UNANG KABANATA: AANDAP-ANDAP NA ILAWAN (Tagpo 1)

425 16 0
                                    



"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na  Nobela ni Zampagitang Asul

UNANG KABANATA

AANDAP-ANDAP NA ILAWAN

Unang Tagpo

Pakiramdam ni Ernie, pinagsakluban siya ng langit at lupa. Katatapos lang niya ng 'grade six' sa Mababang Paaralan ng Concepcion nang maulila siya sa ama't ina. Pakiwari niya, siya'y isang aandap-andap na ilawan na sa anumang oras ay maaaring panawan ng ningas. Paano na ang mangyayari sa buhay niya? 

Sampo silang magkakapatid na may kani-kaniya ng buhay na pawang lumaking isang kahig, isang tuka lamang hanggang matutuhan nga ng kaniyang magulang ang magbalutan na sa maliit na puhunan lamang ay unti-unti nang napalago. Duon lamang sa maliit na balutan, kinukuha ng kaniyang ama at ina ang kanilang ikinabubuhay at mga pangangailangan. Karamihan sa kanila'y di nakatapos mag-aral at nagsipag-asawa na lamang. Ang kanyang Kuya Ruperto ang nakaisip lang na umampon sa kanya na nagkaroon din ng maliit na puhunan at nagpatuloy sa balutang sinimulan ng kanilang ama. 

At ngayon ngang wala na ang kanyang ama't ina na daingan niya ng kanyang mga saloobin, pakiwari niya'y nag-iisa na siya sa mundo, wala na kasi ang mga magulang niyang duon niya nararamdaman ang tunay na pagmamahal at malasakit. Pakiramdam niya pag kasama niya ang kanyang ama at ina, protektado siya at malayo sa panganib.

Ayaw dalawin ng antok si Ernie habang pinagmamasdan ang mga kasamang bikolanong trabahador sa pagawaan ng balot ng kanyang kuya na nagsisipaghilik pa na kasa-kasama nila sa biyahe ng kanyang Kuya Ruperto para mamili ng mga itlog ng itik sa Pangasinan. Inaaaliw ni Ernie ang sarili habang namamasyal ang kanyang paningin sa iba't ibang ayos ng pagkakahiga ng mga kasamahan niyang bicolanong trabahador na may mga nakahigang nakabaluktot, may tuwid na tuwid kung matulog, may mga nakangangang tumutulo-tulo pa ang laway na nakalapat ang mga katawan sa pagkakahiga, at bahagyang napatigil ang kanyang paningin sa isang nakadukot pa sa kanyang ari. 

Naisip niyang nagsisipagtipon ng lakas ang mga ito sapagkat kinabukasan kailangan na nilang maghakot ng mga itlog ng itik na nakalagay sa kahong-kahong yari sa tabla. Salamat na lang sa pagmamagandang-loob ng may-ari ng itikan sa Pangasinan na sila ay duon pinatulog sa may kalakihang sukat at lapad na kubo na yari sa kawayan ang sahig, may dingding na sawali at pawid na bubong na may espasyong sapat sa sampong tao o mahigit pa. Samantalang ang Kuya Ruperto niya'y nagpasyang matulog na lamang sa truck van na inarkila ng kanyang Kuya. Ngunit sa kabila ng lahat, ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Nagbabalik sa kanyang alaala kung paanong namatay ang kanyang ama't ina.

Dahil noo'y naging masasakitin na ang kanyang ama, pinagpasiyahan ng kanyang ina na samahan ang ama na mamanata sa St. Peter Church sa Apalit, Pampanga. Bagamat wala siya roon, nakikinita niya ang kanyang mga magulang na kasama ang mga nagkakagulong mga deboto at mga namamanata kay Apo Iru sa ginaganap na 'fluvial parade' sa kahabaan ng kailugan. Naalala rin niya ang kwento ng ina na maraming namamanata kay Apo Iru ang napagaling sa mga karamdamang wala ng lunas, mga nakapagtrabaho sa ibang bansa, mga pamilyang nagkawatak-watak na nabuong muli at iba pang mga suliraning nangangailangan ng kalutasan. 

Kitang-kita niya sa kanyang balintataw habang nakaluhod at buong taimtim na nanalangin ang kanyang ama at ina sa loob ng St. Peter Church -- ang kanyang ama na humihiling sa Diyos sa pagpapagaling sa kanyang karamdaman at ang kanyang inang gayundin ang hinihiling na sana'y tuluyan nang lumakas ang kanyang ama. 

 Unti-unti nang pumapatak ang luha sa kanyang mga mata nang sumaging muli sa kanyang alaala nang inuwi ng kanyang ama sa kanilang bahay ang wala ng buhay niyang ina at sa kabiglaana'y di-matapos-tapos ang kanyang pagdaramdam hanggang masaid na ang huling patak ng kanyang luha at walang nagawa kundi tanggapin na lang ang katotohanan sa pagkakaatake sa puso ng ina sa ikasiyam na araw ng kanilang pamamanata sa Patrong San Pedro at Apo Iru sa Apalit, Pampanga para sa paggaling ng ama ngunit sa di-inaasahan ang ina pala ang magbubuwis ng buhay na wari bagang tinubos niya ang buhay ng ama.


"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon