Chapter 2

81 9 1
                                    

🍊 Chapter Two 🍊

MALAPIT NA SILA SA kanilang sasakyan nang sinubukan ni Mayo na tawagin ang ama. Tama, kailangan niyang humingi ng tawad rito para kahit papaano ay mabawasan ang bigat na nararamdaman nito.

"Pa..."

Pero kapwa sila natigilan nang may isang motor ang biglang dumaan sa kanilang harapan.

Natigilan si Mayo dahil mabilis siyang kinabig ng kanyang Papa para makaiwas. Pero kasunod niyon ang pag-alingawngaw ng tatlong magkakasunod na putok ng baril.

Nanlaki ang mga mata ni Mayo nang makita niyang may tumalsik na pulang likido na nanggaling sa katawan ng kanyang ama. Kasunod iyon, naramdaman niya ang bigat nito na dumadagan sa kanya dahilan naman para kapwa sila bumagsak sa lupa. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa mga sandaling iyon. Nakita kaagad niya ang dugong lumabas sa bibig nito, kasunod ang pamumula ng mga mata nito.

Nangatog ang buong kalamnan ni Mayo habang kalong-kalong niya katawan ng ama. 'Ni hindi niya maibuka ang kanyang bibig. Pakiramdam niya, umurong ang dila niya at walang tinig na lumalabas sa kanya. Nagulantang pa siya dahil isang malakas na pagkulong ang umalingawngaw sa buong kalangitan. Mabilis na bumagsak ang malakas na ulan at dumaloy sa basang lupa ang dugo na nanggagaling mismo sa katawan ng kanyang Papa.

Nagsimulang mamanhid ang buong katawan ni Mayo. Sa ilang iglap lang bumagsak siya lupa.

"Miss! Miss! Gising! Gising!"

Bahagyang dinilat ni Mayo ang kanyang mga mata nang maramdaman niyang may tumatapik sa kanyang pisngi. Bumungad sa kanyang paningin ang isang imahen ng lalaki na parang kasing edad lang niya.

"Miss! Miss!" tawag pa rin nito.

Nanlalabo na ang paningin ni Mayo. Hindi niya alam kung dahil ba sa lakas ng ulan. Pero naging malinaw sa kanyang isipan ang itsura ng lalaking nasa kanyang harapan. Pero parang wala nang lakas ang kanyang mga pilik-mata para dumilat pa. Tuluyan na siyang nawalan ng malay-tao.

Natagpuan na lang ni Mayo ang kanyang sarili sa Emergency Room habang mabilis niyang nakikita ang pagkilos ng mga Doctor at Nurse sa paligid. Wala rin siyang ibang naririnig kungdi ang pagtunog ng mga aparatong nasa paligid niya. Mabilis ang pagkilos ng lahat pero pakiramdam niya ay lumulutang siya sa kawalan. Parang sirang plaka ring umuulit-ulit sa kanyang utak ang mga nasaksihan niyang eksanang kumitil sa buhay ng Papa niya.

Napatingin si Mayo sa kanyang dalawang kamay. Malinis na ang mga ito, pero bakit sa kanyang paningin ay may bahid pa rin ito ng sariwang dugo?

Wala sa loob na napasigaw siya ng malakas sa gitna ng emergency room!

Gulat na napatingin ang lahat sa kanya.

"Mayo, ija!" humahangos pa si Lola Esperanza nang lapitan siya nito kasunod si Lolo Danilo.

"Ang Papa ko! Nasaan ang Papa ko?" umiiyak niyang tanong, at tinangka niyang bumangon sa kanyang higaan pero pinigilan siya ng kanyang Lolo at Lola. Humingi na nga rin ng tulong ang mga ito sa ilang nurse na naroroon para pakalmahin siya. Pakiramdam niya, hindi siya matatahimik hangga't hindi niya nakikitang nasa maayos na kalagayan ang Papa niya.

"Nasaan ang Papa ko? Papa! Papa!" halos umalingawngaw sa buong hospital ang boses niya.

Pero naramdaman niyang may tumusok banda sa kanyang kaliwang braso ng kung anong bagay dahilan para mawalan muli siya ng malay-tao. Pero kahit ilang beses siyang turukan ng pampatulog, nakasiksik pa rin sa kanyang utak ang mga nasaksihan niya. At hindi niya alam kung hanggang kaylan niya dadalhin sa trahedyang nangyari sa kanyang Ama.

