IKAANIM NA KABANATA : BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY(TAGPO 64)

28 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAANIM NA KABANATA

BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY

Ikaanim-na-po't apat na Tagpo

Isang araw bago ang halalan, balitang-balita ang ginawang pamumudmod ng sampong libong piso sa bawat maralitang pamilya sa bawat purok ng Brgy. Virgen delos Flores ni Kapitan Anchong. Bukod pa rito, nagpamigay pa ito ng tig-iisang kabang bigas sa bawat tahanan, mahirap man o maykaya sa kanilang lugar.

Ngunit di napatalo ang Kuya Ruperto ni Ernie. Hinigitan pa nito ang ipinamigay ni Kapitan Anchong ng halagang labinlimang libong piso sa bawat maralitang tahanan sa kanilang lugar. At ginawa niyang dalawang kabang bigas ang ipinamudmod niya, mahirap man o nakaririwasa sa buhay sa buong baranggay nila. Masayang nagdiwang ang buong baranggay sa nag-uumapaw na biyayang natanggap nila.

Di-nalingid sa kaalaman ni Ernie ang talamak na bilihan ng boto sa kanilang lugar para lang manalo sa halalan.

At sa wakas, dumating na rin ang kinapapanabikang araw ng halalan. Di-mapakali si Ernie. Di niya malaman kung bakit ganoon na lamang ang nararamdaman niyang matinding kaba sa maaaring kahinatnan ng halalan dahil na rin sa banta sa buhay ni Kapitan Anchong gayundin sa kanyang buhay.

Pilit niyang nilabanan ang takot. Nakapangako na siya sa kanyang Kuya Ruperto na kahit anuman ang mangyari, kailangang makaboto siya. Madilim pa nang bumangon na siya habang dinig na dinig pa niya ang paghihilik ng asawang si Ine. 

Pagkatapos niyang maligo, pumasok na siya para magbihis. Nagising si Ine nang makaramdam ito ng panunubig. Nag-aapura itong lumabas ng silid para magtungo sa cr. 

Pagkaihi, mabilis na bumalik na agad si Ine sa silid nang mapansing gumagayak si Ernie. Binuksan ni Ine ang ilaw, laking gulat niya nang matambad sa paningin niya na suot ni Ernie ang pula niyang bestida.

"Ernie...ano ba 'yang pinaggagawa mo sa sarili mo?" nagtatakang tanong ni Ine.

"Huwag ka nang magtatanong...halika...tulungan mo ko...ayusan mo ko..." ang pakiusap ni Ernie sa asawa, "Boboto ko...tutuparin ko pangako ko kay Kuya Ruperto...kailangan kong magpanggap..."

"Huwag mong sabihing boboto ka nang ganyan ang itsura mo? Lalo akong kinakabahan diyan sa pinaggagawa mo...di ba susunduin ka ng security escort mo sa Baliuag para sa police protection mo para ligtas kang makaboto..." ang paliwanag ni Ine.

"Mas delikado pa pag nagpasundo ako...paano kung tambangan kami ng nagbabanta sa buhay ko?" kontra-paliwanag ni Ernie.

"Buti pa kaya...huwag ka nang bumoto...lalo akong di-mapanatag sa pinaggagawa mo..." halata sa tinig ni Ine ang labis na pag-aalala.

"Walang mangyayari sa akin...di ako pababayaan ni Lord. Pagdating ko sa lumang bahay namin sa Baliuag...saka ako magpapalit ng damit...iiwan ko ang SUV...mamasahero na lang ako...sige na...ayusan mo na ko...Wonderwoman..." ang pagsusumamo ni Ernie sa asawa.

"Sige na nga Superman! Ewan ko ba...talagang kinakabahan ako...ano ang sasabihin ko sa susundo sa iyong security escort mo?" tanong ni Ine.

"Tumawag ka na lang sa Chief of Police ng Baliuag, ibigay mo yung adres namin sa Baliuag, duon na lang ako bigyan ng security escort hanggang sa makaboto ako..." tugon ni Ernie.

Wala nang nagawa si Ine kundi sumunod sa kagustuhan ng asawa kahit abot-abot ang kaba niya sa dibdib. Inayusan niya si Ernie. Minek-apan. Nilagyan ng lipstick. Sinuotan ng pelukang blonde ang buhok. 

Napakaganda ni Ernie nang mabihisan. Nagsuot ng de-gomang puma ang tatak. Kumendeng-kendeng pa nang lumabas ng bahay habang sinusundan ni Ine na di-maiwasang mangiti sa kabila ng kabang nararamdaman nito.

Paglabas ng bahay, kumaway sa isang paparating na pampasaherong dyipny. Pagkasakay pa lamang niya, pinagtitinginan na siya ng mga pasaherong lulan nito. Habang tumatakbo ang sasakyan, pinakikiramdaman niya ang mga nakasabay niyang pasaherong mga lalaki at babae.

 Di niya malaman kung nagagandahan ba ang mga ito sa kanya, kung napagkamalan ba siyang tunay na babae o bading na nagpupumilit na magpakababae. Naiisip rin niya, di kaya isa sa mga ito ang assassin na papatay sa kanya. Di pa rin niya maiwasan ang kabahan lalo na nga't pinadalhan rin siya ng kabaong na gaya ng kabaong na ipinadala sa Ninong Anchong niya.

All reactions:3Dalia Delrosario, Janet Manlapaz and 1 other

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulWhere stories live. Discover now