Part of a Chapter

77 7 1
                                    

Sliced, unedited (2015 version)


Nahinto siya sa pagmamasid nang maramdaman ang pagtaginting ng cellphone sa bulsa. Tatlong beses, dire-diretso, saka nahinto. Nang tumigil ay saka niya lang ito kinuha. Bumungad ang isang mensahe. Hindi pamilyar ang numero.

+63 920 418 ****:
Umalis ka na ng Nueva Castallon habang pwede pa.

Napakunot ang kaniyang noo. Saglit na napatitig sa cellphone. Inulit ang pagbasa.

Umalis ka na ng Nueva Castallon habang pwede pa.

Napakurap-kurap siya. Sino 'to?

Saglit niyang iginala ang paninintig. Marami pa ring tao. Abala sa iba't ibang bagay. Nagtatawanan, nagkekwentuhan, nagyayakapan. May ilan na nagyoyosi sa gitna ng mga kotseng nakapark. Ilan na nagtatawanan habang tumutungga ng beer malapit sa bouncer. Ilan na abala sa kanilang sariling cellphone.

Binalikan niya ang hawak. Iyong mga salita. Iyong nagtext. Nang mahimasmasan ay walang pagdadalawang-isip niyang pinindot ang numero. Tinawagan.

The number you are calling is now unattended...

Napaismid siya. The hell?

Inulit-ulit niya ang pagtawag. Paulit-ulit rin ang mga salita. Unattended. Ibig sabihin, sarado ang cellphone. Siguro'y naisipan ng promotor na tatawagan niya ito matapos ang katarantaduhan, kaya sinigurong hinding-hindi niya na ito matatawagan.

Ano ba 'to?

"Putangina naman no'n!"

Natigilan siya sa paninintig sa cellphone nang biglang marinig ang isang malutong na pagmura sa kaniyang bandang likuran. Babae. Hindi pamilyar. Malapit.

Napatuwid siya sa pagkakatayo. Nilubayan ang cellphone at ang mensaheng laman nito. Subalit bago pa man niya malingon nang tuluyan ang pinanggalingan ng boses ay pumwesto na ito sa kaniyang bandang kanan.

"Sorry, excuse me, mind if I smoke here?" biglang tanong nito.

Bahagya siyang nagulat nang ang unang bumungad sa nibel ng kaniyang mga mata ay isang kamay. Makinis. Payat. Halata ang pagkamestisa. Hawak ay isang yosi na mas mahaba ang katawan sa karaniwang hinihithit. Iba rin ang kulay—imbis na puti ay kumikinang na ginto ang dulong ipinupuwesto sa gitna ng mga labi, samantalang kulay tsokolate naman ang parteng unti-unting tinututop ng baga.

Iniangat niya ang paningin sa mukha ng nagmamay-ari ng kamay at ng boses kanina. Bumungad ang isang babae: mestisa, medyo singkit, matangos ang ilong at namumula ang pisngi. Mahaba ang buhok, gayundin ang mga pilik-mata.

Maganda.

Pero hindi pamilyar.

Halatang hindi taga-Nueva Castallon. Halatang hindi taga-Bicol.

Turista?

"Okay lang ba?" biglang tanong nito na ikinagulat niya. Ikinagising sa saglit na pag-iisip. Walang anu-ano'y bahagya siyang nalito. Nataranta.

Napakurap-kurap siya. Teka.. ano?

Napangiti ang babae. Hilaw. Nahalata siguro ang pagkalito niya.

"Smoking area 'to, pero magpapaalam ako. Okay lang ba magyosi dito?"

Tila nahimasmasan siya sa sinabi nito. Dali-dali niyang nilingon ang pader — at napangiwi nang mapagtanto na tama nga ang babae. May malaking SMOKING ZONE na nakabalandra sa pinakataas na bahagi. Halos ka-nibel na ang kisame. Kumikinang-kinang pa.

CrumbsWhere stories live. Discover now