Kabanata XL: Bukang Liwayway

6.2K 300 63
                                    



Kabanata XL: Bukang Liwayway



Nakatingin pa rin sa kawalan si Raya. Minsa'y may binabanggit siyang isang salita na hindi maintindihan ni Jiggs. Madaling araw noon nang maalimpungatan ni Jiggs na umiiyak si Raya. Pagkatapos niyang umiyak, tila may kausap si Raya sa alapaap. Sa halip na matakot si Jiggs, lalo pa siyang nahabag. Minabuti niyang huwag iwan ang dalaga. Hindi na rin muna siya pumasok sa publishing house. Nagpaorder na lang din siya ng makakain. Pati ang technician ay sa bahay na rin mag-aayos ng nasirang laptop.





Hindi rin maipaliwanag ni Jiggs kung bakit nagkakaroon siya ng pakiaalam kay Raya. Pakiramdam niya, magkaugnay sila. At kung anuman ang nangyayari sa dalaga, kailangan niya itong intindihin.



"Ano ba talagang nangyayari sa iyo?" minsang tinatanong ni Jiggs sa nakahigang si Raya.

Tititigan lang siya ni Raya saka mangingilid ang luha nito. Pagkatapos niyon ay tititig nanaman si Raya sa kawalan.

Nakakatulog naman si Raya tuwing hahaplusin ni Jiggs ang noo niya.

"Kailangan mo ng pahinga," marahang bulong ni Jiggs.

Naisipan rin ni Jiggs na tawagan ang kaibigan niyang sikolohista.

"Matinding depression ang nararanasan niya. Mayroong isang bagay na nais niyang ilabas, ngunit hindi niya masabi-sabi. Masyado niyang kinimkim iyon. Lalo itong tumindi nang may isang bagay ang nag-trigger para sumabog ang emosyong iyon. By any chance, may napansin ka bang isang bagay na huli siyang nakita bago siya nagkaganito?" saad ng kaibigan niya.

"Tulog ako noong panahong iyon. Actually, I thought her screams were just part of my dream. Iyon pala, totoong siya iyong umiiyak. It's like real. Wala talaga akong maalalang bagay na naging dahilan kung bakit siyan naging ganoon," ani Jiggs.

"Don't worry, I'll contact Dr. Jimenez," anang sikolohista.

Nagpaalam ang sikolohista nang hindi nalalaman kung bakit nagkaganoon si Raya. Ang payo lang nito, iparamdam sa dalaga na hindi siya nag-iisa.



Sumunod na bumisita ang kaibigan niyang technician. Ang sabi nito, kaya niyang iretrieve ang files na nandoon. Ngunit hindi niya sigurado kung kaya niyang paganahin pa ito nang gaya ng dati. Matagal bago nailipat ng technician ang mga files sa hard drive ni Jiggs. Pagkatapos niyon, nagpaalam ang technician na ibabalik na lang ang laptop kinabukasan.



Hindi naman nag-atubili si Jiggs para mangkalakal ng files ni Raya. Napakaraming folders ang kanyang binuksan para lang makita kung saan nga ba naroon ang nobelang tinatapos ni Raya. Sa pagkakakwento ni Raya, isa itong historical fiction tungkol sa pag-iibigan ng isang katipunero at anak ng isang mestizo ilustrado. Matiyaga niyang binasa ang bawat document sa mga folders.



Ilang saglit pa ay tila natagpuan na niya ang kanyang hinahanap.



"Nakailang kabanata na din pala ang nobelang ito," bulong niya sa sarili.



Habang binabasa niya nang malakas ang bawat salitang nakikita ng kanyang mga mata, lalo siyang kinakabahan. Tila humihigop ng enerhiya ang bawat pangungusap, kung kaya't pinilit nitong ipinagpapatuloy ang bawat linyang nadadaanan ng kanyang mga mata. Sa tuwing tumitigil siya upang huminga, lalo siyang nawawalan nito. Nabubuo sa kanyang imahe ang bawat eksena, at hindi siya nagkakamali. Ang babaeng inilalarawan sa bawat kabanata ay ang babaeng napapanaginipan niya gabi-gabi.







Biglang humiyaw si Raya at nagpupumiglas sa kama na siyang ikinalaglag ng mga unan at kumot.

"Ibalik mo ko! Ibalik mo ko!" paulit-ulit na sabi ni Raya habang itinatapon ang lahat ng bagay na maabot ng naninigas niyang palad.

Está Escrito (It is Written)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon