inverter-type aircon siyang binili.

Mas gugustuhin na lang niyang mag-ipon ng lakas kaysa manood ng telebisyon na tipikal niyang libangan. Wala na rin siyang pakialam sa paru-parong kanina pa lumilipad sa kanyang sikmura. Hinatak niya na ang kanyang sarili sa kuwarto at agad humiga sa kamang na kay lambot-lambot ng kutson matapos magbihis ng damit na hindi uniporme ng isang nars sa Bagong Philippine General Hospital.

Puting t-shirt at padyamang rosas ang bago niyang suot. May disenyo pa ito ng Stray Cat cartoon character, na paborito niyang cartoon noong araw.

Nawalan na siya ng pakialam sa mundo. Hinayaan niya na lamang ang kama na lunurin siya sa antok habang ang hangin ay kinukumot na ang katawang nangangailangan na ng pahinga. Minuto lang ang dumaan, tuluyan nang inanod si Ruth sa dagat ng panaginip.

* * * * *

Onse oras. Oo, onse oras na tinagal ng tulog ni Ruth. Mas mataas pa ito kaysa pito hanggang walong oras na nirerekomenda para sa mga nasa hustong gulang.

Hindi naman siya masisisi gayong mahaba at matinding trabaho ang kanyang ginagampanan. Maliban kay Yana, marami ring mga pasyenteng nangangailangan ng kanyang aruga. Nananatili pa rin siyang matatag, kaya ganoon na lamang ang kanyang pagpapasalamat sa Panginoon nang dumaan siya sa Our Lady of Atonement Cathedral, na isa sa mga kilalang atraksyong pang-turista sa lungsod ng Baguio.

Plane of Existence: NirvanaWhere stories live. Discover now