Sa huling hantungan na nasilan ni Mayo ang kanyang Papa. Para na naman siyang binuhusan ng malamig na tubig sa mga sandaling iyon. Hindi na niya alam kung ano nga ba ang mararamdaman niya. Napatingin siya sa puting kabaong nasa kanyang harapan. Muling pumapasok sa isipan ko ang mga naging kaganapan sa sementeryo. Wala sa loob na napakuyom ang kanyang mga kamao. Para na siyang namamanhid. 'Ni ayaw nang pumatak ng mga luha niya. Wala siyang ibang nararamdaman kungdi galit. Galit sa mga taong nasa paligid niya. Pakiramdam niya, ang lahat ng tao ay hindi na makakapagkatiwalaan.

Dinagsa ang media at pulisya hanggang sa libing ng kanyang Papa.

Ilang beses na tinangkang tanungin si Mayo kung ano nga ba ang nakita niya nang araw na iyon? Pero 'ni isang salita ay walang lumalabas sa kanyang bibig. Maski siya hindi niya nakilala ang taong bumiril sa kanyang Ama. Masakit para sa kanya na masaksihan ang lahat, at wala siyang nagawa! Masakit para sa kanya na alalahanin ang mga nangyari. Lalo na sa tuwing makikita niya pagmumukha ng dati nilang Mayor na ngayon ay nanalo nang Gobernador.

Si Joseph Sison.

Kinasusuklaman niya ito!

Para kay Mayo walang ibang dapat na sisisihin sa pagkamatay ng kanyang Papa kungdi ang taong iyon! Kung hindi sana nito pinilit ang Papa niya na tumakbong Mayor, hindi sana nangyari ito.

Gustong-gustong ipamukha ni Mayo sa lalaking iyon ang sakit at galit na kasalukuyang nararamdaman niya. Pero alam naman niya sa sarili na kahit anong gawin niya, hindi na rin maibabalik ang buhay ng Papa niya. Kahit pa nangako sa kanya ni Joseph Sison na hahanapin nito ang tumay na salarin, hindi pa rin niya ito mapapatawad. Hindi na siya naniniwala sa mga binibitawan nitong salita. Para sa kanya, ito ang tunay na pumatay sa Papa niya!

Sa paglipas ng araw, lumabas sa media ang kontrobersyal na kinasangkutan umano ng Papa niya.

Mga katiwalian.

Mga kasinungalingan na kabilang raw ang Papa niya sa master list ng presidente na may ugnayan sa pinagbabawalan na gamot.

Wala pang isang buwan simula nang mamatay ang Papa niya, dumagsa ang mga taong bumabatikos sa kanilang pamilya. May pagkakataon pa ngang habang naglalakad si Mayo ay may nambato sa kanyang hilaw na itlog. At tumama iyon sa mismong mukha niya.

Hindi lang isa.

Halos maligo na nga siya sa dami.

Hindi na nakatagal pa si Mayo kaya para siyang nabaliw na asong nilundagan ang lalaking nambato sa kanya ng itlog.

Nagawa pa niyang sakalin ito. Halos bumaon ang kanyang kuko sa leeg nito. Kung hindi lang siya kaagad inawat, marahil ay napatay na niya ito.

Daig pa niya ang isang warewolf habang nanlilisik ang kanyang mga matang tinitigan ang naturang lalaki.

At dahil sa eskandalong nangyari, nagviral ang video ni Mayo sa internet. Naging usap-usapan siya ng mga tao. Binansagan nga siyang 'Babaeng Lobo!'

Para na siyang pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa sunod-sunod na kamalasang nangyari sa kanyang buhay. Pakiramdam niya, ito na yata ang karma niya dahil sa pagsuway niya noon sa Papa niya. Pakiramdam niya, kahit saan siya magpunta, may mga taong pagtatabuyan siya at kukutyain.

Itutuloy...

🍊🍊🍊🍊🍊🍊🍊

🍊🍊🍊🍊🍊🍊🍊

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
CODENAME: Grumpy Book 3 (Complete) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon