Chronicles 1 Moonlight

6 1 0
                                    

Amara’s POV

Nakangiti akong sumilip mula sa aking pinagtataguang puno habang nakatingin sa aking mga tagasilbi. Hinahanap pa rin nila ako dahil tumakas ako sa aking mga aralin.

Napaayos ako ng tayo nang makarinig ng malakas na tikhim sa aking likuran. Ngumiti ako nang alanganin nang makita ko si Lorcan na nakatayo sa tapat ko.

“Nahanap ko na ang pasaway na prinsesa!” malakas niyang sabi kaya lumingon ang mga tagasilbi  sa kinatatayuan namin.

Lumapit sila sa amin na hinihingal sa pangunguna ni Apo Luna. Napakamot ako sa ulo habang masama ang tingin kay Lorcan.

Lorcan Gannon, anak ni Cian Gannon na dating punong kawal ng kaharian at siya ring namatay sa pagprotekta sa lolo kong hari. Siya na rin ngayon ang punong kawal ng kaharian at laging nakakahanap sa akin sa tuwing tumatakas ako sa aking mga aralin.

“Mahal na prinsesa, oras pa po ng inyong pagaaral. Bukas na po ang dating ng hari at reyna kaya gusto nilang tiyakin na kayo ay natuto.” Sabi ng isang tagapaglingkod na may edad na rin. Ngumuso ako bago sumunod ng lakad sa kanila.

Nilingon ko pa si Lorcan na nakangisi lang habang kumakaway. Inirapan ko siya bago kami nagpatuloy na pumasok sa aking silid. Nakanguso akong naupo sa aking kama.

Nanlaki ang mata ko nang makita si Elwin na nakaupo sa upuan ko sa tuwing ako ay nagaaral.

“Elwin!!” mabilis akong tumakbo papunta sa kanya kaya mabilis din na umalalay ang mga tagapaglingkod ko. Tumawa naman si Elwin.

“Nakikita ko nga sa iyo ang iyong ina, mahal na prinsesa. Hindi iyan gawain ng isang prinsesa.” Naupo ako sa tabi niya.

“Paano ba ang maging isang prinsesa? Kailangan ba ay naaayon bilang isang babae? Elwin, bakit ba hindi ako maaring maging mandirigma? Bakit si ina ay mandirigma na humahawak ng sandata?” nagtataka kong tanong, ngumiti lang siya.

“Maniwala ka man o hindi, Prinsesa Amara pero ginagawa ito ng iyong ina para sa iyong kapakanan. Hayaan mong ang mga kawal ang mangalaga sa iyo.” Umiling ako sa paliwanag niya, mula pagkabata ko ay ito na ang lagi nilang sinasabi at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan.

“Bakit ka nandito?” pagiiba ko ng usapan.

“Naparito ako dahil nabalitaan kong tinakasan mo na naman ang aking kapatid na si Daemeon na iyong guro. Malapit nang dumating ang mga magulang mo kaya kailangan ay marami ka nang natutunan.” Ngumuso ako.

“Bakit ba talaga kailangan kong matuto pagdating nila ama at ina mula sa Elemental Kingdom?” paulit-ulit nila itong sinasabi mula kahapon pa kaya naiirita na ako.

“Dahil sa dami ng iyong naging guro ay lagi mong tinatakasan kaya pag-uwi nila at hindi ka pa rin natuto ng iyong mga aralin ay ipadadala ka nila sa Ethereal Academy.” Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya.

“Ano? Ethereal Academy? Hindi ako papayag.” Ngumiti si Elwin.

“Pero wala ka nang magagawa sa oras na nagdesisyon na ang iyong ama, hindi ba?” hindi ako nakapagsalita dahil tama siya, wala pa ni isa ang nakabali sa desisyon ng aking ama.

Hindi ko talaga gusto ang pumasok sa Academy dahil mawawalan ako ng kalayaan. Kung bantay sarado ako dito sa kaharian, mas triple ang bantay sa paaralan. Hindi na ako makakapagsanay gamit ang palaso ko.

***

Lumingon ako sa pinto ng aking silid nang bumukas ito at pumasok ang aking kapatid na prinsipe.

“Ate…” ngumiti lang ako sa kapatid ko at hinintay siyang makalapit sa akin. “Gusto kong kumain ng prutas mula sa gintong puno.” Umiling ako sa sinabi niya.

Moonlight Chronicles Where stories live. Discover now