Chapter XIV - Bloody Night

205 18 7
                                    



"Anthony... Anthony, gising."

Minulat ni Anthony ang mga mata dahil sa boses na gumising sa diwa niya. Kadiliman ang sumalubong sa kanya na medyo pinaliwanag ng bukas na bintana, kung saan pumapasok ang liwanag mula sa bukas na ilaw sa labas ng bahay.

Ramdam niya ang kamay ng asawa niyang nakayakap sa kanya, at ang ulo nito na nasa may dibdib niya. Nanatili lang siyang nakahiga. Ipipikit na sana niya ang mga mata para muling subukan na matulog pero narinig na naman niya ang bulong.

"Oras na, Anthony. Oras na."

Malalim na buntong hininga ang binitawan niya. Ilang saglit lang ay maingat niyang inalis ang kamay at ulo ni Mica na nakadikit sa kanya. Iniayos niya ito ng higa bago siya bumangon mula sa kama. Naglakad na siya palabas ng kwarto at patungo sa kusina. Nadaanan niya ang orasang nakasabit sa pader at nakita niyang may labing limang minuto pa bago sumapit ang alas tres ng madaling araw.

"Oh, Anthony? Bakit gising ka pa?" tanong ni Lola Betty. Nakasuot ito ng damit na pantulog, nasa may lamesa at may binubuksan na gamot para inumin. May maintenance na kasi ito at may kailangan inumin ng gano'ng oras.

Hindi sumagot si Anthony at dumiretso sa lababo bago binuksan ang gripo na nasa may likuran ng kinatatayuan ng biyenan niya.

"Ang hirap talaga kapag ganitong tumatanda na. Ang dami ng nakakalimutan. Pati na 'tong gamot na naiwan ko dito sa lamesa kaya kinailangan ko pang lumabas ng kwarto," napapailing na pagku-kwento ni Lola Betty habang binubuksan ang lalagyan ng pangalawang gamot. "Kaya ikaw, h'wag mong pababayaan ang sarili mo. Alagaan mo ang katawan mo para kapag tumanda na kayo ni Mica, hindi niyo na kailangan pa na –" Hindi naituloy ni Lola Betty ang sinasabi dahil sa biglang pagsabunot ni Anthony sa buhok niya. "A-Anthony... N-Nasasaktan ako." Pinilit lingunin ng matanda ang manugang niya at natakot siya nang makita ang pamumula ng mga mata nito.

"Hindi ako inutil! Tandaan mo 'yan!" halos bulong ni Anthony.

Sisigaw na sana si Lola Betty nang bigla nang sumaksak sa lalamunan niya ang malaking kutsilyo na hawak ni Anthony, kaagad din nitong binunot ang kutsilyo bago siya tinulak sa sahig. Do'n niya sinubukang sumigaw pero walang kahit na anong boses ang lumabas noon sa bibig niya. Ramdam niya ang pag-agos ng dugo mula sa nabutas niyang lalamunan. Gamit ang natitirang lakas, nagsimula siyang gumapang pero bago pa man siya makalayo, naramdaman niya ang bigat ni Anthony na umupo sa likod niya.

Inamoy muna ni Anthony ang dugong nakabalot sa kutsilyo. Sinabunutan niya ang kulot na buhok ng matanda bago ito sinimulang gilitan ng leeg ng para sa manok. Gigil na gigil siya habang ginagawa iyon. Wala nang pakialam pa kahit halos magtalsikan na sa mukha niya ang malapot na dugo nito. Gusto niya lang na mapugutan ng ulo ang biyenan niya. Gusto niyang patunayan sa matandang ito, na siya lang ang karapat-dapat para kay Mica at wala nang iba pa.

****

Napamulat si Andrei sa narinig na kakaibang mula sa labas ng kwarto niya. Parang may impit na sigaw pero hindi rin siya sigurado kasi baka pusa lang na nakikipaglampungan sa kapwa pusa ang gumagaw ang ingay na 'yon. Mababaw pa kasi ang tulog niya dahil naglaro siya ng computer game hanggang alas-dos ng madaling araw. Hindi na nga sana niya papansinin ang kakaibang ingay na 'yon pero nakarinig naman siya ng kalabog na parang nanggagaling sa may first floor ng bahay. Do'n na siya nagdesisyon na lumabas ng kwarto at bumaba.

Binuksan niya ang ilaw sa sala, pero wala naman siyang nakitang kakaiba. Babalik na sana siya sa kwarto ng makaramdam ng uhaw kaya dumiretso na siya sa kusina para kumuha ng tubig sa refrigerator. Pero bago niya pa nagawa 'yon, nadulas na siya dahil malagkit na likidong nagkalat sa tiles ng sahig ng kusina. Napaupo siya at napansandal sa malaki nilang refrigerator.

"Aray!" sambit pa niya dahil sa malakas na pagkakatama ng puwitan sa sahig. Naramdaman niyang dumikit sa kamay at braso niya ang malagkit na likido na sanhi ng kanyang pagdulas. At nanlaki ang mga mata niya nang makitang kulay pula 'yon. Nilibot niya ang paningin sa paligid at napasiksik siya sa pwesto nang makita ang katawan ni Lola betty na wala nang ulo.

Ilang beses na pilit na tumayo ni Andrei pero ilang beses din siyang nadulas. Gumapang siya palapit na lamesa at humawak do'n para matulungan ang sarili na tumayo. Sa kabila ng panginginig ng mga tuhod niya, nagawa niyang makatayo pero kaagad ding napaatras sa may lababo nang makita ang Papa niyang nakatayo sa kabilang side ng lamesa. Nakangiti itong nakatitig sa kanya hawak ang baseball bat.

"P-Papa..." naluluhang sabi ni Andrei. Kita niya ang kakaibang ngiti sa maputla nitong mga labi. May bahid ng dugo ang mukha, leeg at katawan nito. Nang mga oras na 'yon, sigurado siyang si Anthony ang pumatay sa Lola niya. Isang hakbang ang ginawa nito nang makahawak si Andrei ng baso at kaagad na binato kay Anthony. Nakailag ito at tumama ang baso sa pader na kaagad na nabasag. Nagsimula ulit siyang batuhin ito pero mabilis na nakakailag si Anthony, pero sa huling bote na binato niya, tinamaan si Anthony sa noo at kaagad itong natumba.

Hindi nag-aksaya ng oras si Andrei, mabilis siyang tumakbo paalis ng kusina.

"Mama! Mama, si Papa!" malakas na sigaw ni Andrei.

Hindi pa man siya nakakarating sa may unang baitang ng hagdanan, isang malakas na hampas ang tumama sa likod ng ulo niya. Hilo siyang bumagsak sa sahig pero pilit na humarap sa kung sino ang humampas sa kanya – ang Papa niya na may hawak na duguang baseball bat. May sugat din ito sa ulo na sanhi ng pagbato niya dito kanina pero nakangiti pa rin ang mga labi at namumula ang mga mata.

"Mama! Tulong – " Hindi na naituloy ni Andrei ang gustong isigaw dahil sa malakas na paghampas pa ni Anthony sa ulo niya.

Hindi pa nakuntentento si Anthony at ilang beses pang hinataw ng baseball bat na hawak ang ulo ng anak niya, hanggang sa makita na niya ang utak na lumabas mula sa nabasag na bungo ni Andrei.

Isla HarayaМесто, где живут истории. Откройте их для себя