21.A. Coca-Cola Glasses

11.2K 291 24
                                    

Chapter Twenty-One: Coca-Cola Glasses

Hindi pa man kami nagkikita-kita nina Helena at Aia sa campus, alam ko na kaagad kung ano ang una nilang mapapansin sa akin.

"Ella, anong nakain mo?" sabi ni Helena. "Bakit ka naglugay?"

Hinaplos ni Aia ang aking buhok. "In fairness, bagay sa 'yo."

Iyon din ang sinabi ni Jayden kagabi bago kami matulog: "Ri, bagay sa 'yo kapag nakalugay ang buhok mo." Pero hindi 'yon ang dahilan kung bakit ganito ang istilo ng aking buhok ngayon. Natipuhan ko lang.

"Sa bahay natulog si Jayden kagabi."

"Sa bahay n'yo natulog si Jayden kagabi?" sabi ni Helena, napakalakas ng kanyang boses. Nagtakip siya ng kamay sa bibig.

"Shh. Baka marinig tayo ng mga classmates natin."

Nalaman nina Helena at Aia ang lahat ng nangyari. Mula sa pagdating ni Andrew hanggang sa malasing si Jayden. Pati ang tungkol sa party, ikinwento ko rin sa kanila. At 'yon ang naging dahilan kung bakit kami nagtungo sa mall. Sila raw ang bahala sa magiging hitsura ko sa darating na Sabado.

"Ella, isukat mo 'to."

Humarap ako sa salamin at isinukat ang headband na iniabot ni Helena. Maganda naman ang isitilo pero hindi niya nagustuhan nang nakapatong na sa aking ulo. Muli siyang pumili ng ibang disensyo.

"Kelan ba gaganapin ang party?" sabi ni Aia. Kumuha rin siya ng isang headband at humarap sa salamin.

"This coming Saturday na."

Umiling si Aia at ibinalik ang headband sa pinagsasabitan. "Meron daw ino-organize si Jayden, The Royale Party ang tawag ng mga taga-Wildcats. Next week gaganapin, sa bahay nila mismo ang venue."

"Meaning, magkakaroon ng dalawang party?"

Tumango si Aia bago itinikom ang mga labi. "Iba 'to sa mga ordinaryong party na sa club lang ginagawa. Piling-pili rin ang mga invited. Trending topic 'to ngayon sa university forum. Marami kasi ang gustong makakuha ng invitation."

Bigla akong nalungkot. Oo, imbitado nga ako sa isang party, ngunit sa isang ordinaryong party lang. Pero sino nga ba naman ako para kay Jayden? Kapareha lang niya ako sa isang dance prod at orgmate ko lang siya sa isang organisasyon na hindi naman niya ginustong maging parte. Pero ayos na rin 'to. Ang mahalaga, matutupad ko ang kanyang second wish. Isang kahilingan na lang at wala na akong obligasyon sa kanya.

Muling lumapit si Helena, bitbit sa mga kamay ang limang headbands na iba-iba ang disensyo at kulay. "Ella, please try these."

Kinuha ko ang mga iniaabot niya.

"Wait. Si Jayden 'yon, di ba?"

Lumingon ako kung saan nakaturo si Helena. Si Jayden nga, patungo sa labasan ng department store, kasama si Nicole. Pero bakit sila magkasama? Nagde-date kaya sila? Akala ko ba hindi niya ito girlfriend? At bakit hindi niya sinabi sa akin na pupunta rin siya sa Moonstar Shopping Center? Alam naman niya na nandito ako. Sinabi ko kanya nang magpaalam ako na ipagpaliban muna namin ang pag-eensayo.

Muling bumalik si Helena kung saan siya nanggaling kanina at nagsukat ng mga ipit sa buhok. Hindi ko napansin na nakatulala pala ako sa harap ng salamin kung hindi pa nagsalita si Aia.

"Ella, what happened?"

"What happened? Kanino?" Muli kong tiningnan ang aking mga mata sa salamin at saka isinukat ang headband.

"Alam ko may kakaibang nangyayari. Matagal ko nang napapansin sa tuwing magkasama kayo. Hindi lang ako sigurado noong una. Pero ngayon . . ." Hinawakan ako ni Aia sa kamay at tinitigan sa aking mga mata. "Girl, you can trust me."

Jayden UniversityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon