Vincenzo and Ia: Love In The Time of Corona

166 14 5
                                    

Partially canon.


ITIM NA BABAE. Namamawis ang mukha. Kumikinang ang gintong damit at may karga na maliit na bata. Kapuwa diretso ang paninintig sa kaniya; hindi iniiwas ang mga mata na may bahid ng pangingilatis, paninimbang at malalim na pag-iisip.

Napatuwid siya sa pagkakatayo. Napakapit sa mga bulsa. Gayunpaman, imbis na maasiwa sa kuryosong paninintig at tuluyan na umiwas ay iniayon niya rin ang mga mata sa nibel nito. Walang plano na pumutol, umiwas, at lumayo.

Ilang segundo ng kuryosong paninintig. Ilang segundo ng pangingilatis. Ilang segundo ng paninimpla. Walang nangangahas na gumalaw; walang nangangahas na umiwas.

"Ang ganda niya, ano?"

Ang panibagong boses lamang ang naging hudyat ng pagtigil. Mula sa imahe ng isang ina ay inilipat niya ang atensiyon tungo sa pinanggalingan ng timbre. Bumungad ang isang matanda. Matangkad at namumuti ang buhok. Nakasuot ng puting polo at itim na slacks. Ang isang kamay ay nakadepende sa isang tungkod, samantalang ang kabila ay nakatago sa isang bulsa.

"Bishop..." panimula niya.

"Good morning, anak."

Isang maliit na ngiti ang sumungaw mula sa istriktong mukha ng obispo na si Hernand Ponteverda matapos sambitin ang huling salita. Anak. Hindi ang kaniyang pangalan at hindi rin ang dating tinatawag sa kaniya. Talagang anak, na tila baga galing talaga siya sa sariling dugo nito — hindi kaiba, hindi malayo, hindi makakalimutan.

Dahan-dahan, siya'y lumapit rito. Yumuko. Iniabot ang kaliwang kamay na hindi nakadepende sa isang alalay. Nagmano.

"Kanina ka pa rito?" tanong nito. Saglit na hinawakan ang nakayukong ulo.

Nang tumuwid sa pagkakatayo, siya'y umIling.

"Hindi naman ho. 3 minutes or so."

"I see... I see. Galing ka ba sa farm niyo?"

"Dumaan lang po ako saglit."

Tumango ang obispo. Napangiti, "And the family? Kasama mo?"

Saglit siyang natigilan. Napatitig nang mataman sa matanda.

Family. Pamilya. Walang anu-ano'y may kung anong sensasyon na tumama sa kaniyang sistema nang umugong ang salita sa kaniyang utak. Sensasyon na tila pinaghalong pagkagulat, pagkamangha, pagtataka — at higit sa lahat, kasiyahan, sapagkat kinilala ng prelado ang kaniyang pamilya.

"Nakauwi po. Kasama ko sila," sagot niya sa gitna ng maliit na ngiti. Sa saglit na pagsagot ay rumehistro sa utak ang mukha ng asawa; nakangiti at umiiling. Sinundan ng anak; nagpapahabol at humahalakhak.

Tumango ang obispo, "Salamat sa Diyos. Mabuti naman. Akala ko'y naabutan ng NCR lockdown at naiwan doon. Mahirap na kung hindi kayo magkakasama ngayon."

Walang anu-ano'y tinalikuran siya ng matandang obispo. Dahan-dahan, hinarap nito ang imahe na tinititigan niya kanina-nina lang: ang imahe ng Nuestra Señora de Peñafrancia, patron ng Camarines Sur.

"Thank you for helping, Vincenzo..." mahinahon na wika ni Bishop Ponteverda.

Napangiti siya. Napatango.

"Thank you for allowing me to help in the first place, despite everything, bishop."

Hinarap siya nito. Kapansin-pansin na nakakunot na ang noo, "Teka, why would I disapprove?"

"Because—"

"Because you're supposed to be hidden away?"

Natigilan siya.

CrumbsWhere stories live. Discover now